Pagpapalaya sa kapapanganak na inang isa sa Morong 43, iginiit ng Gabriela
Nagpiket ang Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, sa harapan ng Philippine General Hospital (PGH) kamakailan upang igiit ang kagyat na pagpapalaya sa batayang humanitarian kay Judilyn Oliveros, isa sa 43 health workers na ilegal umanong inaresto sa Morong, Rizal noong Pebrero. Kasalukuyang nasa PGH si Oliveros matapos itong manganak noong Hulyo 22 sa pamamagitan ng ceasarian […]

Nagpiket ang Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, sa harapan ng Philippine General Hospital (PGH) kamakailan upang igiit ang kagyat na pagpapalaya sa batayang humanitarian kay Judilyn Oliveros, isa sa 43 health workers na ilegal umanong inaresto sa Morong, Rizal noong Pebrero.
Kasalukuyang nasa PGH si Oliveros matapos itong manganak noong Hulyo 22 sa pamamagitan ng ceasarian section.

Kinondena din ng Gabriela ang kautusan ng korte na muling ibalik sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan si Judilyn. Ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, nakakagalit ang pagpupumilit ng korte na muling ibalik sa kulungan si Oliveros matapos ang kanyang panganganak. “Malinaw na ang kautusan ay hindi man lang nagbigay ng konsiderasyon sa malaking epektong idudulot nito sa mag-ina,”aniya.
Kaugnay ng nakaambang pagbalik sa bilangguan ni Judilyn, nagsampa ang mga abogado ng Morong 43 ng motion for release on recognizance for humanitarian grounds sa korte na nakatakdang dinggin sa Agosto 6, 2010.
Nakasaad sa motion ang pangangailangan ng pagpapasuso ng ina upang matiyak ang normal na paglaki at pag-unlad ng bata batay sa rekomendasyon ng pediatrician na si Dr. Lorna Ramos-Abad. Ayon sa motion, “Upang matiyak ang tuluy-tuloy na produksiyon ng gatas ng ina, kailangang madalas na mapasuso ang bata sa kanyang ina. Mahalaga din na ang ina ay malaya sa anumang stress at mailagay sa kumportableng lugar.”
Ngunit sa mga publikong pahayag ng mga awtoridad ng Camp Bagong Diwa, kanilang ipapatupad ang planong paghiwalayin ang mag-ina sa kadahilanang walang sapat na pasilidad ang bilangguan para sa mga katulad na kaso ni Judilyn.

Lumahok sa pagkilos ang mga organisasyong pambata tulad ng SALINLAHI, Children’s Rehabilitation Center at Parents Alternative on Early Childhood Care and Development, na nagpaalala na sa gobyerno na isa ito sa mga lumagda sa United Nations Convention for the Right of the Child.
Nakasaad sa naturang kumbensiyon na pangunahing tungkulin ng bawat estado na pangalagaan ang kagalingan at karapatan ng bawat bata. Ayon kay Eilek Manano, social worker ng CRC, “Malinaw na ang kautusan ng korte ay paglabag sa batayang karapatan ni baby boy Oliveros na makapiling ang magulang at mabuhay nang normal.”
Iginiit din ng Gabriela na ang patuloy na pagkakabilanggo ng Morong 43 ay isa nang kahiya-hiyang manipestasyon ng kalupitan ng estado at ang pagkait sa isang ina ng kanyang karapatang alagaan ang bagong silang na sanggol ay isang malagim na porma ng tortyur.