Sapagka’t hindi na sumasapat
Ang pagsalubong sa tingin mong
Lagi’t lagi’y naghahanap ng kasagutang
Inaapuhap sa mga kaluluwang gaya mo ring
Nangangapa ng pagkalingang
Yayakap sana sa katawan mong
Sinanay sa malalamig na gabing
Pinagkaitan ng mga bitui’t
Dinaklot ng marahas na dilim
Na nagnakaw ng iyong mga ngiting
Hinalinhan ng malalalim na buntong-hiningang
Walang humpay na naglalagos
Sa mga templong pahingahan ng mga pusong
Pagal mula sa pagtakas sa madidilim
Na aninong nagbabalat-kayong
Tanglaw at liwanag na
Nagpaparoo’t parito sa pagtawid
Sa kulay dugong pusalian
Ng mga nakaw na pangarap at buhay
Kapalit ang kanilang nilalakong
Nirahuyong pag-asa at pangakong
Hindi nakahulagpos sa reyalidad ng
Tanikalang daan taon nang
Ipinalamuti sa leeg mo’t
Unti-unting sumisipsip ng iyong lakas at
Nagpilit sa iyong hanapin ang
Mga kasagutang nagpatingkad at
Nagpaalab sa digmaan ng mga kontradiksyon
Sa mga kaparanga’t kabukirang
Lalong pinatamis ng pawis
At dugong idinilig sa aanihing
Paalon-along hahalik sa iyong tanaw.
Si Ipelenio Soco ay kasapi ng Desaparecidos (Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan). Noong Hunyo 26, 2006, dinukot ang kanyang ina na si Gloria Soco, kasama ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines na si Prudencio Calubid, ng pinaghihinalaang mga ahente ng militar sa Quirino Highway sa Camarines Sur.