3 lider-magsasaka sa Laguna, dinampot ng militar


Tatlong lider magsasaka ang dinampot ng mga sundalo ng Philippine Army sa probinsya ng Laguna kaninang umaga, ayon sa ulat ng militanteng grupong magsasaka na Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK). Batay sa mga ulat na nakalap ng KASAMA-TK, dinampot sina Darwin Liwag, pangkalahatang kalihim ng pamprobinsyang grupong magsasaka na Pagkakaisa at Ugnayan […]

Darwin "Tatso" Liwag ng Pagkakaisa at Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna (Southern Tagalog Exposure)
Darwin "Tatso" Liwag ng Pagkakaisa at Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna (Southern Tagalog Exposure)

Tatlong lider magsasaka ang dinampot ng mga sundalo ng Philippine Army sa probinsya ng Laguna kaninang umaga, ayon sa ulat ng militanteng grupong magsasaka na Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).

Batay sa mga ulat na nakalap ng KASAMA-TK, dinampot sina Darwin Liwag, pangkalahatang kalihim ng pamprobinsyang grupong magsasaka na Pagkakaisa at Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna (Pumalag), at dalawang staff nito na sina Rey Malaborbor at Aries Cuazo, ng pinagsanib na mga elemento ng 202nd Brigade at 1st Infantry Batallion ng PA sa isang tsekpoint sa Brgy. Lewin, Lumban, Laguna.

Sa operasyong pinangunahan ng isang Lt. Aaron Nasataya, tinaniman ng mga armas at pinalalabas na mga kasapi ng rebolusyonaryong grupo na New People’s Army (NPA) ang tatlo, ayon sa grupo.

“Mariin naming kinukondena ang tuluy-tuloy na atake ng rehimeng Aquino sa hanay ng mga aktibista at mga magsasaka sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Higit lamang lumilinaw na ang bagong pangulo ay walang ipinag-iba sa nagdaan na rehimeng Arroyo,” pahayag ni Axel Pinpin, dating bilanggong pulitikal at pangkalahatang kalihim ng Kasama-TK.

Pinabulaanan ni Pinpin ang paratang na mga NPA umano ang tatlong lider-magsasaka. Ayon sa kanya, ganito rin ang sinapit nila ng “Tagaytay 5,” na dinampot, tinortyur at pinalalabas na mga NPA noong administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.

Matapos ang mahigit dalawang taon ng pagkakakulong, nakalaya ang Tagaytay 5 matapos mapatunayan sa korte na walang batayan ang mga ikinakaso sa kanila.

Ayon kay Pinpin, si Liwag, o mas kilala bilang “Tatso,” ay madalas din sa Metro Manila nito lamang nakaraan dahil sa inilunsad ng grupo na kampuhang magsasaka sa harap ng Department of Agrarian Reform. (Basahin ang kaugnay na istorya hinggil sa kampuhan)

“Sa katunayan, kasama pa siya sa press conference ng KASAMA-TK nito lamang Setyembre 29 sa harapan ng DAR. Ka-text ko lang siya kagabi kaugnay ng isasagawa namin na kilos-protesta ngayong araw na ito,” dagdag pa ni Pinpin.

Panoorin ang bidyo ng nasabing press conference (mula sa Southern Tagalog Exposure):

Kasalukuyang nakatipon ang mga magsasaka sa Mendiola Bridge, at balak doon manatili hanggang sa malakihang protesta sa Oktubre 8.

Sinabi ni Pinpin na patunay ng patuloy na panunupil sa hanay ng mga magsasaka at aktibista ang 16 kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa loob ng unang 100 araw na panunungkulan ni Pang. Benigno Aquino III. Kabilang dito ang limang magsasaka na pinatay sa probinsya ng Rizal, habang ang pinakahuling biktima ay magsasaka rin na pinatay naman sa probinsya ng Negros.