Kapayapaan, kalayaan ng Morong 43, sigaw ng bata sa Mendiola
Bitbit ang mga karatula, tapestries, at artwork na naglalaman ng kanilang sentimyento hinggil sa umano’y kapabayaan ng gobyerno sa kapakanan at karapatan ng mga bata, nagmartsa ang mahigit 100 bata patungong Mendiola Bridge sa Manila upang ipanawagan ang pagtigil ng karahasan sa mga bata, kapayapaan at kalayaan ng mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43.
Bitbit ang mga karatula, tapestries, at artwork na naglalaman ng kanilang sentimyento hinggil sa umano’y kapabayaan ng gobyerno sa kapakanan at karapatan ng mga bata, nagmartsa ang mahigit 100 bata patungong Mendiola Bridge sa Manila upang ipanawagan ang pagtigil ng karahasan sa mga bata, kapayapaan at kalayaan ng mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43.
Ayon sa Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, nanggaling ang mga bata sa mga maralitang komunidad, ang ilan ay mga anak ng mga bilanggong pulitikal. Kasalukuyang nasa hunger strike ang Morong 43 upang igiit ang kanilang kalayaan. Idinagdagdag pa ng grupo, na kalakahan diumano ng mga batang lumahok sa protesta ay kliyente ng Morong 43.
Sinabi naman ni Libertad Dipon, tagapangulo ng Salinlahi, na taun-taon umanong inilulunsad ng grupo ang kanilang protesta na tinagurian nilang Children’s Solidarity Action simula pa noong 1995.
“Sa taong ito, kahit pumasok ang bagong pangulo sa katauhan ni Benigno Aquino III, nagpapatuloy ang kaawa-awang kalagayan ng mga batang Pilipino. Nakikita namin na guilty siya sa kapabayaan hinggil sa kapakanan ng mga bata, sa pamamagitan ng kawalan nang malinaw na agenda para sa mga bata,” ani Dipon.
Idinagdag pa ni Dipon na ipinapakita umano ni Pangulong Aquino na wala siya umanong pagkakaiba sa nakaraang administrasyon pagdating sa paglabag sa karapatan ng mga bata.
“Miss ko na si nanay, sana palayain na sila ni PNoy (Pangulong Aquino),” bigkas ni Yuki, pitong-taong-gulang at anak ng isa sa Morong 43. Aniya, wala namang kasalanan ang kanyang ina at nagtataka siya kung bakit hinuli ang kanyang magulang. “Salbahe sila, wala naman silang kasalanan pinagbintangan lang silang gumagawa ng bomba,” aniya.
Ayon sa Children’s Rehabilitation Center, nakapagtala sila ng mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata sa loob ng limang buwang panunungkulan ni Aquino.
Diumano, nakapagtala sila ng anim na kaso ng bigong pagpatay, apat ang biktima ng tortyur, dalawa ang biktima ng ilegal na pag-aresto, dalawa ang biktima ng panggagahasa at 136 na biktima ng sapilitang paglikas.
“Nakatanggap din kami ng mga ulat nang sapilitang pagrekluta sa mga menor-de-edad upang maging Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) o kaya naman ay pagsama sa kanila sa young adult organizations tulad ng YMCA,” ani Jackie Ruiz, deputy director ng CRC.
Sumuporta naman ang Gabriela sa isinagawang protesta ng mga bata, ayon kay Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Diumano, sa bawat biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao, may mga batang nagiging biktima. “Sa bawat araw na dumaan at walang katarungang naibibigay sa mga biktima, ang mga batang Pilipino ay nabubuhay sa lipunang puno ng impunidad,” ani Salvador.
“Hinihiling namin sa administrasyong Aquino na bumuo ng mapayapang bukas para sa bawat batang Pilipino, sa pamamagitan ng pagwasak sa kultura ng impunidad,” pagtatapos ni Salvador.