Jazmines: AFP, PNP sadyang sinasabotahe ang usapang pangkapayapaan
Maanghang ang unang pampublikong pahayag ni Alan Jazmines, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na dinakip isang araw bago ang pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GPH) at NDFP.

Maanghang ang unang pampublikong pahayag ni Alan Jazmines, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na dinakip isang araw bago ang pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GPH) at NDFP.
Aniya, tahasang binalewala ng matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig).
Sa kanyang sulat na inilabas sa midya ng grupong Selda, ikinuwento ni Jazmines na iniutos ng matataas na opisyal ng AFP at PNP sa mga arresting officer na ituloy ang pang-aaresto sa kanya sa kabila ng Jasig.
“At the time I was being arrested, I insisted that the arrest is a violation of the Jasig because I am a certified Jasig holder…Yet, the arresting officers said that after they relayed my insisting to the top command of the AFP and PNP, the top officers ordered to proceed with the arrest and detention, and ‘to hell with the Jasig’,” aniya.
Hindi niya tinukoy kung sinu-sino ang mga opisyal na ito.
Ang pag-aresto ay tahasang arogansiya, pang-iinsulto, at pananabotahe sa usapang pangkapayapaan, dagdag pa ni Jazmines, na nakadetine ngayon sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
“In adding another arrest of a Jasig holder on the very eve of the resumption of the peace talks, the leadership of the fascist AFP and PNP want to show how easily they can violate all peace agreements and make it appear that the NDFP and the revolutionary forces are weak and have really nothing to leverage on and gain in the peace process. They want to use the peace process only to make the revolutionary forces capitulate,” aniya pa.
Iginiit niya na iresolba muna ang paglabag ng GPH sa Jasig, bago tumungo sa ibang adyenda sa usapang pangkapayapaan. Nakatakdang talakayin sa usapan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms, ang programa ng NDFP para sa pagtugon sa mga ugat ng armadong tunggalian.
Mula sa Oslo, Norway, kinumpirma na ng peace panel ng NDFP na protektado si Jazmines ng Jasig at ipinanawagan ang kagyat na pagpapalaya sa kanya.
“It is imperative that Jazmines be released immediately and unconditionally so that there will be no disruption of the formal peace talks,” pahayag ni Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDFP peace panel.
Dinakip si Jazmines ng pinagsanib na mga operatiba ng pulis at militar noong gabi ng Pebrero 14, ilang oras bago ang pormal na panunumbalik ng usapang pangkapayapaan.
Mula sa Baliuag, Bulacan dinala si Jazmines sa Camp Olivas at inilipat sa Camp Alejo Santos sa Malolos. Kahapon, inilipat siya sa Camp Crame, kung saan siya unang nabisita ng abogado at kanyang mga kapamilya.
Sa panayam ng Pinoy Weekly, kinumpirma ni Atty. Julius Matibag, na may hawak si Jazmines na document identification sa ilalim ng Jasig. Naka-isyu sa ilalim ng alyas na Dodi Lapida at may reference number na 978213.
“Iginigiit niya na Jasig holder siya, kaya regardless of kung may warrant of arrest, hindi siya dapat inaresto,” ani Matibag.
Sinabi umano ni Jazmines na hindi ipinrisenta sa kanya ng mga awtoridad ang warrant of arrest nang siya ay inaresto. Sa Camp Olivas na ipinrisenta sa kanya ang warrant of arrest. Noong 1992 pa ito inisyu para sa umano’y 13 counts ng murder sa Calauan, Quezon.
“We don’t know if the arrest was purposely made on the eve of the resumption of the peace talks, but what is certain is that he was arrested right before it,” ani Matibag.
Sinabihan umano si Jazmines ng mga umaresto sa kanya na noong Pebrero 12 pa siya balak arestuhin batay sa kanilang paniniktik, ngunit noong Pebrero 14 lamang ito isinagawa.
Sa isang pahayag, ipinagmalaki naman ni Gen. Ricardo David Jr., chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-aresto kay Jazmines, na umano’y dapat litisin ayon sa batas.
Pero ayon kay Matibag, natural na lamang na may mga kasong maaaring isampa sa mga rebelde gaya ni Jazmines, ngunit ginagarantiyahan ng naunang mga kasunduan ng gobyerno at NDFP na hindi sila maaaring basta na lamang arestuhin.
Ipinanawagan naman ni Jalandoni sa gobyerno na payagan si Jazmines na lumahok sa susunod na round ng usapang pangkapayapaan, at palayain ang 350 pang bilanggong pulitikal sa buong bansa.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi naman ng Communist Party of the Philippines (CPP) na nabigo ang gobyernong Aquino na turuan ang PNP at AFP na respetuhin ang Jasig.
“The AFP and PNP are exhibiting duplicity with regard peace negotiatings. They are in favor of peace talks in words, but are against it in action,” ayon sa CPP.
Si Jazmines ang pangalawang konsultant ng NDFP na inaresto sa loob ng dalawang buwan. Noong Enero 4, inaresto sa Quezon si Tirso “Ka Bart” Alcantara, na labag din umano sa naunang mga kasunduan. Nananatiling nakakulong si Alcantara sa kabila ng paggiit ng NDFP na palayain siya bago ang pormal na usapang pangkapayapaan.