Sugod mga Kapatid

Para kanino ka bumabangon?


Si Karen ay nagtatrabaho noon sa isang fast food restaurant, at ngayon sa call center, para matapos niya ang pag-aaral niya sa isang state university dito sa Metro Manila. Bagamat may business ang kanyang ama, hindi ito nakasasapat, kahit na ang kapatid niya ay nag-aaral sa PUP (Polytechnic University of the Philippines) para makatipid. Ibang […]

Si Karen ay nagtatrabaho noon sa isang fast food restaurant, at ngayon sa call center, para matapos niya ang pag-aaral niya sa isang state university dito sa Metro Manila. Bagamat may business ang kanyang ama, hindi ito nakasasapat, kahit na ang kapatid niya ay nag-aaral sa PUP (Polytechnic University of the Philippines) para makatipid.

Ibang klase ang dedikasyon ng mga ibang estudyante para makapagtapos: Di-natutulog ng ilang araw, nagiging malikhain sa pandaraya, nilalagyan ang lason nung mas mataas ang standing sa kanya sa klase, nagtatrabaho, at minsan pa nga’y may nagpuputa.

Ano ba ang naghihintay sa finish line kaya nagkakandarapa ang mga estudyante na abutin ito? Para sa marami, ito ang pangako ng mas magandang bukas. Ang hawak-hawak nilang diploma ang tiket para makakuha ng maayos-ayos na trabaho, na kapag hinaluan ng sipag at tiyaga ay *viola!* mayroon ng American Dream: sariling bahay (na walang banta ng demolisyon), mapag-aral ang mga anak, ‘mabayaran’ ang ‘pinuhunan’ ng mga magulang sa atin, higit sa tatlong kain kada araw ay may pera para sa kaunting luho, atbp.

Pero sa totoo, ano bang naghihintay sa mga tulad ni Karen sa dulo ng paglalakbay?

Sa Facebook, lagi akong natatag sa mga litrato ng mga kahayskul ko na nagbebenta ng kung anu-anong produkto, sideline nila dahil sakto lang (o kaya di-sapat) ang kanilang suweldo sa trabaho. Partida, lahat sila ay galing science high school at nagtapos sa UP, sa kinagawian, yun na dapat ‘yung tipo ng tao na makakamit ang big time.

Ang resident rakista ng hayskul namin, si Mike, nagtapos ng nursing. Pero dahil talo siya sa palakasan para makapasok sa ospital, call center ang bagsak niya. Si Joc na nagtapos rin ng nursing, kakalipat lang sa kanyang trabaho sa mapanganib na rehiyon ng Gitnang Silangan/Hilagang Aprika. Yung mga may koneksiyon para lumipat sa U.S, matagal na nilang ginawa yun.

Totoo, may ilang on the way na sa pagiging big time. Pero di-hamak na maliit ang bilang nila kumpara sa kabuuan. Kaya nga ang mga ganyang kuwento, laging nadidiyaryo di ba? Ang tawag nga rags-to-riches stories. Ganun kasi kadalang mangyari yun. One-in-a-million, ika nga.

Ang pangarap na makakamit ng disenteng kabuhayan at kinabukasan sa isang lipunang naghihirap sa gitna ng mayamang kapaligiran, sa isang lipunang napagiwanan ng ika-21 na siglo dahil sa dominasyon ng mga dayuhan at mga lokal na elitista, ay nananatiling ganun: pangarap lang.

Sa mga nagpupumilit sa mantra ng sipag at tiyaga, kailangan lang tignan ang milyon-milyong manggagawa at magsasaka sa bansa. Bakit nananatili silang mahirap? Katamaran ba yun, kung ang magsasaka ay naghahanap ng iba pang trabaho tuwing offseason, o kung ang manggagawa ay nagsusumikap kahit na barat ang suweldo? Kulang lang ba sa diskarte, e andami ng nagsisiksikan sa mga gimik tulad ng online tutorials? Bunga ba ito ng bisyo, e kung istatistika rin lang ang pag-uusapan, di naman magkaiba ang porsiyento ng mga mahihirap na mabisyo, at ang mayayaman na mabisyo?

Tama na ang pagbubulag-bulagan.