Biktima ng mga sapilitang pagkawala, ginunita sa lugar ng pagdukot kay Jonas Burgos
Ginunita ng mga pamilya at kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala ang Pandaigdigang Araw ng mga Nawawala (International Day of the Disappeared) sa harap ng Ever Gotesco-Commonwealth sa Diliman, Quezon City nitong Agosto 30. “Ano ang iyong nagawa para sa aming mga nawawalang mahal sa buhay,” tanong ni Mary Guy Portajada, pangkalahatang kalihim ng […]

Ginunita ng mga pamilya at kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala ang Pandaigdigang Araw ng mga Nawawala (International Day of the Disappeared) sa harap ng Ever Gotesco-Commonwealth sa Diliman, Quezon City nitong Agosto 30.
“Ano ang iyong nagawa para sa aming mga nawawalang mahal sa buhay,” tanong ni Mary Guy Portajada, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, kay Pang. Benigno Aquino III.

Isinaad ni Portajada ang kanilang disgusto sa kasalukuyang administrasyon sa patuloy na pagkakaroon ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, maging ang patuloy na paglunsad ng anti-insurgency program ng pamahalaan.
Sa huling pagtatala, 206 ang naging biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Nagkaroon naman na ng walong pagtatala ng mga pagkawala sa unang taon pa lamang ng kasalukuyang administrasyon.
Bahagi ng kanilang kilos-protesta ang paglalagay ng isang babala na halaw sa mga babalang-panlansangan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa harapan ng Ever Gotesco. Nakasaad ang katagang “Mag-ingat sa mandurukot: Dito dinukot ng mga militar si Jonas Burgos,” paggunita rin ito ng ikaapat na taon na pagkadukot ni Jonas Burgos.
“Ang karatula na ito ay paalala sa publiko na patuloy ang pagkawala, at hindi makakasiguro ang bawat isa sa kanilang pansariling kaligtasan kahit sa ilalim ng administrasyon ni PNoy,” dugtong ni Portajada.
Nangakong ipagpapatuloy ng Desaparecidos ang kanilang laban na isulong ang panukalang gawing kriminal na opensa ang pagsasagawa ng sapilitang pagkawala, pati na rin ang ratipikasyon ng UN Convention fot the Protectiopn of Persons against Enforced and Involuntary Disappearances.