Pluma at Papel

Di Kayo Desaparecidos


di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
kayong nilamon ng lupa
kayong mga katawa’y nilapa
kayong kalamna’y ipinataba
sa damong ligaw at makahiya
di kayo nawawala

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
kayong nilamon ng lupa
kayong mga katawa’y nilapa
kayong kalamna’y ipinataba
sa damong ligaw at makahiya
di kayo nawawala
kayong isinimento sa dram
hinigop ng pusod ng karagatan
o binulok sa tagong bilangguan
kayong ulong putol malabolang sinikaran
pinagulong sa dibdib ng kagubatan
kayong nadiskaril ang kalansay
buto ng kamay ngayo’y tangay-tangay
ng asong galang nagkalkal
sa masukal na talahiban.

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
nagbagong-anyo lamang
sinalaulang katawang-lupa
sa makulimlim mang umaga
o humihilab na katanghalian
sa namamaalam mang araw
o gabi ng buwang malamlam
naroroon kayo
sa nag-usbong na hamog sa damuhan
sa kumakaway na mga butil ng palay
sa himno ng ibon sa kaparangan
sa hagupit ng hangin
sa lumalangitngit na punong kawayan
sa tumakas na alipato
ng naglagablab na apoy sa karimlan.

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
naroroon kayo
sa uha ng lumayang sanggol
sa nagdugong puwerta ng ina
sa gumiting pawis sa noo’t mukha
ng inaliping manggagawa
sa halas sa binti’t alipunga sa paa
ng dinustang magsasaka
sa himutok ng mga dukha
sa bilangguan ng dalita
sa singasing ng hininga
ng bawat nakikibaka
para sa dangal at laya
luwalhati’t ligaya
ng bayang pinakasisinta!

di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
tubig lamang kayong nilaklak
ng uhaw na bibig ng init
magiging itim kayong ulap ng langit
saka palasong ibibinit
ulang kayong hahaginit
sa lupang tinigang ng dilim-sagimsim
binhi kayo ng pangarap
muli’t muling sisibol din
halaman kayong nanilaw
kinapon ng dahas at lagim
magluluntian din sa gabing madilim
oo, di kayo nawawala
di kayo desaparecidos
sapagkat ugat ninyo’y karugtong
ng aming mga ugat
sapagkat dugo ninyo’y dumadaloy
kumikiwal din
sa himaymay ng aming puso’t laman
sapagkat diwa ninyo’y nakikipaglakbay
sa mithiin naming ayaw humingalay.

oo, di kayo desaparecidos
di kayo nawawala
nagbanyuhay lamang ang katawang-lupa
paulit-ulit nga kayong mabubuhay
sa nag-aapoy naming puso’t isip
sa siil ng madamdamin ninyong halik
sa yakap ng inyong diwang katalik
di masasayang mga dasal-tagulaylay
ng lumuhang mga mahal sa buhay
kaaway man kayong itinuring
ng mga kampon ng dilim
sa utak namin kayo’y magluluningning
tatanglawan-iilawan
landas naming lalakbayin
upang tanikala ng pang-aalipin
ganap na lagutin… baklasin!