Patakarang kontraktuwalisasyon ni PNoy kinondena
Nagmartsa patungong Mendiola ang iba’t ibang unyon sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) bilang pakikiisa sa mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) na nagpapatupad ng kontraktuwalisasyon.

Nagmartsa patungong Mendiola ang iba’t ibang unyon sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) bilang pakikiisa sa mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) na nagpapatupad ng kontraktuwalisasyon.
Binansagan din grupo si Pang. Benigno Aquino III na “kontra-manggagawa” dahil sa pagpanig niya sa iskemang kontraktuwalisasyon ng PAL na pagmamay-ari ni Lucio Tan.
“Sinasabi na sa mga letra ng PAL ang lahat: PNoy ay Anti- Labor,” sabi ni Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo ng KMU. Sinabi pa ni Ustarez na hindi lamang ipinagkait ng Pangulo sa mga manggagawa ang makabuluhang dagdag sahod, ginamit pa niya ang kapangyarihan ng kalihim ng paggawa – ang Assumption of Jurisdiction na itinuturing na malaking balakid sa mga welga.
Binatikos din ng KMU ang ang pagpapatibay ni Aquino sa itinuturing na salot ng mga mangagagawa na kontraktuwalisasyon sa PAL.
Pangamba ng KMU, hudyat ang pangyayari sa PAL sa iba pang mga kompanya at korporasyon na magpatupad ng malawakang kontraktuwalisasyon. Sinabi pa ng grupo na kung iigting pa ang pagpapatupad ng iskemang kontraktuwalisasyon, mawawala ang regular na empleyo sa libu-libong mangagagawa sa bansa kahit bumilang na ng ilang taong paglilingkod sa mga kompanya ang mga mangagagawa.
Kabilang si Sandy Reyes, 42 anyosat isang ground operator sa PAL, sa mga tinanggal sa sa kabila ng paglilingkod nito ng 19 taon sa kompanya.

“Gusto naming pumasok ulit, pero ayaw kaming papasukin. Bago raw nila kami papasukin sa trabaho, kailangan muna kaming pumirma sa outsourcing program ng PAL,” sabi ni Reyes, sa panayam ng Pinoy Weekly. Sinabi pa ni Reyes na hindi siya kasama sa naglunsad ng work stoppage na isinagawa noong Setyember 27 dahil day-off niya.
Inilinaw naman ni Wilfredo Bermejo, shop steward sa PAL at sekretaryo ng Anakpawis-PAL Chapter, na 300 mangagagawa ang naglunsad ng work stoppage sa naturang araw. Hindi lamang sa checking counter ang protesta, kundi kasama ang nasa iba pang division sa loob ng PAL.
Sapilitang pinagbakasyon (forced leave) ng manedsment ang mahigit 2,000 manggagawa bago pa sila tuluyang tanggalin noong Oktubre 1 at kahit hindi sila kasama sa naglunsad ng protesta.
“Ilegal ang ginawa ng manedsment, dahil wala pang desisyon ang Court of Appeals,” aniya. Sa Court of Appeals nakaapela ang kaso ng mga manggagawa na tinamaan ng iskemang kontraktuwalisasyon sa PAL.
Masama rin umano ang loob ng mga mangagagawa sa “adelantadong protesta” na inilunsad ng PAL Employees Association o Palea sa pamumuno ni Gerry Rivera at Bong Palad.
Ayon kay Bermejo, kung sinunod umano ang orihinal na plano na maglunsad ng welga noong Oktubre 1, posibleng napigilan nila ang iskemang outsourcing. (Basahin ang kaugnay na artikulo)
“Nakahanda kami sa welga, kahit ang mga hindi kasama sa mahigit 2,000 tinanggal ay lalahok sa welga. Buong work force ng PAL ang nakahandang magwelga noon,” ani Bermejo. Pero nalagay umano sa alanganin ang mga mangagagawa dahil sila pa ang kinasuhan.
“Ang malawakang tanggalan at kontraktuwalisasyon sa PAL ay dapat kondenahin ng lahat ng mga mangagagawa at sambayanang Pilipino. Simula pa lamang ito sa tuluy-tuloy na pagkondena namin sa iskemang kontraktuwalisasyon ng mga kapitalista laban sa mga mangagagawa,” ani Ustarez.
Sumuporta rin ang ilang empleyado ng mga bangko tulad ng HSBC, Maybank at Planters Development Bank, na humaharap rin sa bantang kontraktuwalisasyon sa ilalim ng Circular Order # 268 ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
“Ibinukas na ng BSP ang iskemang outsourcing sa mga bangko. Kung magpapatuloy ito, maiiwan lang na regular ang mga teller ng bangko,” ayon kay Regie Ricohermoso, pangulo ng Maybank Philippines Employee’s Union.
Sabi naman ni Ricohermoso, nagsimula na umano ang kontraktuwalisasyon at tanggalan sa HSBC.
Lumahok din sa kilos-protesta ang Wyeth Philippines Progressive Union, Advan Bluestar Workers Union, at Mustad Terminal Tackle Philippines Workers’ and Employees’ Association na ilegal na nagsara kamakailan. Kasama rin nila ang mga mangagagawa sa Pier.
Ipinanawagan ng KMU na agarang ipasa ang House Bill 5110 o Regular Employment Bill, na isinampa ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Layunin ng naturang panukalang batas na wakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.