Istorya ng Linggo Maralitang Lungsod

Public-Private Partnerships: Tambalang tagibang


Dinisenyo ito para pagtakpan ang kapalpakan ng polisiya ng pagsasapribado na matagal nang napatunayang lalong pahirap sa bayan. Pero dahil PPPs ang pinauuso ng mga dayuhang institusyong pinagkakautangan ng gobyerno, ito siyempre ang bukambibig ngayon ni Aquino.

Protesta ng mga manggagawang pangkalusugan kontra sa Public-Private Partnerships (PPP). (Boy Bagwis)
Protesta ng mga manggagawang pangkalusugan kontra sa Public-Private Partnerships (PPP), budget cuts sa sektor pangkalusugan, at PhilHealth. (Boy Bagwis)

Buong ingay na itinambol ni Pang. Benigno Aquino III ang “Public-Private Partnerships” (PPP) bilang centerpiece o sentrong programa ng kanyang administrasyon. Pero kung aaralin ang polisiyang ito, makikitang matagal na itong ipinapatupad sa bansa. Matagal na rin itong napatunayang palpak at lalong pahirap sa mga mamamayan, sa Pilipinas man o sa ibang bansa.

Sa pag-aaral ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), isang institusyon ng maka-manggagawang pananaliksik, napag-alamang pagpapanibagong-pakete lamang ang PPP sa dati nang itinutulak na polisiya ng pagsasapribado sa pagbibigay ng mga serbisyo o pagtatayo ng mga imprastraktura na dating tungkulin ng gobyerno.

Sakop ng konsepto ng PPP ang mga serbisyong panlipunan tulad ng mga ospital, eskuwelahan, kulungan, kalsada, tulay, pampublikong transportasyon tulad ng tren, kontrol sa trapiko sa ere (air traffic control), at mga planta sa tubig at sanitasyon.

Pagpapabango sa pribatisasyon

Inamin ng isa sa mga tagapanguna ng pribatisasyon, ang akademikong si E.S. Savas, na mas “katanggap-tanggap” (“malleable”) na porma ng pribatisasyon ang PPP. Sinabi niyang “minsan, mainam na gamitin ang praseng ito dahil umiiwas ito sa nakakapanggalit na epekto ng (salitang) ‘pribatisasyon.’”

Tanggap ni Savas, gayundin ng mga institusyong tulad ng International Monetary Fund (IMF), World Bank at Asian Development Bank (ADB) na matagal nang nagtutulak ng polisiya ng pribatisasyon sa mga bansa ng daigdig, na “nasira” na ang pribatisasyon. Mula dekada ’90 hanggang sa kasalukuyan, napatunayan sa iba’t ibang bansa tulad ng Pilipinas na lalong naging di-episyente at mamahalin ang mga serbisyong dating ginagawa ng gobyerno.

Kung kaya, iyung mga proyektong tulad ng Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT), pagsasapribado ng serbisyo ng tubig, kuryente, at iba pa, na dating pasok sa iskema ng “pribatisasyon,” nakabalangkas na ngayon sa terminong “PPP.” Ayon sa pag-aaral ng IMF, bahagi ng iskema ng PPP ang mga iskemang build-own-operate, build-develop-operate, buy-build-operate, build-operate-transfer, at marami pang iba.

Ayon sa IMF, sa pamamagitan ng pribatisasyon at PPP, mapapaunlad daw ang serbisyo habang mababawasan ang gastos ng gobyerno para maituon sa iba pang prayoridad na mga gastusin nito at maiwasan ang mga depisito sa badyet. Pero naipamalas sa iba’t ibang bansa tulad ng Pilipinas, na hindi umunlad ang mga serbisyo matapos maisapribado, habang lalong lumalala ang depisito ng gobyerno sa badyet nito.

Halimbawa na lamang nito ang serbisyo ng tubig sa Metro Manila. Nang maisapribado ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong Agosto 1997, ibayong tumaas ang singil sa tubig sa Metro Manila at patuloy na nawalan ng akses sa malinis na tubig ang maraming maralitang komunidad. Katulad din ng karanasan ng Pilipinas ang karanasan sa serbisyo ng tubig ng mga bansang Argentina, US, Bolivia at France.

Bukambibig ni PNoy

Ang Metro Rail Transit, o MRT, sa Kamaynilaan. Nang pondohan ito ng dayuhang mamumuhunan, ginarantiya ng gobyerno ang kita ng MRT, gaano man kalaki ang aktuwal na kikitain nito. Isa lamang ito sa mga patunay ng tagibang na tambalan ng gobyerno at pribadong negosyante, pabor sa huli. (Boy Bagwis)
Ang Metro Rail Transit, o MRT, sa Kamaynilaan. Nang pondohan ito ng dayuhang mamumuhunan, ginarantiya ng gobyerno ang kita ng MRT, gaano man kalaki ang aktuwal na kikitain nito. Isa lamang ito sa mga patunay ng tagibang na tambalan ng gobyerno at pribadong negosyante, pabor sa huli. (Boy Bagwis)

Sa unang State of the Nation Address ni Aquino, agad niyang ibinandera ang PPP bilang solusyon ng depisito sa badyet ng gobyerno, gayundin ng kakulangan ng empleyo sa bansa.

Pero ang ginawa niya, itinransporma lamang ang dati nang mga nakalinyang proyekto ng nakaraang administrasyon para tawaging “PPP projects.” Ang dating Build-Operate-and-Transfer (BOT) Center ay tinawag na niyang Public-Private Partnership Center of the Philippines (PPP Center). Naglaan si Aquino ng P300-Milyon bilang inisyal na pondo para lamang sa pag-aaral hinggil sa mga proyektong PPP.

Kalauna’y inanunsiyo agad ng National Economic and Development Authority (NEDA) na target ng administrasyon na makapagpatupad ng mga proyektong PPP na nagkakahalaga ng P740-Bilyon. May inisyal na 10 proyektong tinukoy ang NEDA para sa taong 2011 na aabot sa P127.7-B ang halaga. Gagastusin daw ito, siyempre, ng mga pribado at dayuhang mamumuhunan. (Tingnan ang table)

Kasama sa mga tinukoy na proyektong PPP ang pagpapalawak ng mga operasyon ng MRT at LRT sa Maynila. Para maging kaaya-aya sa mga dayuhang negosyante para mamuhunan sa proyektong ito, kinakailangan ng gobyerno na itaas ang singil sa MRT at LRT.

Sabi ng manedsment ng MRT at LRT at ng gobyerno, sinusubsidyuhan daw nito ang bawat pasahero ng P45, at gumagastos ito ng P5-B kada taon, habang kumikita lamang ito ng P1.8-B. Pero ang hindi sinasabi ng gobyerno, pumasok kasi ito at ang MRT Corp. (consortium ng mga Hapon at lokal na mga kompanya) sa kasunduan noong 1997. Sa kasunduang ito, ginagarantiya ng gobyerno ang pagbayad sa US$426-M na utang ng mga kontraktor sa pagtayo ng MRT.

Bahagi rin ng proyektong PPP ang nauna nang pagdagdag ng CCTVs at ilaw sa North at South Expressway (NLex at SLex). Para makaakit ng investor, ginagarantiya ng gobyerno na maibabalik agad ang 17 porsiyento ng pamumuhunan nila sa bawat taon. Ipinapasa ito sa pamamagitan ng toll fee sa mga sasakyang dumaraan. Pinalalala pa ito ng pagpapatupad kamakailan ng pagpatong ng Value-Added Tax (VAT) sa toll fee. Samantala, muling ibinubukas ng administrasyong Aquino sa pribado at dayuhang mamumuhunan ang proyektong pagkonekta raw sa NLex at SLex.

Pasok din sa PPP ang pag-alok sa mga pribado at dayuhang negosyante na magtayo ng mga imprastraktura sa bansa, tulad na lamang ng planong business district sa Quezon City. Sa mga lugar na pag-aari ng gobyerno tulad ng North at South Triangle, pumasok na sa kasunduan ang National Housing Authority at mga negosyanteng tulad ng mga Ayala. Ang kapalit: pagpapalikas sa libu-libong maralitang mga residente na deka-dekada nang naninirahan sa naturang mga lupain.

Ipinagmamalaki ni Aquino ang mga proyektong ito bilang solusyon niya raw sa kawalan ng empleyo at kakulangan ng pondo ng gobyerno. Pero napatunayan sa karanasan: Lalong pahirap sa bayan ang pagsasapribado, salot ang PPP sa mga Pilipino.