Karapatang Pantao

Landas ng impunity, patungong Malakanyang


Sa protestang pinangunahan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), iba’t ibang grupo ng midya, guro at mga estudyante ng pamamahayag, grupong pangkarapatang pantao at militanteng mga grupo, inirehistro ang pagkabahala ng marami: Dalawang taon matapos ang masaker ng 58 katao, kabilang ang 33 mamamahayag, malayung malayo pa rin bago makamit ang hustisya.

Harapan ng martsa ng mga mamamahayag at iba't ibang grupo noong Nob. 23, 2011, patungong Mendiola. (KR Guda)
Harapan ng martsa ng mga mamamahayag at iba't ibang grupo noong Nob. 23, 2011, patungong Mendiola. (KR Guda)

Mula sa Morayta Avenue hanggang sa paanan ng Palasyo Malakanyang sa Mendiola Bridge, iginuhit ng mga mamamahayag ang korte ng mga taong nabuwal. Para itong drowing ng pulis sa semento, ng mga biktima ng pamamaslang. Ito ang “trail of impunity,” o landas ng kawalan-ng-pananagutan, patungo sa administrasyong Aquino.

Sa protestang pinangunahan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), iba’t ibang grupo ng midya, guro at mga estudyante ng pamamahayag, grupong pangkarapatang pantao at militanteng mga grupo, inirehistro ang pagkabahala ng marami: Dalawang taon matapos ang masaker ng 58 katao, kabilang ang 33 mamamahayag, malayung malayo pa rin bago makamit ang hustisya.

At malaki ang kinalaman ng administrasyong Aquino sa kawalang hustisyang ito. Ayon sa NUJP, naaalarma silang dalawa pa lamang sa pangunahing suspek mula sa angkan ng mga Ampatuan sa Maguindanao ang nasasakdal. “Dalawang taon matapos ang karumaldumal na krimen, 103 sa 196 suspek ang malaya pa,” sabi pa ng grupo.

Ekspresyon ang protesta noong Nob.23 ng malawakang pagkondena sa anila’y napakabagal na pag-usad ng kaso laban sa mga Ampatuan.

Maliban sa NUJP, pinangunahan din ang protesta ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), Freedom Fund for Filipino Journalists, Center for Community Journalism and Development, Philippine Press Institute, Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, College Editors’ Guild of the Philippines, at iba pa. Kasama rin sa protesta ang mga mamamahayag mula sa Philippine Center for Investigative Journalism, VERA Files, GMA News at iba pang TV networks, at mga alternatibong midya tulad ng Kodao Productions, Bulatlat.com, Tudla Productions, at PinoyMedia Center/Pinoy Weekly.

Nakiisa sa protestang ito ang iba’t ibang tsapter ng NUJP sa buong bansa, gayundin ang mga grupong midya at iba pang grupo sa United States, Dubai sa United Arab Emirates, at Canada. Idineklara namang International Day of Action against Impunity ang Nob. 23, kaya nakiisa sa protesta sa mundo ang Interntional Federation of Journalists, International Freedom of Expression Exchange at iba pa.

Paliwanag ni Luis Teodoro, beteranong mamamahayag at deputy executive director ng CMFR, na kailangang “kapani-paniwala” at kredible ang magiging resulta ng kaso ng masaker sa Ampatuan. Kung hindi, ani Teodoro, lalo lamang titindi ang mga pamamaslang sa mga mamamahayag at magpapatuloy ang kawalan-ng-pananagutan, o impunity, ng mga makakapangyarihang puwersa sa lipunang Pilipino.

Sinabi ni Nestor Burgos Jr., tagapangulo ng NUJP, na hindi lamang hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Ampatuan ang kanilang ipinaglalaban ngayon. Hinihiling din ng mga mamamahayag ang hustisya para sa mga biktima ng extra-judicial killings at sapilitang pagkawala o pagdukot noong panahon ng rehimeng Arroyo at kahit bago pa nito.

“Kagimbal-gimbal ang bilang (ng mga biktima) noong siyam-na-taong rehimen ni GMA (Gloria Macapagal-Arroyo) — 1,206 biktima ng extra-judicial killings, 206 kaso ng sapilitang pagkawala at libu-libong di-naresolbang paglabag sa mga karapatang pantao, kabilang ang masaker sa Ampatuan,” paliwanag ni Cristina Palabay, tagatipon ng End Impunity Alliance, na nakiisa sa kilos-protesta.

"Trail of impunity" at mga mamamahayag na kinukuhanan ito. (KR Guda)
"Trail of impunity" at mga mamamahayag na kinukuhanan ito. (KR Guda)

Nanawagan si Palabay sa administrasyong Aquino na gamitin ang pagkakataon (“strike while the iron is hot”) ngayon para panagutin ang nakaraang rehimen sa mga paglabag nito sa karapatang pantao ng mga mamamayan.

Binati naman ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao, ang mga kaanak ng 58 na napaslang sa masaker, na nagsampa noong Nob. 22 ng damage suit laban sa dating pangulong Arroyo. Ayon sa mga kaanak, direktang inarmasan at sinuportahan ng administrasyong Arroyo ang pamilyang Ampatuan kapalit ng suporta ng huli sa halalan.

Ginamit din ng pamilyang Ampatuan ang mga grupong paramilitar tulad ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ng gobyerno para sa mga programang kontra-insurhensiya at para mapanatili ang kontrol sa Maguindanao.

“Dapat managot si GMA sa masaker sa Ampatuan. Nananawagan tayo sa gobyernong Aquino na gawin ang lahat para agarang bigyang hustisya ang lahat ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao,” sabi ni Jigs Clamor, deputy secretary general ng Karapatan.

Nanawagan naman ang Desaparecidos, grupo ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagdukot, sa administrasyong Aquino na patuloy na hanapin sa lugar ng masaker ang nawawalang bangkay ni Reynaldo Momay, na isa ring mamamahayag.

“Nakikiisa kami sa sakit na nararamdaman ng anak niyang si Reynafe Momay-Castillo na hindi pa rin nakikita ang labi ng kanyang mahal-sa-buhay,” sabi ni Lorena Santos, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos.

Kasama si Momay-Castillo, gayundin ang iba pang kaanak ng biktima ng masaker, sa mga nagprotesta. Sa isang lugar sa Mendiola na simbolikong sinarhan ng police tape ng NUJP at minarkahan sa loob ng mga hugis ng nabuwal na mga tao, nag-alay ng kandila ang mga kaanak. Marami sa kanila, hindi napigilang maluha.

Bago matapos ang programa, naghayag ng sumpa ang mga mamamahayag na ipagpapatuloy nila ang paghangad ng hustisya sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

“Tututulan (namin) nang buong lakas ang anumang tangka na supilin ang mga karapatang ito (karapatang mabuhay at karapatan sa pamamahayag), alang-alang sa mga naging biktima at sa susunod na mga henerasyon,” sumpa nila.

* * *

Mga larawan ng martsa at programa noong Nob. 23.

Mga kuha ni Macky Macaspac

Simula ng martsa ng mga mamamahayag at iba-ibang grupo mula Espana Avenue patungong Mendiola sa Manila. (Macky Macaspac)
Simula ng martsa ng mga mamamahayag at iba-ibang grupo mula Espana Avenue patungong Mendiola sa Manila. (Macky Macaspac)

Kababaihan ng Gabriela, pinangunahan ng isang modelo na nagsuot ng damit na kumakatawan sa anila'y pagluluksa para sa kamatayan ng kalayaan sa pamamahayag. (Macky Macaspac)
Kababaihan ng Gabriela, pinangunahan ng isang modelo na nagsuot ng damit na kumakatawan sa anila'y pagluluksa para sa kamatayan ng kalayaan sa pamamahayag. (Macky Macaspac)
Hanay ng mga abogado mula sa Integrated Bar of the Philippines o IBP na lumahok sa protesta. (Macky Macaspac)
Hanay ng mga abogado mula sa Integrated Bar of the Philippines o IBP na lumahok sa protesta. (Macky Macaspac)
Nagsilbing emcee ng programa mula Espana Ave. sina (mula kaliwa) Crisitina Palabay ng End Impunity Now, Ilang-Ilang Quijano ng PinoyMedia Center/Pinoy Weekly at NUJP, at Prop. Danilo Arao, kolumnista ng Pinoy Weekly at propesor sa pamamahayag sa UP Diliman. (Macky Macaspac)
Nagsilbing emcee ng programa mula Espana Ave. sina (mula kaliwa) Jigs Clamor ng Karapatan, Crisitina Palabay ng End Impunity Alliance, Ilang-Ilang Quijano ng PinoyMedia Center/Pinoy Weekly at NUJP, at Prop. Danilo Arao, kolumnista ng Pinoy Weekly at propesor sa pamamahayag sa UP Diliman. (Macky Macaspac)
College of Mass Communication Dean Rolando Tolentino ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City. Pinuno din si Tolentino ng board of directors ng PinoyMedia Center at kolumnista pangkultura ng Pinoy Weekly. (Macky Macaspac)
College of Mass Communication Dean Rolando Tolentino ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City. Pinuno din si Tolentino ng board of directors ng PinoyMedia Center at kolumnista pangkultura ng Pinoy Weekly. (Macky Macaspac)

Sundan sa sunod na pahina