Brutal na dispersal sa kampuhan, tatlong araw bago Human Rights Day
December 7, 2011
Ikalawang araw ng kampuhan ng militanteng kabataan at iba pang sektor: Nagtipon ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU), kababaihan at iba pang sektor sa Espana Avenue, Manila para ituloy ang kampuhan sa Mendiola Bridge hanggang Disyembre 10. Ang kanilang hangad: pagbigay-liwanag sa publiko sa “bulok na sistemang” nagpapanatili sa yaman ng isang porsiyentong mayayaman at makapangyarihan habang mayorya — 99 porsiyento — ang naghihirap at pinagsasamantalahan.
Dumaan sa P. Noval Street ang mga nagprotesta patungong Bustillos para makarating ng Mendiola. Dito, muling hinarang sila ng pulis. Naggiit ang mga kabataan at manggagawa, itinulak ang pulis at nakarating hanggang kanto ng Legarda at Mendiola. Sandali pang naagaw ng ilang kabataan ang water cannon ng bombero para ipatikim sa mga pulis ang madalas nilang ginagawa sa mga aktibista: Saglit na nadispers ang pulis ng sarili nilang water cannon.
Pero naagaw din ito muli ng pulis. Sa bungad ng Mendiola, pinagpapalo ang mga kabataan at manggagawa; itinulak sila ng shield at binombahan ng tubig ng bombero. Nahati ang bulto ng mga nagpoprotesta: May ilang nakasiksik sa iskinitang lakaran patungong LRT Station. Doon sila tinugis ng pulis, pinagpapalo, itinulak ng shield. Marami ang sugatan. Pagkalampas ng LRT Station, kinahon sila at sinigawang umupo, pero nanindigan ang mga kabataan.
Muli silang tinulak hanggang sa paanan ng flyover patungong Nagtahan. Ulat ng mga lider-kabataan doon, di-bababa sa 46 ang sugatan at dinala sa ospital. Lima naman ang hinuli.
Sa pagkober ng Pinoy Weekly ng mga marahas na dispersal noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, hindi pa inabot lampas ng Legarda ang mga dispersal. Kahit noong panahon ng Calibrated Preemptive Response (CPR) ni Arroyo. Ngayon lang. Ngayong panahon ni Benigno Simeon Aquino III. (Ulat ni Kenneth Roland A. Guda)
Panoorin ang bidyo ng Mayday Productions.
Mga larawan ng dispersal:

Nagtipon ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Espana Avenue, Manila para makiisa sa kampuhan ng mga kabataan. Layon nilang makarating ng Mendiola Bridge para doon magkampo. (KR Guda)

Nagtagpo ang bulto ng mga kabataan at manggagawa, sa Espana Avenue, bago tumulak ng Bustillos. (KR Guda)

Itinutok nila sa mismong mga bombero at pulis ang hose. Di rin nagtagal nang maagaw muli ng mga pulis ang hose. (KR Guda)

Nakarating ang ilan sa paanan ng Mendiola pero agad naman silang itinulak at pinagpapalo ng mga pulis. May ilang demonstrador na nakahawak ng kahoy para panangga at pamalo, pero karamihan ay walang-labang itinulak at pinagpapalo. (KR Guda)