Maralitang lungsod, nanawagan ng TRO sa demolisyon sa Korte Suprema
Hiniling sa Korte Suprema ng iba’t ibang grupo ng mga maralitang lungsod sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) na maglabas ng temporary restraining order (TRO) sa demolisyon sa mga maralitang komunidad.
Hiniling sa Korte Suprema ng iba’t ibang grupo ng mga maralitang lungsod sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) na maglabas ng temporary restraining order (TRO) sa demolisyon sa mga maralitang komunidad.
Sa piket ng mga maralita sa harap ng tanggapan ng Korte Suprema, sinabi ni Carlito Badion, pambansang pangalawang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at tagatipon ng AKD, na kailangan nang makialam ang kataas-taasang hukuman sa mararahas na demolisyon na nagaganap ngayon sa bansa.
“Sa dami rin ng mga kasong nakabinbin sa Korte Suprema at sa mga regional trial court hinggil sa usapin sa paninirahan, dapat kaagad mag-isyu ang Korte Suprema ng isang TRO laban sa mga nagaganap na demolisyon sa buong bansa,” sabi ni Badion.
Nanawagan din si Badion sa Korte Suprema na “paramihin…ang mga desisyon na pabor sa mga nakararaming maralita sa bansa, kagaya naging desisyon nito sa kaso ng Hacienda Luisita.”
Kaugnay nito, nanawagan din ang mga maralita na ibasura ng Korte Suprema ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act, na anila’y nagagamit ng administrasyon “para itaboy ang higit sa isang milyong maralitang pamilya sa buong bansa patungo sa mga ‘kalbaryong relokasyon’,” sabi pa ni Badion.
Mula sa Korte Suprema, tumungo rin ang mga maralita sa paanan ng Mendiola Bridge malapit sa Malakanyang para kondenahin ang administrasyong Aquino sa pagpapahintulot umano ng sunud-sunod na mga demolisyon sa iba’t ibang maralitang komunidad sa Kamaynilaan.
Binansagan nilang “Demolition King” si Aquino.
Gayunman, nanawagan sila kay Aquino na pumanig sa mga maralita at itigil ang iba pang nakaambang pagdedemolis sa mga maralitang komunidad at pigilan ang pagsiklab ng karahasan sa mga maralita tulad ng nangyari sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City noong Enero 10.
Sinabi pa ni Badion na patuloy na tututulan ng mga maralita ang demolisyon at relokasyon sa relocation center na malalayo sa kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Kasama sa pagkilos ang mga maralitang lungsod mula sa North Triangle, Quezon City, gayundin sa iba pang komunidad na binabantaan din ng mga lokal at pambansang ahensiya ng gobyerno na idemolis.
Lumahok din sa kilos-protesta ang mga relocatee mula sa Montalban, Rizal.