Utos na pag-aresto sa mga suspek sa pagpatay kina Olalia, Alay-ay ikinatuwa ng KMU
Ikinatuwa ng mga obrero ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagpapalabas ng warrant of arrest ng Antipolo Regional Trial Court Branch 98 laban sa 13 suspek sa pagtortyur at pagpaslang sa lider-manggagawang si Rolando Olalia at kanyang alalay na si Leonor Alay-ay matapos ang 25 taong pagkakabinbin ng kaso.

Ikinatuwa ng mga obrero ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagpapalabas ng warrant of arrest ng Antipolo Regional Trial Court Branch 98 laban sa 13 suspek sa pagtortyur at pagpaslang sa lider-manggagawang si Rolando Olalia at kanyang alalay na si Leonor Alay-ay matapos ang 25 taong pagkakabinbin ng kaso.
Sa pahayag ng KMU, sisikapin nilang malitis at makulong ang mga responsable sa pagtortyur at pagpaslang sa kanilang lider.
Inatasan ng korte na arestuhin sina dating Chief Petty Officer Cirilo Almario, Sgt. Jose Bacera, Sgt. Fernando Casanova, Capt. Ricardo Dicon, Gilbert Galicia isang informer, Sgt. Dennis Jabatan, Lt. Col. Eduardo “Red” Kapunan Jr., Lt. Col. Oscar Legaspi, Chief Petty Officer Filomeno Maligaya, Sgt. Gene Paris, Sgt. Desiderio Perez, Sgt. Freddie Sumagaysay, at Sgt. Edgar Sumido, pawang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM).
Lahat ng akusado ay rerirado na sa serbisyo.
“Matibay ang paniniwala namin na mga elemento ng RAM ang may kagagawan ng pagtortyur at pagpasalang sa aming mga kasamahan,” pahayag ng grupo. Sinabi pa ng grupo na ang pagpatay sa dalawa ay bahagi ng “Oplan God Save the Queen,” isang plano ng destabilisasyon noong panahon ng administrasyon ni Pang. Corazon Aquino para itulak ang huli na buong puwersang durugin ang Kaliwa.
Sa kabila ng pagkagalak ng KMU, naniniwala din ang grupo na ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino, III ang nasa likod ng muling pagbuhay sa nabanggit na kaso.
Anila, maaaring may kaugnayan ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona sa pagbuhay ng nasabing kaso. Malamang na ginagamit umano ng administrasyong Aquino ang kaso upang ipresyur ang ilang senador.
“Binuhay muli ng administrasyong Aquino ang kaso upang ipresyur ang mga senador na tumatayong huwes sa impeachment trial laban kay Corona,” pahayag ng grupo.
Partikular na tinukoy ng grupo sina Sen. Juan Ponce Enrile at Gregorio Honasan na kilalang mga lider ng RAM.
Ayon pa sa grupo, lumabas ang kautusan ng pag-aresto laban sa 13 suspek, na pawang mga dating opisyal ng militar at sundalo, matapos lumabas sa ilang midya ang pahayag ng KMU na diumano’y “umiiral na ang katarungan sa bansa sa ilalim ni Pangulong Aquino” (“The wind of justice is prevailing in the country”). Mariing itinanggi ng KMU na galing sa kanila ang pahayag na ito.
“Malabo naming sabihin ang ganito, laluna sa kasalukuyang kalagayan,” paglilinaw ni Elmer Labog, tagapangulo ng grupo. Ani Labog, nagiging desperado si Aquino sa bawat araw na itinatagal ng impeachment trial ni Corona, at gumagawa ng iba’t ibang paraan ng pambabaluktot.
“Dahil sa mga taktikang ito, nagiging kapani-paniwala ang akusasyon ng depensa na may pagtatangka ang Malakanyang na suhulan ang mga senador laban kay Corona,” ayon pa sa lider ng KMU.
Idinagdag pa ng grupo na sa tinatakbo ng impeachment trial at sa special treatment na ibinigay sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nagiging malinaw umano na ang layunin ng administrasyong Aquino ay para sa interes ng pamilyang Cojuangco-Aquino hinggil sa Hacienda Luisita at hindi ang pagtugis kay Arroyo.