Iba’t ibang sektor, personahe: PNoy kumilos ka na sa taas-presyo ng langis

March 31, 2012

Pagpapakita ng pagkakaisa ng iba't ibang sektor, sa press conference at paglulunsad ng Coalition against Oil Price Hikes o Caopi. (Darius Galang)

Pagpapakita ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor, sa press conference at paglulunsad ng Coalition Against Oil Price Increases o Caopi. (Darius Galang)

Nagkakaisa na sa isang hanay ang iba’t ibang sektor, organisasyon at personahe para igiit sa administrasyong Aquino ang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng langis.

Sa Coalition Against Oil Price Increases (Caopi), tinipon ang lider-militante, mambabatas, akademiko, at negosyante para magkaisa sa pagsabing labis nang naaapektuhan ang mga mamamayan sa taas-presyo ng langis, at panahon na para gumawa ng kongkretong hakbang ang gobyerno hinggil dito.

“Matagal-tagal nang hindi nagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakikita ninyo ngayon,” sabi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino, isa sa mga tagapanguna ng Caopi. “Nandito ang mga nasa industry, mga nasa small and medium enterprises, ang transport sector, ang commerce, members of the academe, mga NGOs (nongovernment organizations), local officials, at members of the Congress.”

Paliwanag nila, hindi ito ang unang pagkakataong nagsama-sama ang iba’t ibang grupo at personahe para magkampanya laban sa mataas at di-resonableng presyo ng langis. Unang itinatag ang Caopi noong dekada ’80 sa panahon ni dating pangulong Corazon Aquino.

Aktibo pa ang koalisyon hanggang dekada ’90 sa panahon ng pagsirit ng presyo ng langis sa ilalim ng mga unang taon ng Oil Deregulation Law. Mahigit sampung taon ang lumipas at lumobo na nang husto ang presyo ng langis dahil na rin sa matinding ispekulasyon sa lokal at pandaigdigang merkado, pagkakadagdag ng Value-Added Tax, at overpricing. Naitatag muli ang koalisyon, sa gitna na rin ng patinding krisis pang-ekonomiya ng bansa.

Noise barrage ng mga manggagawa kontra sa oil price hikes sa Cubao, Quezon City noong Marso 30. (Macky Macaspac)

Noise barrage ng mga manggagawa kontra sa oil price hikes sa Cubao, Quezon City noong Marso 30. (Macky Macaspac)

Sa ngayon, ang anak na ni dating pangulong Aquino ang nagmana ng kasaysayan na ito. Nagpahayag pa si Pang. Benigno Aquino III ng kawalan ng magagawa sa patuloy na taas-presyo ng langis, laluna noong kasagsagan ng kilos-protesta na isinagawa noong Marso 15. “Ipinapakita lamang nito na napaka-kagyat ng usapin ng papataas na presyo ng langis,” dugtong ni Casino.

Sa kanilang pahayag, hinimok ng Caopi na makiisa ang sambayanan sa likod ng panawagan ng pagpapababa ng presyo ng langis. “Hindi totoo na walang magagawa ang pamahalaan. Maraming opsiyon at posibilidad para mapababa ang presyo ng langis, mula short-term measures hanggang sa pangmatagalang mga proposal. Ipinanawagan namin na iparinig ng sambayanang Pilipino ang kanilang tinig.”

Sinabi pa ni Casino na “tila people power” pa ang koalisyon na ito sa lawak ng mga sektor na kasapi nito. “Pero hindi naman ito nangangahulugan ng pagpapatalsik ng pangulo, kundi paglilinaw at pagpapahiwatig sa publiko ng isyu ukol sa taas-presyo ng langis at mga epekto nito.”

Kabilang sa dumalo sa unang press conference ng Coapi sina Casino, Anakpawis Rep. Rafael Mariano, Gabriela Rep. Luz Ilagan, at Kabataan Rep. Raymond Palatino. Kasama rin sa bumuo nito sina dating Negros Rep. Jacinto Zamora, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, Marikina Councilor Joseph Banzon, Danny Arao na propesor ng Unibersidad ng Pilipinas, Donald Dee ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Bayan dela Cruz ng National Economic Protectionism Association, Sonny Africa ng Ibon Foundation, Nardy Sabino ng Promotion of Church People’s Response.

Kasama rin ang iba’t ibang militanteng organisasyon. Dumalo sina Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Vencer Crisostomo ng Anakbayan, Lana Linaban ng Gabriela, George San Mateo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston), Fernando Hicap ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya), at Roy Velez ng Bayan-National Capital Region.

Nakiisa rin ang truckers association sa pangunguna ni Ricky Papa, Alejandro Manigue ng Batasan Hills Tricycle Operators Association, Sr. Agneta Lauzon ng Kilusang Makabayang Ekonomya, at Emil Obecima ng Housing and Advocacy Program ng Caritas Manila.

Nakilagda rin si Novaliches Bishop Teodoro Bacani, mga kinatawan ng Anti-Trapo Movement, at sina Quezon City Rep. Winnie Castelo at Manila Rep. Trisha Bonoan-David.

 ‘Not fun’ sa Oil Price Hikes

Nakiisa ang mga kabataan ng Anakbayan sa noise barrage kontra oil price hikes noong Marso 30. (Macky Macaspac)

Nakiisa ang mga kabataan ng Anakbayan sa noise barrage kontra oil price hikes noong Marso 30. (Macky Macaspac)

Umabot sa 14 na panikalang batas na nakasalang sa Kamara ang target na dinggin at tugunan ngayon, ayon kay Casino. Himok niya na tutukan ang mga ito ng Department of Energy, maging sa break ng Kongreso. Kasama rito ang pag-amyeda o pagbasura sa Republic Act 8479 o ang tinaguriang Oil Deregulation Law. Isinususog rin ni Casino na dinggin ng Committee on Ways and Means na tugunan ang tatlong bills ukol sa pag-aalis ng VAT.

“Hindi na ito panahon ng ‘noynoying’ dahil ang tinatamaan talaga ay ekonomiya at kabuhayan ng ating mga mamamayan,” saad ni Casino.

Noynoying” ang salitang pinauso ng kabataang mga aktibista para isalarawan ang kawalang-tugon ni Pangulong Aquino sa harap ng tumitinding mga problemang pambayan, kabilang ang taas-presyo ng langis.

Samantala, nakiisa rin ang asosasyon ng truckers sa pagbasura sa VAT. “Kaming truckers ay matagal nang pumusisyon na alisin itong 12% VAT. Panahon pa ni (dating Pangulong) Gloria Macapagal-Arroyo, na ang nagsabi na alisin ito ay walang iba kundi si Mar Roxas. Nakasama namin siya sa isang porum at siya mismo ang nagsabi na malaki na masyado ang kita ng gobyerno pagdating sa VAT. At sa mga kaslukuyang panayam, hindi naman daw dapat alisin ang VAT. Hindi tuloy namin malaman kung weather weather lang ito: kung iba nakaupo, tama; kapag iba, mali,” paliwanag ni Ricky Papa ng Alliance of Truck Owners and Organizations.

Apektado ang kanyang sektor sa pagtaas ng presyo ng langis. “Lahat ng aming kargamento ay tumataas ang presyo sa pagta-transport nito. Hindi ito usapin ng kuryente o tubig kundi usapin ito ng lahat ng kaliit-liitang binibili nating produkto sa mga pamilihan. Ang ginagawa namin, hindi kami nagtataas hangga’t kaya namin, ngunit mayroon din itong hangganan. Sabi nga nila, ang trucking ngayon ay naghihingalong industriya, at hindi na ito magtatagal sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo,” sabi pa ni Papa.

Batid rin ng lokal na pamahalaan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga tahanan.

Kaya naman nagbigay ng kanilang suporta hanggang ang mga barangay. Nagkuwento si Francisco Mariazeta III, punong barangay ng 413 sa Sampaloc, Manila, ng pag-aaway ng mag-asawa dahil sa pagbabadyet ng kakarampot na kita. “Ang dahilan ng kanilang pag-aaway ay hindi daw nakabili si misis ng LPG. Si asawa’y dumating na walang lutong ulam, kaya tinanong kung bakit hindi nakabili. Ang sagot ng asawa, ’yung ibinigay mong P700 kulang na, P900 na yung LPG. Ibig sabihin, ang pagtaas ng presyo ng langis ay malapit sa sikmura at kabuhayan ng mga mamamayang Pilipino,” ani Mariazeta.

Idinugtong pa niya na kung puno siya ng maliit lamang na distrito kumpara sa pangulo na nagsabi na walang magagawa, “ay marami pong away iyan sa maraming tahanan ng pamilyang Pilipino.”

Mula kaliwa: Dating Negros Rep. Jacinto Zamora, Prop. Danilo Arao ng UP, Bayan Muna Rep. Teddy Casino at Zambales Rep. Mitos Magsaysay. (Darius Galang)

Mula kaliwa: Dating Negros Rep. Jacinto Zamora, Prop. Danilo Arao ng UP, Bayan Muna Rep. Teddy Casino at Zambales Rep. Mitos Magsaysay. (Darius Galang)

Krimen ng kawalang aksiyon

“Isa ako sa mga awtor ng E-VAT (Law),” inamin ni Zamora, sa press conference. Aniya, hindi siya naniniwala na walang magagawa ang kasalukuyang pamahalaan sa usapin ng pagtaas ng presyo ng langis. “I was he one who proposed the no pass-on clause, na kung may E-VAT ay hindi na ipapasa ang epekto sa consumers,” sabi pa ni Zamora.

Dugtong pa niya na bilang kasalukuyang manunulat at may-hawak ng dalawang publikasyon, araw-araw siyang nakakatanggap ng daing ng mga mamamayan na sobra na talaga ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. “’Yung galungong, ’yung bigas, ’yung lahat ng basic commodities. Lahat ay affected. That’s why ako, I feel na bilang isang mamamayan, bilang isang former politician, everyone should join this group para hikayatin natin (sa ating) Pangulo na magkaroon ng mental honesty. Ako’y naniniwala na mayroong kakayahan ang gobyerno na pigilin ito (OPH).”

Isyu ng korupsiyon, ayon kay Rep. Magsaysay, ang kawalang aksiyon ng pamahalaan sa pagtaas ng presyo ng langis. “Isyu ito ng korupsiyon dahil hinahayaan ng pamahalaan na kumita ng windfall profits ang dambuhalang mga kompanya ng langis, at walang interbensiyon na puwede namang gawin ng pamahalaan.” Batid niya ang kahirapan na nararamdaman ng mga Pilipino dahil isang kadena ng pagtaas ng bilihin ang produkto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Dugtong pa ni Magsaysay na kung anti-korupsiyon nga si Pangulong Aquino, ito na ang tamang panahon upang magkaroon ng interbensiyon ang kanyang pamahalaan “para naman magkaroon ng kaunting ginhawa ang paghihirap na nararamdaman ng napakaraming Pilipino na nahihirapan ngayon.”

Kung korupsiyon ang banggit ni Magsaysay, krimen nang itinuring ni Rep. Mariano—ang kawalan ng magagawa ng pamahalaan. “Isang malaking krimen ang pagpapatuloy ng Oil Deregulation Law,” aniya, dahil saklaw nito ang pagpapahirap ng iba’t ibang sektor, kasama ang mambubukid, mangingisda, kababaihan, bukod pa sa sektor ng transportasyon.

Popularidad sa gitna ng taas-presyo ng langis

Hinanap pa ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang mga awtor ng Oil Deregulation Law, na ipinasa ang batas sa pag-asang ibaba ang presyo ng langis dahil sa pagkakaroon ng konmpetisyon. Ngunit hindi ito nangyari.

“Nasaan (namin) na ’yung principal authors, resource persons, ’yung oil industry na nangako na dahil sa Oil Deregulation Law ay magiging beneficial ito para sa consumers at sa publiko, ang mga nagsabi sa amin na kami daw ay prophets of doom. Kaya ang aming tanong lamang matapos ang isang dekada ng Oil Deregulation Law, panahon na upang i-repeal ito dahil napatunayan na natin na hindi ito para sa interes ng ating mga kababayan,” sabi ni Palatino.

Sinabi rin ng mga miyembro ng Caopi na hindi ibig sabihing popular pa rin si Aquino (ayon sa mga sarbey) ay kuntento na ang publiko sa kabila ng mga pagtaas ng presyo ng langis.

Sabi ni Magsaysay, “Ayoko man magbigay ako ng paghahambing, ngunit nakita naman natin na madaling mawala ang trust ratings. Halimbawa na lang si dating pangulong (Joseph) Estrada.”

Sang-ayon dito si Casino. “Pamumulitika ang ratings, at dapat hindi daanin ang pagsagot sa kahirapan na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa ratings. Kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo na ito, baka magising na lang ang ating pangulo na wala na ang kanyang ratings.”

Noong Marso 30, Biyernes, isang noise barrage ang isinagawa ng Caopi sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan. Determinado sila—silang mula sa iba’t ibang sektor at partido pulitikal—na manggising hindi lang sa gobyerno kundi sa mga mamamayang bumabalikat sa sobrang pagtaas ng presyo ng langis.