Malakanyang nilusob ng kababaihan ng Gabriela
March 1, 2012
Nilusob ng kababaihang miyembro ng Gabriela ang Gate 7 ng Palasyo Malakanyang habang ipinagdiriwang ng Presidential Security Group (PSG) ang kanilang ika-26 na anibersaryo. Ipinoprotesta nila ang kainutilan diumano ng administrasyong Aquino sa pagtigil sa taas-presyo ng langis at batayang mga bilihin.
Dahil sa hindi inaasahang pagkakapuslit ng kababaihang nagprotesta, marahas na ipinagtabuyan sila ng PSG at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), bago pa man sila makapagprograma.
“Halatang nagulantang at napikon ang mga tropa ng PSG at PNP kaya’t puwersahan kaming itinulak gamit ang kanilang shield at pinagsisipa ang mga miyembro namin,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Ipinoprotesta ng grupo ang halos lingguhan nang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ang P6 na pagtaas ng liquefied petroleum gas ngayong araw (Marso 1) at ang nakaambang pagtaas ng pamasahe sa pampublikong transportasyon.

Pinagtutulak ng mga pulis ang militanteng kababaihan ng Gabriela mula sa tapat ng Gate 7 patungo sa tapat ng Centro Escolar University, bago ang Mendiola Bridge. (Macky Macaspac)

Kinompronta ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, ang ayaw magpakilalang miyembro ng Presidential Security Group na nag-utos ng pagtataboy sa nagpoprotestang kababaihan. (Macky Macaspac)
Ayon kay Linaban, unang bigwas umano ang isinagawang protesta patungo sa protesta sa Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan.
Idinagdag pa ni Linaban na hindi nila titigilan ang pangangalampag sa Malakanyang hangga’t hindi inaaksiyunan ni Aquino ang walang humpay na pagtaas ng mga produktong petrolyo na anila’y malaki ang epekto sa pangunahing mga bilhin at serbisyo.
“Patuloy na nagsasawalang-bahala si PNoy sa lingguhang pagtaas ng presyo ng langis,” sabi pa ni Linaban
Panawagan ng grupo na sawatahin ng gobyerno ang overpricing sa presyo ng langis ng tinatawag na “Big Three” na kartel ng langis. Hiling din nilang ipabasura ang Expanded Value Added Tax sa produkto ng langis at pagkontrol naman sa presyo ng pangunahing bilihin.
Kasabay ng paglusob sa Malakanyag, nagsagawa din ng kilos-protesta ang mga miyembro ng Gabriela sa ibang panig ng bansa, tulad ng Baguio, Legazpi, Bacolod, Davao , Iloilo at iba pang mayor na siyudad sa Timog Katagalugan.
Teksto at mga larawan ni Macky Macaspac
Bidyo ni Kenneth Roland A. Guda