Karapatang Pantao Manggagawa

Pagpaslang sa lider-transport kinondena


Kinondena ng militanteng mga grupo ng mga manggagawa at tsuper ang pagpaslang sa isang lokal na transport lider sa Pampanga.Sinabi ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Kilusang Mayo Uno (KMU) na binaril ng dalawang hindi nakilalang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo si Ponciano Infante, lider ng Piston sa […]

Ang pinaslang na transport lider na si Infante sa isang pagkilos. (Kontribusyon)

Kinondena ng militanteng mga grupo ng mga manggagawa at tsuper ang pagpaslang sa isang lokal na transport lider sa Pampanga.Sinabi ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Kilusang Mayo Uno (KMU) na binaril ng dalawang hindi nakilalang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo si Ponciano Infante, lider ng Piston sa Pampanga, noong Lunes, Setyembre 4, ng hapon. Nagpapahinga sa Hausville Jeepney Terminal malapit sa Marque Mall sa Angeles City si Infante nang siya ay barilin.

Nakakalungkot at nakakagalit na balita ito. Patraydor na pinagbabaril si Ka Poncing habang nagpapahinga siya. Mariing kinokondena ng Piston ang karumaldumal na pangyayaring ito,” ani Geroge San Mateo, pambansang tagapangulo ng Piston.

Sinabi ni San Mateo na ang biktima ay pangulo ng grupong Pasada-Angeles City at pangulo din lokal na samahan ng mga drayber at opereytor na Pandan-Angeles Drivers Operators Association, na kapwa miyembro ng Piston.

Aktibo ang grupong kinabibilangan ng biktima sa mga kampanya para mapababa ang presyo ng langis at kampanya laban sa Oil Deregulation Law.

Sa pamamagitan ng malapit na tulungan ng Piston at Pasada, matagumpay na naisagawa ang transport strike sa Angeles City at kanugnog na bayan noong Marso 31, 2011,” ani San Mateo.

Para kay San Mateo, biktima si Infante ng pananalasa ng programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na Oplan Bayanihan.

Sa ilalim ng Counter-Insurgency Program na Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino, lalong dumarami ang pinapaslang na militanteng transport leaders,” aniya. Sinabi ng grupo na ika-apat na biktima na si Infante sa mga transport leader na pinaslang sa loob ng administrasyong Aquino.

Noong Marso, pinaslang din ng armadong kalalakihan sa harapan ng kanilang terminal sa tapat lang ng Butuan City Terminal si Ka Felix Cultura, lider ng Pederasyon ng Transport sa Butuan City na affiliate ng Piston-Caraga. Nito namang Hunyo 9, pinaslang si Ka Jing, bise-presidente ng Divisoria Baclaran Jeepney Operators and Drivers Association (Dibajoda-Piston) sa harap ng kanilang garahe sa Longos, Bacoor, Cavite at Erning Gulfo, lider ng Piston-Gasak-Divisoria noong Mayo,” sabi ni San Mateo.

Sinabi naman ng KMU na nagpapatuloy ang padron ng ekstra-hudisyal na pagpatay sa mga kritiko sa ilalim ng panunungkulan ni Benigno Aquino III.

Dapat na managot ang administrasyong Aquino sa pagkamatay ni Ka Poncing at sa iba pang lider ng Piston na biktima ng extra-hudisyal na pamamaslang,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sinabi rin ni Labog na bukod sa pagsasawalang-bahala ng gobyerno sa panawagan ng mga drayber at mga mamamayan laban sa overpricing ng mga kartel ng langis, inaatake pa umano ang mga lider ng militanteng grupo ng transportasyon na tutol sa sabwatan ng gobyerno at kartel ng mga langis.

Pinangangambahan ng grupo na walang mangyayari sa kaso kahit pa ipag-utos ng gobyerno ang pag-imbestiga sa naturang kaso ng pagpatay.

Maraming kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ang nalibing na rin,” ani Labog.