Mga progresibo umalma sa panggigipit ng Comelec sa Kabataan, Piston
Muling sinugod ng progresibong mga grupo ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila dahil sa panggigipit umano nito sa mga party-list na kritikal sa administrasyong Aquino. Balak umanong ipadiskuwalipika ng Comelec ang Kabataan Party-list at Piston Party-list dahil sa paglabag umano sa guidelines sa pangangampanya gaya ng pagdidikit ng posters labas sa common posters […]

Muling sinugod ng progresibong mga grupo ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila dahil sa panggigipit umano nito sa mga party-list na kritikal sa administrasyong Aquino.
Balak umanong ipadiskuwalipika ng Comelec ang Kabataan Party-list at Piston Party-list dahil sa paglabag umano sa guidelines sa pangangampanya gaya ng pagdidikit ng posters labas sa common posters area.
“Magiging rurok ng kainutilan ang Comelec kung ididiskuwalipika nito ang Kabataan at Piston habang hahayaan ang mga party-list na suportado ng Malakanyang gaya ng Akbayan at iba pang party-list ng mga mayayaman at makapangyarihan,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.
Patuloy pa rin umano ang panghaharas sa dalawang party-list kahit tinugunan na umano ng Kabataan at Piston ang notices at guidelines ng Comelec, ayon kay Crisostomo.
“Malinaw na mga kritikal sa administrasyon ang kanilang pinag-iinitan, samantalang hinahayaan ang mga paglabag din ng Akbayan. Nagbubulag-bulagan ang Comelec sa mga alyado ng Malakanyang. Patunay ito na hindi ito tungkol lamang sa posters at campaign materials,” ayon kay Crisostomo.
Hindi umano tunay na patas ang guidelines ng Comelec habang patuloy na nagpapasasa sa mga advertisements sa telebisyon at radyo ang mga partido at kandidato ng mga mayayaman, lalo naman pinalilimita ang paggamit ng mga grupong party-list sa posters para sa pangangampanya, ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno o KMU.
“Pinadadali lamang ng Comelec ang pagpapanalo sa mga kandidato ng administrasyon at ang mga kritiko ng gobyerno nama’y ipinatatalo o pinahihirapang manalo. Malinaw na instrumento ng presidente ang Comelec,” ayon kay Soluta.
Hindi tulad ng Kabataan at Piston, wala umanong naireport na pagkaso ng Comelec laban sa Akbayan. Nakatutok lamang sa dalawa ang Comelec sa nakalipas na mga lingo, ayon sa Anakbayan.