Analysis Editor's Pick Komentaryo

Trahedya ng nakararami


Nakakadurog ng puso ang istorya ni Lorena (di tunay na ngalan): 16-anyos, estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas sa Manila (UP Manila), anak ng isang taxi driver na ama at walang-trabahong ina. Matalino, puno ng pag-asa.

Unang taon sa kolehiyo, ikalawang semestre, nahirapang magbayad ng matrikula. Di pinayagan ng UP Manila na mag-loan. Balewala ang mahigit tatlong buwan ng pag-aaral, ang lahat ng ginastos sa baon, pamasahe, xerox ng readings, pagkain, iba pang gastusin. Napilitang magsangla pa ng pag-aari ang ina, pero di na umabot sa bayaran, di na puwedeng pumasok si Lorena at napuwersa na siyang mag-leave of absence

Candlelight vigil para sa estudyante ng UP Manila na kinitil ang sariling buhay matapos di-makapagbayad ng matrikula. (Instagram photo ni Carl Marc Ramota)
Candlelight vigil para sa estudyante ng UP Manila na kinitil ang sariling buhay matapos di-makapagbayad ng matrikula. (Instagram photo ni Carl Marc Ramota)

Nakakadurog ng puso ang istorya ni Kristel Tejada: 16-anyos, estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas sa Manila (UP Manila), anak ng isang taxi driver na ama at homemaker na ina. Matalino, puno ng pag-asa.

Unang taon sa kolehiyo, ikalawang semestre, nahirapang magbayad ng matrikula. Di pinayagan ng UP Manila na mag-loan. Balewala ang mahigit tatlong buwan ng pag-aaral, ang lahat ng ginastos sa baon, pamasahe, xerox ng readings, pagkain. Napilitang magsangla pa ng pag-aari ang ina, pero di na umabot sa bayaran, di na puwedeng pumasok si Kristel at napuwersa na siyang mag-leave of absence.

Ayon sa ilang ulat, nanikluhod pa raw ang ina sa harap ng UP Manila Chancellor. Hindi talaga puwede, ayon sa UP Manila, dahil polisiya ito ng pamantasan. Kailangang magbayad para makapag-aral.

Kumalat sa social media, at kalauna’y sa mainstream media, ang pagkitil ni Kristel sa sariling buhay. Sa lungkot, marahil; sa desperasyon, siguro. Gaano man kakumplikado ang sitwasyon, malinaw ang pahayag ng kanyang guro at mga magulang: Bagsak ang diwa ni Kristel, depressed siya, dahil hindi na niya matatapos ang semestre. Nakiusap pa nga sa guro niya, baka naman puwedeng mag-sit-in na lang siya sa mga klase.

Gusto niyang matuto. Gusto niyang pumasok. Ano man ang motibasyon ng pagkitil ni Kristel sa sarili niyang buhay, alam nating malaki ang pagpapahalaga niya sa pag-aaral. Matalino siya, sabi ng propesor. Tahimik lang, pero isa sa pinaka-bright niyang estudyante. Nitong huling mga linggo, humihingi sa kanya ng payo si Kristel. Ano ang gagawin niya? Wala talaga sila. Walang maipambayad. Papaano sasalubungin ng pamantasan ang kagustuhan niyang mag-aral at makapagtapos? Sinalubong siya ng memo:No Late Payment”.

Hindi nakapagtataka ang taas ng pagpapahalaga ng mga tulad ni Kristel at pamilya niya sa edukasyon. Gobyerno mismo, sa pamamagitan ng mismong sistema ng edukasyon, ang nagdikdik sa atin ng ideya na tanging sa pagtatapos ng pag-aaral aasenso ang buhay at maiaahon ang pamilya sa hirap. Edukasyon ang pag-asa. Edukasyon ang solusyon sa kahirapan.

Kaya di nakapagtatakang itinataya ng maraming maralitang pamilya ang lahat ng pera at rekursong kaya nilang itaya para sa edukasyon, para sa kolehiyo. Panganay pa naman siya. Sa ating kultura, sa panganay (o sa pinakamatalino) madalas itaya ang rekurso ng pamilya dahil siya ang may pinakamalaking tsansang makatulong sa pag-ahon ng pamilya matapos ang kolehiyo at makakuha ng magandang trabaho.

Malamang, ipagmamalaki ng pamilya na nakapasok si Kristel ng UP. Ipinagmalaki ito sa lahat ng kaanak at kapitbahay. Sa wakas, may pag-asa na sila.

Pero nag-iiba na ang UP. Sa pagtutulak ng magkakasunod na mga administrasyon ng gobyerno na gawing mas “independiyente ang pinansiya” ng UP, unti-unting tumaas ang matrikula rito. Mula P40 kada yunit bago 1989 hanggang P1,500 ngayon. Kasabay din nito, ang presyur ng kulturang kolehiyo: ang pakikipagsabayan sa pananamit, kagamitan (gaheto pa nga), kagawian.

Sabi ng proposer niya, “sobrang nahiya na siya” sa mga kaklase noong huling mga linggo ng pagpasok niya. Nahihiya siyang pumapasok siya pero hindi niya kayang magbayad ng matrikula.

* * *

Nakakadurog ng puso, dahil walang kasinglinaw ang halimbawa niya, na isang di-makatarungang sistema ng edukasyon ang ipinapatupad ngayon sa bansa.

Ano mang paghuhugas-kamay ang gawin sa publiko ng Commission on Higher Education – na kesyo may sariling kapasyahan ang bawat state university na magtakda ng mga polisiya kaugnay ng matrikula – hindi maitatanggi na may pananagutan sila sa sinapit ng estudyanteng ito. Hindi ba’t matagal nang itinutulak ng CHED at ng administrasyon ni Benigno Aquino III ang taun-taong pagkaltas sa badyet ng state colleges and universities, para maging “self-sufficient”? Hindi ba’t matagal nang adbokasiya ni Aquino ang neoliberal na oryentasyon sa sistema ng edukasyon – ang pagpasok ng market forces sa sistemang ito para maging mas episyente raw?

Hindi ba’t pinangangasiwaan niya ngayon ang pagpapatupad ng plano ng pagsasapribado ng iba’t ibang pampublikong serbisyo, mula sa ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng National Food Authority, hanggang sa pampublikong mga ospital tulad ng Philippine Orthopedic Center?

Hindi mahirap sabihing may pananagutan ang pambansang administrasyon ni  Aquino sa nangyari kay Kristel. Ina na mismo niya ang nagsabi. Higit pa rito, direktang resulta ng mga polisiya niya – hindi lang ng polisiya ng UP Manila, bagamat may malaki silang pananagutan – ang pagkait ng pagkakataon sa mga tulad ni Kristel na makapag-aral sa UP at iba pang state university.

Mistulang itinutulak ng gobyerno ang bawat maralitang kabataan sa sitwasyon ni Kristel: Buong buhay paniniwalain na tanging sa edukasyon lang sila aahon sa hirap, pero brutal na ipagkakait ang edukasyon sa kanila kapag malapit na nila itong maabot. Maraming marami sila na mga katulad ni Kristel.

* * *

Tsuper daw ng taksi ang tatay ni Kristel. Magkano na ba ang kinikita ng tsuper ng taksi ngayon sa pang-araw-araw na trabaho? Iba-iba, marahil, pero siguradong hindi nito kakayanin ang matrikulang P1,500 kada yunit sa bawat semestre. Kahit mag-isa pa siyang pinag-aaral, at hindi lima (lima silang magkakapatid nina Kristel).

Gobyerno rin ang kalaban ng tatay ni Kristel – sa usapin lalo ng pagtaas ng presyo ng langis. Tulad ng paghugas-kamay ng CHED, hugas-kamay din ang lahat ng ahensiya ng gobyerno tuwing may magtatanong sa publiko kung sino ang dapat managot sa walang habas na taas-presyo ng langis at oil overpricing. Wala raw magagawa, dahil may Oil Deregulation Law, dahil wala nang kapangyarihan ang gobyerno na kontrolin ang presyo o kahit silipin man lang sa mga kompanya ng langis kung may batayan talaga ang taas-presyo.

Samantala, nag-anunsiyo na ang Meralco na magtataas ito ng singil sa kuryente. Gusto na ring magtaas ng singil ng Maynilad at Manila Water. Pati pamasahe sa LRT at MRT (Taga-Tayuman daw sina Kristel, kaya malamang na sumasakay din siya ng LRT papuntang UP Manila.).

Pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, pagsasapribado ng mga serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan – malinaw na magkakaugnay ang mga isyung ito. Malinaw na may ugnay sa trahedya ng isang kabataang estudyanteng tulad ni Kristel.

Sa pagtatapos, isa pang totoong kuwento, na patunay sa puntong ito:

Isang kaibigan ang nakasakay sa isang taksi isang umaga noong nakaraang buwan. Pansin niya, namumugto ang mata ng drayber.

Tinanong niya kung ano ang problema ng drayber. Galing lang daw kasi siya sa ospital. Tinawagan siya ng kanyang kapitbahay sa cellphone. Tumakbo raw siya sa ganitong pampublikong ospital kasi na­-hit-and-run ang asawa niya at dalawang anak. Nasa traysikel ang mag-iina, papuntang eskuwela.

Dead on arrival ang bunso niyang anak. Agaw-buhay ang kanyang asawa at isa pang anak. Sabi sa kanya ng nars, may kailangang bayaran. May mga gamot na kailangang bilhin. Hindi libre rito ang pagpapagamot. Nagsisimula pa lang siya sa pasada, kaya wala pa masyadong kita.  Kailangan niyang ituloy ang pasada. Walang panahong magluksa sa namatay na anak. Kailangang magpasada para kumita. Lumiliit ang kita kaya kailangang magpursigi pa.

Pinipilit niyang pigilan ang pagluha habang kinukuwento ito. Mahirap daw kasi magmaneho kung puno ng luha ang mata mo.

Trahedya ito ng nakararami sa atin. May kailangang tayong gawin.

May ulat ni Pher Pasion