Kapirasong Kritika

Botong Katoliko


Sa totoo lang, lumang istorya na ang “isiniwalat” ng isang sarbey ng Social Weather Stations nitong Abril. Humihina raw ang pananampalataya ng mga Katoliko? Parang sinabing sa telebisyon kapag tanghalian, Eat Bulaga ang numero uno. Ayon pa sa sarbey, isa sa bawat 11 Katoliko ang nag-iisip umalis. Pinakamadalang din daw magsimba ang mga Katoliko kumpara […]

Sa totoo lang, lumang istorya na ang “isiniwalat” ng isang sarbey ng Social Weather Stations nitong Abril. Humihina raw ang pananampalataya ng mga Katoliko? Parang sinabing sa telebisyon kapag tanghalian, Eat Bulaga ang numero uno.

Ayon pa sa sarbey, isa sa bawat 11 Katoliko ang nag-iisip umalis. Pinakamadalang din daw magsimba ang mga Katoliko kumpara sa mga mananampalataya ng ibang relihiyon. Lumang tugtugin na ito sa mga nagmamasid sa mga relihiyon sa bansa.

Pero ipinakete ang resulta na para bang bagung-bago. Matalas ang pagsusuri ng palabang arsobispong si Oscar V. Cruz: Layunin ng sarbey na pagmukhaing mahina ang Simbahang Katoliko at ang gobyerno ni Noynoy Aquino ang nasa likod nito.

Hindi lingid sa marami na nagkaroon ng labanan ang Simbahan at ang gobyernong Aquino dahil sa dating Reproductive Health Bill. Nitong eleksyon, nangampanya pa ang ilang seksyon ng Simbahan laban sa mga kandidatong pumabor sa batas.

At umaray sa bansag na “Team Patay” ang gobyernong Aquino. Ipinatigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad sa RH Law – kapansin-pansing sa panahong saklaw ng eleksyon. At sino nga ulit ang may kumpletong kontrol sa Korte Suprema?

Pero mahirap sang-ayunan si Cruz sa sinabi niyang gusto ng gobyernong Aquino na gawing ligal ang diborsyo at “haluang pagpapakasal.” Pumasa ang RH Bill dahil sa tulak ng malalaking kapitalista, sa industriya ng gamot lalo na, at mga institusyon nila.

At hindi adbokasiya ng gobyernong Aquino ang sekularismo, taliwas sa imaheng nilikha nito noong ikinakampanya ang RH Bill. Pinasakay lang nito ang publiko nang nag-ingay ito pabor sa diborsyo, at tahimik ito sa pagpapakasal ng mga homosekswal.

Anu’t anuman, lumalabas na layunin talaga ng gobyernong Aquino na pagmukhaing mahina ang Simbahan. Hindi kataka-takang nagpyesta ang mga kolumnistang maka-Aquino sa mga gasgas na tanong tulad ng “Mayroon bang botong Katoliko?”

Nakipagkoro pa ang running priest na si Robert Reyes sa mga nagsasabing humihina ang Simbahan. Iyan ang nangyayari sa mga mapurol magsuri sa galaw ng gobyernong Aquino. O sa talagang maka-Aquino. O sa mahilig lang lumabas sa midya.

Mayroon nga bang botong Katoliko? Maaaring wala, sa pakahulugan ng maramihang pagboto para ipanalo ang kandidato. Pero tiyak na may epekto sa pagboto ng publiko at mga Katoliko ang pagtuligsa o paninira ng Simbahan sa kandidato.

Ano man ang sagot, mukhang matagalang pagpapahina sa Simbahang Katoliko ang layunin ng gobyernong Aquino, hindi lang pang-eleksyon. Sa mga pwersang panlipunan, isa ang Simbahan sa may potensyal na maging malakas na kritiko nito.

Praning ang gobyernong Aquino dahil maraming kontra-maralitang patakaran ang ipapatupad nito matapos ang eleksyon, kasama ang pagbago sa Konstitusyong 1987. Tinitiyak nitong makalaban man ang Simbahan ay mas mahina na ang huli.

Pero kung papanig ang Simbahan sa mga maralita pagdating sa mga isyung kinakaharap nila, lalakas ito at hihina ang gobyernong Aquino. Walang ibang tinutungo ang gobyernong Aquino kundi ang itulak pa ang mga kontra-maralitang patakaran nito.

21 Abril 2013