Kababayan Migrante

Pag-asa at pakikibaka


Hindi naman masama ang umasa. Katunayan, ‘yan ang pinanghahawakan ng marami sa ating mga kababayang napilitang magtrabaho sa labas ng bansa bunga ng kagipitan. Pag-asa na may mababago sa kanyang buhay. At marahil, ‘yan din ang mismong pag-asa na dapat magtulak sa atin na lumahok sa overseas absentee voting na magsisimula na ngayong Sabado. Kahit […]

Hindi naman masama ang umasa.

Katunayan, ‘yan ang pinanghahawakan ng marami sa ating mga kababayang napilitang magtrabaho sa labas ng bansa bunga ng kagipitan. Pag-asa na may mababago sa kanyang buhay.

At marahil, ‘yan din ang mismong pag-asa na dapat magtulak sa atin na lumahok sa overseas absentee voting na magsisimula na ngayong Sabado.

Kahit pa nga tila ang Commission on Elections (Comelec) at ang gobyernong Aquino ay naabutan na namang nakababa ang salawal at kapos na kapos ang paghahanda para sa ikaapat na OAV.

Matapos ang halos 10 taon simula ng unang OAV, hindi pa rin nagbabago ang trato dito ng gobyerno. Kapos ang badyet, kapos ang impormasyon, kapos ang edukasyon at batbat pa rin ng problema; ang paglulunsad ng OAV ay tila symbolic na lamang. Kumbaga, masabi lang na may OAV.

Subalit lalahok, at dapat lamang lumahok, pa rin ang mga OFW sa eleksiyon. Dahil hindi naman masama ang umasa.

Ang delikado ay ang bulag na umasa.

‘Yung umasa na dahil lamang sa pangako ay magkakaroon ng katuparan ang pagbabago. O kaya ay bulag na umasa na magbubunga ng malawakan at matagalang  pagbabago ang eleksiyon.

Ilang  halalan na ba ang dumaan na ang niresultang pamamahala ay pag-sisistematisa pa ng labour export program at hindi ang pagpapalakas ng sariling ekonomiya? Ilang halalan na ba ang dumaan na nagpalit-palit lamang ang mga nakaupo subalit iniwan na lamang sa kangkungan ang mga OFW?

Maraming eleksiyon na ang dumaan subalit ang pagsasama-sama ng mga OFW ang nagbigay pa rin ng kahit kaunting luwag sa kalagayan ng migrante. Sa bawat tagumpay na nakamit sa kanilang mga isyu, nasa unahan nito ang organisadong kilusan ng migrante. Maging ang anumang pagbabagong ibubunga sa sitwasyon ng OFWs mula sa eleksiyong ito ay mangyayari lamang kung iisa ang kilos ng mga migrante.

Kaya totoong hindi masama ang umasa. Kung ang pag-asa ay nasa aktibong pakikibaka.