Boses ng Migrante, kailangan sa Kongreso
Bagong bayani kung kilalanin sila, pero bagong alipin kung ituring. Ganito ang kalagayan ng mga Pilipinong pilit itinutulak palabas ng bansa ng mismong gobyernong walang maibigay na nakabubuhay na trabaho para sa kanila. Bitbit ang prinsipyong paglingkuran ang milyung-milyong Pilipinong manggagawa sa ibang bansa na humaharap sa maraming isyu – mula sa hindi makataong kalagayan […]

Bagong bayani kung kilalanin sila, pero bagong alipin kung ituring. Ganito ang kalagayan ng mga Pilipinong pilit itinutulak palabas ng bansa ng mismong gobyernong walang maibigay na nakabubuhay na trabaho para sa kanila.
Bitbit ang prinsipyong paglingkuran ang milyung-milyong Pilipinong manggagawa sa ibang bansa na humaharap sa maraming isyu – mula sa hindi makataong kalagayan sa paggawa hanggang sa pagharap sa parusang kamatayan at pagkibit-balikat ng pamahalaan sa mga problemang ito – mapangahas ngayong tinatahak ng Migrante Party-list ang pagkakaroon ng tunay na representante sa Kongreso.
“Isang tagumpay ngayon para sa mga migrante ang kilalanin ang lehislatura bilang paraan ng pakikibaka upang madala ang kanilang boses,” ayon kay Connie Bragas-Regalado, unang nominado ng Migrante Party-list.
Pagharap sa mga balakid

Para kay Regalado, bagamat may mga kongresista na pumapanig sa isyu ng mga migrante’y wala umanong tunay na repesentante na nagmumula sa kanilang hanay.
Hindi naman daw madali ang kanilang pagsabak sa larangang elektoral. Katunayan, ang constituency nila ay nasa ibang bansa, maliban na lamang sa mga kaanak na nandito sa Pilipinas. Pero sa kabila nito, mas higit ang kanilang kumpiyansang makakuha ng sapat na boto upang makapagluklok ng representante sa paglawak ng kasapian ngayon ng Migrante Party-list kumpara nitong mga nakaraang taon.
“Tulad ng iba pang progresibong mga party-list, nakararanas din kami ng mga pangigipit. Mismong kami muntik nang hindi kami makasali sa eleksiyong party-list. Maganda ngayon, mula 120 chapters noong 2004 ay nasa mahigit na 300 chapters na mayroon ang Migrante Party-list,” aniya.
Dagdag pa ni Regalado, nang magkaroon ng exit poll sa mga bumoto sa overseas absentee voiting sa Hong Kong, nasa numero uno ang Migrante (numero 96 sa balota).
“Bagamat mardyinalisado at walang sapat na pondo sa kampanya, inaasahan namin ang paglawak ng kasapian at mga kaanak ng mga migrante para maihatid ang Migrante Party-list sa Kongreso,” ayon kay Regalado.
Kalagayan ng mga OFW
Hindi lamang dahil hindi makalikha ng sariling trabaho sa kanyang mga mamamayan ang gobyerno kung bakit itinutulak nitong palayo ang kanyang mga mamamayan. Malaki umano ang kinikita ng pamahalaan sa mga Pilipinong lumalabas pa lamang ng bansa, ayon sa Migrante.
“Sa isang OFW na lalabas ng bansa, gagastos na ito ng nasa P26,000 para sa lahat ng papeles na kakailanganin niya mula sa gobyerno (NBI, Police, Passport, atbp.). Nasa 5,000 Pilipino ang lumalabas sa bansa kada araw upang makipagsapalaran. Dito pa lamang, malaki na ang kinikita ng gobyerno,” ayon kay Regalado.
Para sa Migrante, isang polisiya ng pamahalaan ang itulak ang mga mamamayang ito na mangibang-bansa, imbes na sa sariling bansa maglaan ng kagalingan ang mga Pilipino.
“Mula noong pag-upo ni Aquino, patuloy sa paglaki ang deployment ng mga manggagawa sa ibang bansa. Mula 1.6 milyon noong 2010, nasa 1.85 milyon na noong 2012 ang lumalabas ng bansa,” paliwanag pa ni Regalado.
Bagamat malaking pangako ang hatid ng pangingibang bansa, nalalagay sa panganib ang bawat overseas Filipino worker (OFW), saan mang bansa siya pumunta. Kasama sa mga nadodokumentong kinakaharap ng mga migranteng Pilipino ang diskriminasyon, pangungulila sa pamilya, di-makataong kalagayan sa paggawa, pang-aabuso, at iba pa.
“Tignan na lang natin kung paano tugunan ng gobyerno ang nangyayari ngayon sa Jeddah. Maging ang nangyari sa Sabah. Mas lalo pa sa mga bansang mayroong mga giyera kung saan kapos sa tulong ang nagagawa ng gobyerno,” ayon kay Regalado.
Isang tent city ang itinayo kamakailan ng mga istranded na mga OFW sa Jeddah. Sila ang mga Pinoy na nanganganib na makulong ng gobyernong Saudi dahil sa kakulangan ng legal na mga papeles o sa anumang dahilan. Ilang beses na umanong nakipagdiyalogo ang mga ito, pati ang Migrante, sa mga opisyal ng gobyerno, pero usad-pagong pa rin ang pagtugon ng huli.
Samantala, ayon sa Migrante, nasa 7,000 Pilipino ang nakakulong sa iba’t ibang bansa at nasa pito naman ang nasa death row ngayon sa iba’t ibang mga bansa. Walang legal assistance o maging medical assistance ang karamihan sa kanila. Isama pa sa datos ang nasa 10 bangkay ang inuuwi sa Pilipinas araw-araw – mga kaso ng misteryosong pagkamatay.
“Hindi dapat ituring ang mga OFW bilang gatasan lamang. Hindi isang simpleng usapin ang pagiging isang migrante at mawalay sa mga mahal sa buhay at gawing alipin ng sistema,” ayon kay Regalado.
Sa lansangan at sa Kongreso
Sa harap ng kawalan ng aksiyon ng gobyerno, at pagpapatuloy ng Labor Export Policy, ramdam umano ng mga migranteng Pilipino ang pangangailangan para sa representasyon nila sa Kamara.
Ayon sa Migrante Party-list, kanilang paglahok sa eleksiyon ang kanilang masasandigan upang maidala sa Kamara ang kanilang mga isyung matagal nang dala-dala sa lansangan.
Kabilang na dito ang tunay na serbisyo para sa mga migrante at hindi koleksiyon o negosyo. Tunay na proteksiyon para sa kanila at resolbahin ang puwersang migrasyon na pangunahing dahilan ng paglabas ng bansa.
“Mahalagang maisulong natin ang pambansang industriyalisasyon. Matutugunan nito ang kakulangan ng trabaho. Maraming Pilipino ang napipilitang lumabas ng bansa dahilan sa walang sapat na trabahong nakabubuhay para sa maraming mga Pilipino,” pagtatapos ni Regalado.