Kapirasong Kritika

Sigh of Relief Effect


Marami ang nababahala dahil kulang-kulang isang linggo bago ang eleksyon sa Mayo 13, nagkaroon ng malawakang brownout sa Metro Manila at sa hilaga at gitnang Luzon. Kahit siguro hindi automated ang eleksyon, may dahilan para mabahala sa pagkawala ng kuryente – pero lalo na nga’t automated ang eleksyon. Hindi iilan ang nagsabi na bahagi ito […]

Marami ang nababahala dahil kulang-kulang isang linggo bago ang eleksyon sa Mayo 13, nagkaroon ng malawakang brownout sa Metro Manila at sa hilaga at gitnang Luzon. Kahit siguro hindi automated ang eleksyon, may dahilan para mabahala sa pagkawala ng kuryente – pero lalo na nga’t automated ang eleksyon. Hindi iilan ang nagsabi na bahagi ito ng “Final Testing and Sealing” para sa pandaraya.

Pa-kontrobersyal rin ang pagkawala ng kuryente. Mismong press conference ni Pang. Noynoy Aquino ang tinamaan. “Ito ang unang beses na nangyari ito sa ganito ka-lawak,” sabi ni Cynthia Alabanza, tagapagsalita ng National Grid Corporation of the Philippines. Sa mismong bungad ng Philippine Daily Inquirer, lumabas ang salitang “No-El” o no-elections dahil sa no electricity – na itinanggi ng Malakanyang.

Kung matatandaan, may ganitong mga pangamba rin sa unang eleksyong automated sa bansa, sa eleksyong 2010: pwedeng pumalpak ang mga PCOS Machines, mawalan ng kuryente, at iba pa. Pero ang nangyari, natuloy ang eleksyon at bilangan. Bandang gabi, may resulta nang inaanunsyo sa midya. Marami ang nagbulalas ng buntong-hininga ng ginhawa. May “sigh of relief” effect sa madla. Demokrasya!

Ang hindi nakwestyon: ang mismong eleksyong automated. Sa eleksyong 2010, walang sistema para sa beripikasyon – kung ang ibinoto ng isang tao ang siyang binilang ng kompyuter at ang siyang nabilang hanggang sa pambansang antas. Bumoto ka at inihulog mo ang balota sa PCOS Machines, iyan ang tiyak. Pero kung ano ang nangyari sa boto mo pagkatapos, kung nabilang o hindi, hindi iyan tiyak.

Ganito pa rin ang naghihintay sa sambayanang Pilipino sa Mayo 13. Kahit ang naging kontrobersyal na source code, na siyang nagtatakda ng gagawin ng mga kompyuter sa bilangan, ay pagkatapos pa ng eleksyon masusuri ng iba’t ibang panig. Pakitang-tao sa mga nakakaalam at panloloko sa mga hindi nakakaalam ang pagpapakita rito sa midya ni Sixto Brillantes, Jr., hepe ng Commission on Elections.

Ang problema, kahit masuri ang source code, walang sistema ng beripikasyon ng boto sa iba’t ibang lebel. Hanggang nitong huli, batbat ng problema ang pagbilang ng mga PCOS Machines sa batayang antas. Paano pa sa mga susunod na lebel hanggang pambansa? Mauulit ba ang nangyari noong eleksyong 2010, na ang mga tagabantay ng anomalya ay naging tagaulit na lang ng bilang na inanunsyo ng Comelec?

Malayo ang eleksyong automated ng Venezuela dulot ni Hugo Chavez: “Mamarkahan ng mga botante ang napili sa pagpindot sa isang touch screen sa kompyuter, na magpi-print ng resibo ng boto. Ite-tsek ng botante ang resibo at ihuhulog sa lagayan ng balota. Pagkatapos ng botohan, random na pipiliin ang 53% ng mga makina at ikukumpara ang resulta sa papel, sa harap ng mga saksi ng lahat ng panig.”

Tanggapin natin ang katotohanan: Pwedeng maging instrumento ng malawakang pandaraya ang eleksyong automated. Hindi tayo pwedeng sumandig nang wagas sa ating pagtitiwala sa teknolohiya dahil instrumento lang ito ng mga taong pwedeng matapat o madaya. Pwede nating sangguniin ang mga sarbey, pero iba pa rin sa mga ito ang eleksyon, na dapat may sariling sistema ng beripikasyon.

Magkaka-brownout kaya sa eleksyon? Mahalaga sa mga naghahari na kapani-paniwala sa madla ang prosesong tangi nilang batayan para sabihing demokrasya ang umiiral sa bansa. Sa kasaysayan, kahit pinapanatili nilang kapani-paniwala ang eleksyon, tuluy-tuloy sila sa pandaraya rito. Iyan ang naibibigay ng eleksyong automated sa kanila: makakapaglunsad sila ng pandarayang kapani-paniwala sa madla.

09 Mayo 2013