Tapos Na Ang Pista’t Karnabal
natapos na ilang araw na pista sa tierra pobreza pinagpahinga na sa simbahan mga santo at santa nalustay na multi-bilyong piso ng mga juan at juana kailan uli susunod na pista? giniba na tanghalan ng kahangalan ng ilusyon at kasinungalingan nagsara na beto-beto sa peryahan itinupi na telong asul ng karnabal hangal na mga payaso’y […]

natapos na
ilang araw na pista sa tierra pobreza
pinagpahinga na
sa simbahan mga santo at santa
nalustay na
multi-bilyong piso ng mga juan at juana
kailan uli susunod na pista?
giniba na
tanghalan ng kahangalan
ng ilusyon at kasinungalingan
nagsara na
beto-beto sa peryahan
itinupi na
telong asul ng karnabal
hangal na mga payaso’y wala na
mala-tipaklong na sirkero’y umalis na
anino ng salamangkero’y di na makita
nasaan na ba sila?
naglakbay ba sa ibang planeta?
nagwakas na karnabal sa tierra pobreza
tsubibo ng panghihilo’y binaklas na
usok na lamang apoy ng buladas
naluoy na bulaklak ng palabas
gabundok ngayon ang basura
tinanggal na banderitas sa kalsada
polyeto’t kartolina sa plasa
retratong dikit-dikit sa kuryente
paskel na binakbak sa pader at poste
kartelon at tarpulinang hinablot ng masa
ginawang piring sa mata ng dinding
ginawang trapal sa bintanang nakanganga
naging palda ng barungbarong at dampa
o naging salawal at panty kung katsa
ng gusgusing mga hijo y hija de puta
sa nakadipa’t nagsalabat na eskinita.
namalikmata bata-batalyong masa
sa nagdaang pista sa tierra pobreza
muling isinakay sa hangin ang pangarap
pinalipad sa balumbon ng alapaap
pilit na inahalik sa maputlang buwan
at baka marinig na ng diyos ni abraham
kukumutan na kaya sila ng kaluwalhatian?
ilang ulit na silang naglitanya
tuwing pista sa tierra pobreza
ilang ulit na silang lumunok ng ostiya
nagrosaryo’t nagnobena
ilang ulit na silang sumawsaw sa agua bendita
ilang ulit na silang naghosana
para makalaya sa hirap at dusa.
talagang ganyan sa tierra pobreza
tuwing pista lamang sinusuyo’t inaaliw ang masa
huwag nang asahan ang laksang ligaya
pagkatapos ng multi-bilyong pisong pista
balik-pasada sa gubat ng mga kalsada
kampon ng mga johnny pantera
balik banat-buto manggagawa sa pabrika
balik-araro sa bukid na di kanya
hukbo ng mga magsasaka
balik-hawan ng damo, balik-tabas ng tubo
sa malawak na asyenda ang laksang sakada
balik-sagwan sa dibdib ng dagat
mangingisdang dilim at lamig ang yakap
isang kilong bigas, isang latang sardinas
listahan ng isang kilometrong utang
iaalay sa pamilyang naghihintay.
nasaan na
mga payaso’t sirkero’t salamangkero
matapos pista’t karnabal sa tierra pobreza?
nagdaraos naman sila ng sariling pista
sa mansiyon ng saya’t ligaya
nagpapakalunod sa pawis at dugo ng masa
nginangasab tiyan at dibdib ng bayan
sa mesa ng pribilehiyo’t kapangyarihan
kailan naman kaya, o diyos ni abraham,
aataduhin kanilang mga katawan
ng mga biktima ng kanilang panlilinlang?
kailan magdaraos ng sariling pista
sa tierra pobreza
mga alipin ng pagsasamantala?