Komentaryo Main Story Pambansang Isyu

EDCA ng Pagbabago?


Sa pagpirma nina Defense Sec. Voltaire Gazmin at Philip Goldberg, embahador ng US sa Pilipinas, noong Abril 28 sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), tila nagbabalik ang base militar ng Estados Unidos (US) sa Pilipinas. Walang dudang isinabay ito sa pagbisita ni US Pres. Barack Obama sa Pilipinas na buong pusong tinanggap ni Pang. Benigno […]

Pang. Aquino at US Pres. Barack Obama noong Abril 28 sa Malakanyang: isinabay sa pagpirma ng DFA at US embassy sa EDCA. <strong>Malacanang Photo</strong>
Pang. Aquino at US Pres. Barack Obama noong Abril 28 sa Malakanyang: isinabay sa pagpirma ng DND at US embassy sa EDCA. Malacanang Photo

komentaryoSa pagpirma nina Defense Sec. Voltaire Gazmin at Philip Goldberg, embahador ng US sa Pilipinas, noong Abril 28 sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), tila nagbabalik ang base militar ng Estados Unidos (US) sa Pilipinas.

Walang dudang isinabay ito sa pagbisita ni US Pres. Barack Obama sa Pilipinas na buong pusong tinanggap ni Pang. Benigno Aquino III kahit pa lumalabas na ni hindi alam ng una kung anong pangalan ang itatawag niya sa huli. Kasabay rin nito ang pagpoprotesta ng mga mamamayan laban sa bagong kasunduan.

Pero ano nga ba itong kasunduan sa kooperasyon ng US at Pilipinas? Pinalakas na depensa? Para kanino?

Layunin at saklaw

Sa unang artikulo ng EDCA, layunin nito na labanan ang anumang armadong atake sa Pilipinas. Ibinatay pa ito sa Mutual Defense Treaty (MDT) noong Agosto 1951 at sa konstekto ng Visiting Forces Agreement (VFA) na umiiral mula pa noong Pebrero 1998.

Pero sa pagsusuri ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), isang nongovernment institution, walang batayan para gamitin ang MDT dahil ito ay isang instrumento noong panahon pa ng “cold war” para labanan ang umano’y “banta mula sa labas” na tumutukoy sa Rusya, Tsina at North Korea.

Sa konstekto ng EDCA, nilinaw ng CenPEG na walang napipintong atakeng panlabas, na pinalalabas ng gobyerno ng Pilipinas na mula sa Tsina. Ipinangangalandakan ng pangulo na ipagtatanggol ng US ang Pilipinas mula sa panghihimasok ng Tsina. Pero nang bumisita si Obama sa bansa, tila kinumpirma nitong wala silang balak na lumaban para sa panig ng Pilipinas dahil pinananatili nito ang “konstruktibong” relasyon sa Tsina.

Nakasaad din sa artikulo ang “matagalang modernisasyon” ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pagmintine at pagpapaunlad ng seguridad sa baybayin ng Pilipinas at pagtulong sa panahon ng kalamidad o sakuna.

Pero tulad ng ipinunto ng maraming eksperto, ang ilang dekada ng pakikipagkasundong militar ng Pilipinas sa US – nariyan ang  Military Bases Agreement (MBA, 1947), MDT, VFA, at Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) – tila wala namang “modernisasyon” na naibigay ang US. Kung mayroon, bakit hanggang ngayon ay nakadepende pa rin ang bansa sa Amerika sa usapin ng depensa?

Sa usapin ng pagtulong sa panahon ng kalamidad, ngayong buwan ay kalahating taon nang naganap ang hagupit ng bagyong Yolanda sa Visayas. Pero nagpoprotesta pa rin ang mga biktima dahil sa kawalang-aksiyon ng administrasyong Aquino kahit pa nga tumulong din ang mga sundalong Amerikano noong unang mga buwan matapos ang sakuna.

Pirmahan nina DND Sec. Gazmin at US Amb. Philip Goldberg ng EDCA. Mula sa <strong>DND Facebook page</strong>
Pirmahan nina DND Sec. Gazmin at US Amb. Philip Goldberg ng EDCA. Mula sa DND Facebook page

Labag sa Konstistusyon

Labag din sa Konstitusyong 1987 ang EDCA, ayon sa CenPEG.

Kaugnay ng pagbabawal ng pagpasok ng armas nukleyar na nakasaad sa Konstitusyong 1987, maaari na umanong makapasok ang armas nukleyar dahil hinahayaan ng EDCA na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas ang mga barkong pandigma, eroplano at submarino ng US – na nagtataglay ng armas nukleyar.

Ibinigay na halimbawa ng CenPEG ang pagkakabunyag noong 1995 na nag-imbak ng 70 armas nukleyar ang US sa Pilipinas noong panahon ng cold war. Posible pa rin umano itong mangyari dahil walang kapangyarihan ang mga awtoridad na Pilipino na pigilan ang pagpasok ng mapamuksang mga armas na ito dahil malaya silang makapasok sa bansa at walang silang karapatang inspeksiyunin ang mga ito.

Binibigyan din umano ng ekstrateritoryal na karapatan ng EDCA ang US na labag din sa Konstitusyon at iba pang batas pansoberanya. Sa kasunduan, hindi saklaw ng batas ng Pilipinas ang sinumang magkakasala dahil ang mga “pinagkasunduang lokasyon” sa EDCA ay nasa ilalim ng kontrol ng mga Amerikano at walang Pilipino na makakaalam sa anumang nangyayari sa mga lokasyong ito.

Pangangayupapa sa dayuhan

Sa pagpirma ng gobyerno sa EDCA, hinahayaan nitong gamitin ng mga sundalong Amerikano, sa tulong ng mga sundalong Pilipino, ang mga pampublikong lupa at pasilidad, kabilang ang mga kalsada, daungan at paliparan, gayundin ang mga lupaing paga-aari o kontrolado ng lokal na mga pamahalaan. At lahat ng mga “napagkasunduang lokasyon,” na gagamitin ng US ay dapat na ibigay ng Pilipinas ng walang bayad.

Bagamat nakasaad sa ikalimang artikulo ng EDCA na lahat ng napagkasunduang lokasyon ay mananatiling pag-aari ng Pilipinas, anumang istruktura o konstruksiyon na ginawa ng US ay kailangan munang pag-usapan bago isauli kabilang na ang usapin ng kompensasyon. Ibig sabihin, pababayaran pa rin ng US sa Pilipinas ang anumang naitayo nila sa bansa.

Ang mga kagamitan ng US na maaaring ituring na “labis” ay posibleng ilipat o ipagbili sa Pilipinas kung ito’y hahayan ng batas at mga regulasyon ng US.

Malinaw sa mga nakasaad sa kasunduang ito ang di-pantay na mga benepisyo. Isang kasunduan na isang panig lamang ang makikinabang. At tila hindi naman ito inaalintana ng gobyernong Aquino basta’t magampanan lamang ang tungkuling iniaatas ng gobyernong US – ang maging lunsaran ng lakas-militar nito sa Asya-Pasipiko.

Ang susunod na sampung taon ang magpapatunay sa pangangayupapa ng gobyerno ng Pilipinas sa amo nitong Amerikano.