Leksiyon sa lansangan, sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro: Karapatan, dapat ipaglaban
Propesyunal sa pangalan, pero busabos kung ituring ng gobyerno. Ganito ilarawan ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kalagayan nila sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Aquino, sa kanilang pagsalubong sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Sa isang protesta sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila, ipinanawagan nila ang agarang […]

Propesyunal sa pangalan, pero busabos kung ituring ng gobyerno.
Ganito ilarawan ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kalagayan nila sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Aquino, sa kanilang pagsalubong sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Sa isang protesta sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila, ipinanawagan nila ang agarang pagbasura sa programang Kindergarten to 12 years (K-to-12) at ang pagdagdag sa mga sahod at benepisyo ng mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon.
“Ang gusto natin sa araw na ito ay bigyang sulyap man lang ang pinag-uugatan ng sistema ng edukasyon at kalagayan ng mga guro,” ayon kay Benjie Valbuena, presidente ng ACT.
Ayon naman kay Nico John David, guro mula sa Epifanio delos Santos Elementary School, tila hindi na ramdam ang pagpapahalaga sa mga guro sa kasalukuyan.
“Parang sa SONA (State of the Nation Address) lang, wala kang maririnig halos sa edukasyon. Sinasabi sa TV (na) pinapaganda ng gobyerno ang rooms at schools. (Pero) sa totoo lang, walang ginagastos diyan ang gobyerno. Ang teachers ang nagpapaganda (ng klasrums),” ayon kay David.
Sahod, benepisyo
Sa lahat ng mga presidenteng nagdaan sa Pilipinas mula kay Ferdinand Marcos hanggang kay Aquino, tanging ang kasalukuyang pangulo na lang ang di-nagbibigay ng dagdag-sahod sa mga guro. Kahit sa susunod na taon (2015), wala pa ring nakalaang badyet para sa dagdag-sahod.
Nauna nang ipinasa ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang House Bill 245 sa Kamara na naglalayong itaas ang sahod ng mga guro (mula P18,500 tungong P25,000) at mga kawani (P9,000 patungong P15,000).
Pero ayon sa ACT, maraming mambabatas sa Senado at Kamara ang sumusuporta sa panukalang batas. Tanging si Aquino na lang ang bara para tuluyan na itong maisabatas.
“Hindi na nadagdagan ang sahod, binabawasan pa tayo ng benipisyo. Binawasan ng P5,000 na Christmas bonus, tinanggal na P2,000 na productivity (bonus). Nabawasan na tayo ng P7,000,” ayon kay Valbuena.

Imbes na dagdag-sahod ang makuha, dagdag-trabaho at pahirap pa ang natanggap ng mga guro sa anyo ng Results-based Performance Management System (RPMS) at Learners Information System (LIS), ayon sa ACT.
Inilabas ang RPMS para sa mga kawani ng pamahalaan kabilang ang mga guro na nagsasabing kailangang makamit ng isang empleyado ang kanyang target output para makagawaran ng 130 porsyento o very satisfactory rating na makakaapekto sa mga benepisyo at trabaho ng isang empleyado.
Ang LIS naman ang pag-upload ng mga guro sa records ng kanilang mga estudyante sa website ng Department of Education (DepEd). Inirereklamo ito ng mga guro, na nagsasabing inaabot sila ng madaling araw “sa bagal ng website ng DepEd”.
Dagdag-gastos din umano ito sa kanila dahil wala namang natatanggap ang mga guro sa dagdag na trabaho na ito sa kanila.
Ayon naman kay Rowie Madula, propesor mula sa De La Salle University-Manila at presidente ng ACT-Private Schools, nagtitiis din sila sa napakababang suweldo maging sa pribadong paaralan.
“Nagtitiis kami sa anim hanggang sa isang taong kontrata (ang mga guro sa pribadong paaralan). Tumatanda na, hindi pa rin nagiging tenured. ‘Yan ang kalagayan ng mga guro sa pribadong paaralan sa mahabang panahon,” ayon kay Madula.
K12, CMO 20
Nais ding ipatigil ng mga guro at maging ng mga estudyante ang implementasyon ng K-to-12 dahil sa samu’t saring problema na nararanasan ng mga guro at estudyante.
Kabilang sa mga problema na sinasabi ng mga guro ang matagal nang mga kakulangan na hindi pa rin natutugunan ng gobyerno kagaya ng mga kakulangan sa upuan, klasrum, libro, at iba pa.
“Ang K-to-12 more on technology siya eh. Ngayon, wala namang binibigay sa amin na gagamitin for technology. Kailangan pa naming mag-effort na mag-download, mag-produce ng sarili naming laptop, ng sarili naming LCD,” ayon kay Melissa Castor, 33, mula sa FG Calderon High School, sinabi nya sa Pinoy Weekly.
Ayon sa mga guro, minadali ang K-to-12 at ang mga guro at mga estudyante ngayon ang siyang nahihirapan. Kulang pa rin ang modules at minadali rin ang mga pagsasanay para sa mga guro.
Mas lalong ilalayo lamang ng K-to-12 ang kabataan sa mga paaralan dahil sa kakulangan ng kahandaan sa K-to-12, ayon sa League of Filipino Students (LFS) na nakiisa rin sa nasabing pagkilos ng mga guro.
“Paano natin masasabi na para sa pagpapabuti ng edukasyon ang K-to-12, sa usapin pa lamang ng accessibility ng mga mag-aaral hindi pa rin nasasagot? Hindi lang ang mga ito ang problema ng K-to-12 kundi maging ang layunin mismo nito na itulak sa maagang pagtatrabaho ang kabataan para pagkunan ng murang lakas paggawa sa loob at labas ng bansa,” ayon kay Charlotte Velasco, tagapagsalita ng LFS.

Pinangangambahan naman ng ACT na mawalan ng trabaho ang 85,000 na guro sa kolehiyo sa paglabas ng Commission on Higher Education Memorandum No. 20 (CMO 20) na naglalayong gawing opsiyon na lamang ang pagtuturo ng Wikang Filipino sa kolehiyo, ayon sa ACT.
“Hindi lamang mga teachers sa kolehiyo ang mawawalan dahil lahat ng mga GE (general education) subjects ay ibinaba sa senior high school na wala namang kasiguraduhang may tatanggap na eskuwelahan sa kanila. Saan na pupunta itong napakaraming teachers sa kolehiyo at mga pamantasan kapag tuluyan nang ipinatupad itong K to 12 at maging itong CMO 20,” ayon kay Madula.
Elitistang edukasyon
Para naman kay Melania Flores, deputy secretary general ng ACT-State Universities and Colleges, magkaugnay ang layunin ng K-to-12 at ng CMO 20 na lalong gawing elitista ang edukasyon sa Pilipinas sa dikta ng mga polisiya sa pandaigdigang ekonomiya.
Ipinakikita umano ng K-to-12 at CMO 20 kung saan papunta ang edukasyon ng Pilipinas, sabi ni Flores, sa panayam ng Pinoy Weekly.
Sa halip na accessibility umano ang problemahin ng gobyerno na 14 kabataan lamang ang nakakatapos ng kolehiyo, ang ginagawa’y internationalization o ang tinatawag na neo-liberal education na ginagawang palengke ang mga paaralan, dagdag ni Flores.
Nagiging problema rin sa liblib na mga lugar ang implementasyon ng programa dahil sa wala o salat sa kakayahan ng mga paaralan para ituro ang Grade 11 at 12 na pangkolehiyo.
“Ang mangyayari, lalala ang accessibility. Kahit sa hayskul, hindi makakatapos ang mga bata sa mga probinsiya. Kung mga mahihirap na bata sa probinsiya, hindi sila makakapag-academic track. ‘Yung academic track kasi, inihahanda sila sa college, so dehado na naman sila sa kolehiyo,” ayon kay Flores.
Hindi na lang kolehiyo ang mawawala sa akses ng mahihirap. Magiging “elista” na rin umano ang hayskul dahil di-lahat ng bata ay makakatapos. Hindi rin handa ang gobyerno na maraming maaapektuhang trabaho at pinahaba ang paghihirap at gastusin ng mga magulang.
Aniya, maging ang paggamit o pagpapalakas ng wikang Ingles ay tahasang itinutulak para igiya ang edukasyon ng mga Pilipino sa pagsunod sa mga demand na trabaho sa ibang bansa. Ibig sabihin nito ang pagpapatindi ng migrasyon o pangingibang-bansa, habang walang trabaho na may sapat na suweldo na nililikha sa loob ng Pilipinas.
Bukod pa sa Labor Export Policy, mistulang pinaiigting ng K-to-12 ang pagkakaroon ng murang lakas-paggawa para lalong maakit ang dayuhang mga mamumuhunan–habang nasasakripisyo ang karapatan at interes ng mga manggagawang Pilipino.

Paliwanag pa ni Flores, sa development framework ng 2015 Target ng Association of Southeast Asian Nations (Asean), kasama ang socio-cultural at human capital development. Dito, itinutulak ang mga eskuwelahan na sanayin ang kabataan sang-ayon sa pangangailangan ng cheap labor.
Ang Asean ay isang pulitikal at ekonomikal na organisasyon ng mga bansa sa Southeast Asia na itinatag noong 1967. Sa taong 2015, inaasahan ang pagpapatupad ng integrasyon sa rehiyon, na kakatangian ng paghihigpit ng pag-uugnay ng mga bansa rito sa ekonomiya at pulitika.
Binabatikos ng maraming kritiko ang Asean Integration dahil tinutugunan umano nito ang interes ng malalaking monopolyo-kapitalista, lalo na sa Estados Unidos.
Leksiyon sa lansangan
Nanatiling bingi at manhid si Aquino sa hinaing ng mga guro, ayon sa mga guro.
“Kung ano ang hinihiling ng guro, ‘yun ang hindi nila pinakikinggan. Hindi naman maghihiling ang guro na hindi kailangan. Kung hindi kami naghihirap ngayon, bakit pa kami maghihirap dito sa lansangan?” ayon kay Marissa Penaflor, 53, guro sa Carlos P. Garcia High School sa loob ng 30-taon.
Para sa ACT, kung hindi natitinag ang administrasyong Aquino sa mga kilos-protesta para bigyang pansin ang kanilang matagal nang mga panawagan, nakahanda silang itaas ang kanilang laban at ihantong ito sa isang malawakang pagliban o mass leave.
“Tuturan natin si Aquino. Ituturo natin sa kanya ang mayaman nating karanasan. Ang karanasan natin na walang dagdag na sahod na nagmula sa langit (at) nahulog sa lupa. Ang lahat ng dagdag na sahod ay nagmula sa militante, sama-samang pagkilos ng mga guro. Ang militante at sama-samang pagkilos natin ang siyang mananaig. Mass leave na tayo!” ani Valbuena.