Komunidad ng LGBT, duda sa tinatakbo ng pre-trial hearing sa kaso ni Laude


Nagladlad ng higanteng rainbow banner ang mga miyembro ng Progressive Organization of Gay Men and Women in the Philippines (Progay Philippines) malapit sa Embahada ng Estados Unidos (US) noong Lunes para ipakita ng galit sa tinatakbo ng preliminary hearing sa kaso ng pagpaslang kay Jennifer Laude. Nagpanawagan din ang Progay sa gobyerno ng Amerika na […]

ipinawagan ng Progay ang mabilisang imbestigasyon sa pagkamatay ni Jennifer Laude at ang pagabsura sa VFA. Macky Macaspac
Ipinawagan ng grupong LGBT na Progay Philippines ang mabilisang imbestigasyon sa pagpatay ni Jennifer Laude. Ipinanawagan din nila ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement sa pagitang ng US at Pilipinas. Macky Macaspac

Nagladlad ng higanteng rainbow banner ang mga miyembro ng Progressive Organization of Gay Men and Women in the Philippines (Progay Philippines) malapit sa Embahada ng Estados Unidos (US) noong Lunes para ipakita ng galit sa tinatakbo ng preliminary hearing sa kaso ng pagpaslang kay Jennifer Laude.

Nagpanawagan din ang Progay sa gobyerno ng Amerika na ibigay na sa Pilipinas ang kustodiya sa suspek na si US Marine Joseph Scott Pemberton. Nanawagan din sila sa gobyerno ng Pilipinas na itigil ang “manipulasyon ng mahahalagang ebidensiya sa kaso”.

“Nakakagalit itong mga maniobra ng embahada na nabuking natin na nanghaharbat (kumukuha) ng ebidensiya ng DNA testing. Bakit hindi binibigay ang kopya ng test report sa kamag-anak ng biktima? Napaghahalata tuloy na may bonggang pasabog ang mga Kano para mabilis na mapawalang-sala ang halimaw na si Pemberton,” ani Japs Laude, miyembro ng Progay at kamag-anak ni Jennifer Laude.

Sa resulta ng DNA na inilabas kamakailan, hindi daw tugma ang DNA sample ni Pemberton sa DNA mula sa condom na nakuha sa hotel kung saan naganap ang krimen. Pero sinabi naman ng abogado ng pamilyang Laude at ng piskalya na hindi raw makakaapekto sa kaso ang resulta ng DNA.

Nakatakdang ilabas ng prosecution panel sa Disyembre 15 ang resolusyon kung uusad ang kaso o hindi.

Kasabay din ng protesta ng Progay ang ika-20 anibersaryo ng Pride March na pinangunahan ng grupo noong 1994 at kauna-unahang political protest ng LGBT sa Pilipinas at Asya.

Dinala ng grupo hindi lamang usapin ng pagkakapantay-pantay ng kasarian kundi maging ang mga patakaran ng gobyerno na nakakaapekto sa kanila tulad ng kawalan ng tarabaho, mataas na buwis, kawalan ng pondo para sa mga programa laban sa HIV/AIDS.

Ayon kay Gigi Montehermoso, tagapagsalita rin ng Progay, nagsimula ang militanteng pagkilos ng komunidad ng LGBT sa Pilipinas bilang paggunita sa Stonewall Riots sa New York noong 1969.

Ang Stonewall Riots ay pag-aalsa ng mga miyembro ng komunidad ng LGBT sa New York dahil sa mga pagsalakay ng mga pulis sa mga gay bar. Iprinotesta din ng grupo ang mga giyerang inilunsad ng US sa bansang Vietnam at Cambodia.

Sabi pa ni Montehermoso na hangga’t nagpapadala ng mga tropa ang US sa Pilipinas sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement, patuloy daw ang pag-abuso sa mga LGBT at iba pang sektor.

“(Kung totoo ang) lahat ng sinasabi ni Pres. (Barack) Obama na ang kanyang administrasyon ay para sa pagkakapantay-pantay ng LGBT, sampal sa mukha niya ang kaso ni Laude. Hindi kaibigan ng LGBT ang gobyerno ng US saan mang bansa sa buong mundo,”ani Montehermoso.