46, 50, 300, at iba pang bilang sa kanayunan
Piyesta ang pakiramdam sa baryo noong dumating kami bandang alas-10 ng gabi. Marahil, Pasko kaya maraming tao sa kalsada at bukas pa ang mga bahay na aming nadaanan. Tila abalang-abala ang mga tao sa maraming bagay. Isa na rito ang paggawa ng mga residente ng malaking entablado sa isang malaking hawan sa gitna ng baryo. […]
Piyesta ang pakiramdam sa baryo noong dumating kami bandang alas-10 ng gabi. Marahil, Pasko kaya maraming tao sa kalsada at bukas pa ang mga bahay na aming nadaanan. Tila abalang-abala ang mga tao sa maraming bagay. Isa na rito ang paggawa ng mga residente ng malaking entablado sa isang malaking hawan sa gitna ng baryo.
Maging ang mga bata ay gising pa, nagtatampisaw at naglalaro sa aming paligid Kahit panaka-nakang umuulan sinamantala nila ang liwanag mula sa mga bumbilyang pinailaw ng mga dyenereytor, Wala kasing linya ng kuryente sa lugar.
Mayroon pang isang dahilan bukod sa Pasko. Ang baryong ito ang lugar ng isang malaking pagdiriwang kinabukasan.
Matapos kaming makapagpahinga at makapagbidyo ng mga pumapanday ng entablado, sinundo kami upang makadaupang-palad ang mga nag-imbita sa aming tatlong naunang mamamahayag. Pagpasok sa isang kuwartong may maliwanag na ilaw tumayo ang isang matanda upang tanggapin kami—Si Jorge “Ka Oris” Madlos, ang tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines sa buong Mindanao. Tinanong kung kumain na kami at kung kami ba’y nahirapan sa biyahe dahil sa malakas na ulan at maputik na daan. Napakagiliw lagi ni Madlos sa mga alagad ng midya.
Pansin naming marami at sunud-sunod ang parating na mga grupo. May malalaking bag sa likod, puro nakabota at may dala-dalang malalakas na riple. Sila ang iba’t ibang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Hilaga-Silangang Mindanao, ang isa sa pinakabeteranong yunit panlaban ng mga rebelde na halos may engkuwentrong militar linggu-linggo. Di na namin sila tinangkang bilangin; ilang daan sila sa aming paligid. “May isang batalyon pa ng Milisyang Bayan sa paligid ng ating lugar,” sabi ni Madlos. Hindi man niya tuwirang sinabi, ipinahiwatig niyang wala silang kalabang makakapasok sa lugar.
Inaya kaming sa loob ng kuwarto na iyon na lang kami maglatag para matulog. Tumanggi kami dahil maya’t maya ang dating ng mga kumander ng iba’t ibang yunit upang bumati sa kanya. Dinala kami sa kabilang gusali. Sa tulong ng aming plaslayt nakita naming puno na ang mga kuwarto ng natutulog. Subalit bumangon ang ilan para bigyan kami ng espasyo. Agad kaming nakatulog dahil na rin sa pagod.
Nagising kami umaga ng ika-26 sa tunog ng nagsasanay na mga sundalong rebelde para sa gagawin nilang martsa sa pag-uumpisa ng programa kalaunan. Pagmulat ng aking mata, napansin kong kami na lang pala ang nakahiga at abala na ang lahat sa paghahanda. Nakapag-almusal na sila’t paparating na mula sa pakikiligo sa mga bahay sa paligid at sa malapit na ilog. Maya’t maya naglakad na sila patungo sa ginagawang entablado kagabi, malinis ang mga bota at pare-pareho ang mga t-shirt.
Nanpansin kong napakaganda ng lugar. Napapaligiran ang baryo ng mga burol na marami pang puno. Ang mga bahay, bagamat payak, ay nakahilera ng maayos. Ang eskuwelahan ay nasa isang mataas na lugar. May ilog sa gilid na nilalambing ng mababang hamog ng umagang iyon.
Nagpatuloy ang tila-piyestang atmospera sa baryo. Tulung-tulong pa rin ang mga panday sa pagtatapos ng entablado na nilalagyan na nila ng malalaking trapal dahil sa ulan. Sa isang gilid ng hawan nakaumpok ang mga nakasama namin sa kuwartong aming tinulugan. Mga kasapi sila ng Kabataang Makabayan (KM) sa Surigao del Sur at pare-pareho rin sila ng suot. “KM 50, STP (Serve the People), Ika-46 nga anibersaryo, Partido Komunista sa Pilipinas” ang nakaimprenta sa kanilang suot. (Ginunita nga pala ng KM ang ika-50 ng kanilang pagkakatatag noong nakalipas na anibersaryo ng pagkapanganak ni Andres Bonifacio noong ika-30 ng Nobyembre.) Nagsasanay sila sa kanilang presentasyon sa programa at pinipinturahan nila ang kanilang mga mukha.
Masaya sila, nagbibiruan at nagkakantahan. May isang pares din silang tinutukso. Ngunit di sila maharot. Umaalis lang sila sa kanilang lugar upang makisilong sa panaka-nakang buhos ng ulan.
Naging mahaba ang aming paghihintay noong umagang iyon sa higit 10,000 panauhin mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Nalaman namin sa mga kasapi ng BHB na nangharang ang mga kagawad ng Hukbong Katihan ng Pilipinas (Philippine Army) sa isang baryo malapit sa haywey. Di na ako nagulat. Ginawa na rin nila ito noong huling nakadalo kami sa katulad na selebrasyon ng PKP noong 2010 sa kalapit ding lugar. Hinarang din nila ang nakapaketeng pagkain para sa mga panauhin.
Bago magtanghaling tapat, dagsa nang dumating ang libo-libong nagsipagdalo. Pagod sila dahil napilitan silang maglakad ng maraming kilometro sa maputik at matarik na kalsada makarating lamang. At tulad din noong 2010 muli kaming pinahanga sa kanilang tapang at determinasyon. Masayahin din ang lokal na mga mamamahayag kahit hinarang at tinuya rin sila ng mga sundalo ng pamahalaang Maynila.
Hindi naman binigo ng BHB ang mga dumalo. Masinop ang pormasyon ng isang buong kumpanya para sa pagkanta ng “Ang Internasyunal” sa pagsisimula ng programa. Sinundan ito ng mga sigaw ng “Mabuhi ang Partido Komunista sa Pilipinas!” mula sa mga nagsidalo—ispontanyo, madamdamin at nakapanindig-balahibo.
Isa sa inabangan ang talumpati ni Madlos. Mas maigsi ang kanyang pananalita ngayon, pero marami pa ring palakpak ang tinanggap, lalo na noong sinabi niyang napanatili ang 46 na larangan ng BHB sa buong Mindanao at walang nadurog ang kanilang kaaway kahit isa man lamang. Sa kabilang banda, ayon kay Madlos, kasindami ng isang batalyong sundalo ng gobyerno ang kanilang napatay sa mahigit 300 na engkuwentro sa buong 2014.
Sentrong parte ng pagdiriwang ang “Peace Forum”. Pangalawang bahagi ito ng maghapon sanang programa. Dalawang Obispo, ilang pari, maraming madre at pastor ang dumalo sa bahagi ng sektor ng mga relihiyoso. Ang bise-gobernador ng Surigao del Sur na si Manuel Alameda naman ang nagtalumpati para sa lokal na mga ehekutibo. Nagtalumpati rin ang kinatawan ni Alkalde Rodrigo Duterte ng Lungsod ng Davao. Ang negosyador ng National Democratic Front of the Philippines na si Fidel Agcaoili ang tumanggap ng rekomendasyon ng iba’t ibang sektor na binigyang oras ding makapagpahayag. Isang tanging emisaryo naman ng Malakanyang ang naroon upang saksihan ang selebrasyon ng PKP at ang peace forum sa Mindanao. Nagkaisa ang lahat na itulak kapwa ang administrasyong Aquino at NDFP na ipagpatuloy ang pormal na usapang pangkapayapaan sa lalong madaling panahon.
Subalit ang presentasyon ng KM ang masasabing pinakamakulay na bahagi ng programa. Malikhain nilang inilarawan ang sa kanila’y mga suliranin ng lipunan na tinutugunan ng rebolusyong kanilang sinalihan. Ilan sa kanila ang gumanap bilang asendero, militar, imperyalista; ilan sa kanila ang gumanap bilang mga biktima ng karahansan, kahirapan at kawalang katarungan; ilan sa kanila ang gumanap bilang kabataang aktibistang namumulat sa kanilang tungkulin para sa bayan; at ang pinakagusto ng nanood ang pagganap nila bilang mga bagong mandirigma ng BHB. Di alintana ng mga nanood na di pantay-pantay ang antas ng husay ng pagganap ng mga kabataan. Ang gumanap na “Uncle Sam” ay tila nahihiya pa sa entablado, samantalang kuwelang-kuwela naman ang gumanap na “P-Noy.” Tila tatak na ng KM ng Surigao del Sur ang makulay nilang pintura sa mukha tuwing nagtatanghal sa pagdiriwang ng selebrasyon ng PKP kaya naman magkasindami ang larawan nila ng mga mandirigma ng BHB sa mga pahayagan at telebisyon kinabukasan.
Di na nasaksihan ng kapwa niyang mga kagawad ng midya ang huling bahagi ng programa. Kinailangan na nilang bumalik sa kanilang pinanggalingan upang magsumite ng kanilng mga istorya. Subalit masaya rin ang bahaging ito ng pagdiriwang. Siyempre pa, di nagpahuli ang mga kabataan sa pakikipagtagisan ng galing sa pagkanta. Napa-indak nila ang mg beteranong mandirigma ng BHB maging sa kanilang mga kantang “hip-hop.” Kakaiba, di-inaasahan, subalit bakit hindi kung pareho lang ang mensahe ng mga ito sa ibang kantang progresibo?
Gabi na ulit nang kami’y makalabas dahil hindi kami nabalikan ng amin sanang sasakyan. Muling hinarang ng mga sundalo ng gobyerno ang kalsada ng baryong malapit sa haywey. Masaya ang paalamanan sa hawan at sa bukana ng baryong pinagdausan ng pagdiriwang. Kasama naming umalis ang maraming kasapi ng KM na anila’y babalik sa kanilang mga eskuwelahan at pamayanan. Ngunit napansin kong may mga kasapi silang nagpaiwan, kasama sina Madlos at ang BHB.
Sa kahabaan ng aking paglalakbay ng gabing iyon pabalik sa lungsod, hindi maiwasang sumaisip ang nakitang pagtitimbang ng mga bagay-bagay sa rebelyong pinamumunuan ng PKP. Matanda na nga ang kanilang partido sa 46 na taon, at higit na mahaba ang pag-aaklas ni Bonifaciong sinasabi nilang kanilang ipinagpapatuloy. Ngunit nakikita sa kabataan sa kanilang hanay na laging may bagong lakas na handang ialay ang sambayanan sa rebolusyon.