Main Story Pambansang Isyu

‘People’s hearings’ para sa katotohanan, pananagutan sa Mamasapano isinagawa ng iba’t ibang grupo


[cycloneslider id=”peoples-hearings”] Bigo ang mga naging pagdinig sa insidente sa Mamasapano. Pawang “pagtatakip at paghuhugas kamay” ang mga naihapag ng pangunahing mga tauhang inimbitahan ng Senado at Kongreso. Ito ang pagtingin ng iba’t ibang progresibong grupo, kung kaya minabuti na nilang maglunsad ng sariling “people’s hearings” para dinggin ang mga testimonya, hindi ng mga pinuno […]

[cycloneslider id=”peoples-hearings”]

Bigo ang mga naging pagdinig sa insidente sa Mamasapano. Pawang “pagtatakip at paghuhugas kamay” ang mga naihapag ng pangunahing mga tauhang inimbitahan ng Senado at Kongreso.

Ito ang pagtingin ng iba’t ibang progresibong grupo, kung kaya minabuti na nilang maglunsad ng sariling “people’s hearings” para dinggin ang mga testimonya, hindi ng mga pinuno ng pulisya, militar at administrasyong Aquino, kundi ng ordinaryong mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor.

Pinakahuli nito ang pagdinig ng iba’t ibang grupo ng mga magsasaka na ginanap sa mismong tarangkahan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge. Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Amihan, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas o Pamalakaya, at Ugnayan ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA ang pagdinig sa mga kanilang mga isyu na batayan ng panawagang magbitiw si Pangulong Aquino sa puwesto.

Kabilang sa mga isyung inihapag ng mga magsasaka ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa, pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa at malalaking korporasyon, pagkalat ng mga puwersang militar para takutin ang lumalabang mga magsasaka, panggigipit sa maliliit na mga mangingisda para paboran ang malalaking korporasyon at dayuhan, at iba pa.

Sinalang din sa “people’s hearing” sa Mendiola ang pananagutan ni Aquino sa pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Sa testimonya ni Kenneth Guda, patnugot ng Pinoy Weekly at mamamahayag na kalahok sa People’s Fact-Finding Mission sa Mamasapano noong Pebrero 9 hanggang 11, isiniwalat ang kaganapan noong Enero 25 sa punto-de-bista ng mga magsasakang Moro na labis na naapektuhan sa pagsalakay ng mga puwersang pulis sa kanilang komunidad, batay sa utos ni mismong Pangulong Aquino at ng gobyerno ng Estados Unidos (US).

Pagdinig sa Plaza Miranda

Noong Pebrero 20, pinangunahan naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang “people’s hearing” sa Plaza Miranda sa Quiapo, Manila matapos agarang itigil ng Kamara ang pagdinig hinggil sa Mamasapano.

“Kung sa Senado, may executive session, dito, open session,” sabi ni Raymond Palatino, tagapangulo ng Bayan-Metro Manila, at nagsilbing tagapagpadaloy sa sesyon na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon.

Kapansin-pansin din ang pakikinig ng mga estudyante, parokyano sa simbahan sa Quiapo, mga maninindang Moro, at iba pang mamamayang nasa Quiapo noong panahong iyon.

Sa naturang pagdinig, tinalakay din ni Guda ang naging mga resulta ng fact-finding mission, lalo na ang maraming impormasyon na di-masyadong nailalantad sa iba’t ibang pagdinig sa Kongreso at ulat sa masmidya.

Sinalaysay ni Guda na sinabi mismo ng mga residente ng Mamasapano na narinig nila ang mga mga ugong ng US drones na siyang naniktik sa lugar isang linggo bago ang mismong operasyon.

Para kay Guda, kahit pa lantaran ang drone bilang ebidensiya ng pagkakasangkot ng US sa operasyon, pilit na pinagtatakpan ng mga pagdinig ang kamay ng US sa insidente, at may paghaharang na ilabas ang dokumentasyon tungkol sa mga naiulat ng mga testigo na paglahok ng mismong tropang Amerikano sa operasyon.

Sa naturang pagdinig, pinalawig ni Prop. Roland Simbulan ng Unibersidad ng Pilipinas-Maynila at eksperto sa ugnayan sa pagitan ng US at Pilipinas, ang kasaysayan ng pagkakasangkot ng US sa mga operasyon sa labas ng bansa nito.

Pilit aniya na pinagtatakpan ang mga bakas ng panghihimasok ng mga tropang US sa operasyon. Pero madiin ang paalala niya na sa kasaysayan, palagiang nandoon ang US sa mga operasyong hindi lang nakatuon sa tinaguriang “giyera kontra sa teroroismo,” kundi pati na rin sa giyera kontra-insurhensiya.

Kabiguan sa pagpapanagot

Tatlong taon nang walang kaguluhan sa lugar, ayon sa mga nakapanayam na kababaihan ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, na kasama rin sa fact-finding mission. Malaking katanungan ang engkuwentro aniya para sa mga mamamayan na nandoon.

Bakit magkakaroon ng encounter, may peace process naman, mayroon ding ceasefire?” sabi ni Ilagan na tinanong sa kanya ng mga residente.

Napilitan aniyang lumikas ang mga mamamayan nang nagsimula ang putukan madaling araw ng Enero 25.

Ikinuwento ni Ilagan ang salaysay ng isang ina na dala ang kanyang dalawang-buwan at pitong taon na mga anak. “Ang kanyang asawa ay nagpaiwan dahil tutulong sa paglaban. Tanghali na nang nalaman niya na namatay ang kanyang asawa. Kaya naman ang tanong ng mga nanay doon, ‘Paano na kami, wala na kaming kabuhayan.’ Ang mga mais ay hindi pa namin puwedeng balikan,” sabi pa niya.

Kuwento ng mga nanay doon, may mga nakuha pang granada at bala sa lupag taniman ilang araw matapos ang insidente.

Matatandaang maisan ang lugar ng insidente. Simbolo ng pang-ekonomiyang pagkilos ng mga mamamayan ang maisan, na hindi binibigyang diin at hindi nailalantad sa nakaraang mga pagdinig.

‘Daang matuwid, daang pamapangib’

Samantala, sa kanilang biswal na display habang nagaganap ang pagdinig, ipinakita ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan ang kaugnayan ng insidente sa Mamasapano sa mahabang talaan ng mga paglabag sa karapatang pantao ng administrasyong Aquino.

Upang iligtas ang ating bansa sa lalong kapahamakan, kailangan itulak si Aquino tungo sa “Accountability Street,” ani Cristina Palabay, tagapangulo ng Karapatan. Tinutukoy niya ang kanilang biswal na display ng kalsada na sumisimbolo sa “duwid na daan” pero nakikitaan ng iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang pantao, tulad ng pagkakaroon ng mga detinidong pulitikal, mga kaso ng pamamaslang at pagdukot, pagsampa ng gawa-gawang mga kaso, militarisasyon, at iba pa.

Sa pagdinig, nagsilbing tagalitis ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, kabilang sina Sammy Malunes ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Joms Salvador ng Gabriela.

Samantala, nagsalita rin si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na kalahok din sa fact-finding mission sa Mamasapano. Aniya, kung sana’y ganito lang ang sinabi ni Aquino sa publiko, baka mapatawad pa siya ng mga ito: “Inaamin ko ang buong responsabilidad sa Mamasapano. Kaya ako po ay, per advise, ay mag-re-resign.”

“Balikan natin (kung) ano ang responsabilidad ni Pangulong Aquino. Sinasabi niya na siya ang ‘ama ng bayan.’ Napakawalang-hiyang ama naman niya kung hindi niya aaminin ang responsabilidad,” diin ni Zarate. Kabilang sa “pagpapabaya” umano ng “ama ng bayan” ay ang pagpapasubo sa mga commando ng Special Action Force na sinabak sa Mamasapano kahit na malinaw na may ceasefire ang gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front.

Isinubo niya rito hindi lang ang buhay ng 44 SAF. Kasama na ang buhay ng 18 combatants ng MILF na umaasa na magkakaroon na ng katahimikan sa Mindanao, sa ilalim ng ibinabalangkas na Bangsamoro Basic Law, at ang kasamang pinatay rito ay pitong sibilyan na hanggang ngayon ay walang kaseguruhan kung sino ba ang magbibigay sa kanila ng reparation,” sabi pa ni Zarate.

Para sa mga grupong lumahok sa pagdinig, wala pa ring indikasyong aakuin ng Pangulo ang pananagutan niya sa serye ng kabiguan na kanyang nakasadlakan sa loob ng limang taong panunungkulan. Iisa lang ang insidente sa Mamasapano sa mahabang listahan ng kanyang mga kakulangan sa pagtugon, ayon sa Bayan.

Dahil dito, anila, lalong lumalakas ang ugong ng panawagang bumaba na si Pangulong Aquino sa puwesto.