FEATURED Magsasaka

Mendiola Massacre at 30-taong kawalan ng hustisya


 Matapos ang masaker, umigting lang ang pandarahas sa mga magsasaka.  Umiigting din ang paglaban nila.

Kakambal na mar­ahil ng pangalan ng Mendiola ang mga kilos-protesta o mga rali. Dito nangyayari ang di-mabilang na paglaban ng mga mamamayan para igiit ang kanilang karapa­tan.

Isa sa pinakakilalang pagkilos dito ang dumulo sa masaker noong Enero 22, 1987 sa ilalim ni dating pangulong Corazon Aquino. Labing tatlong magsasaka ang napaslang nang itaboy ng mga pulis ang mga magsasaka. Matapos ang tatlumpung taon, nananatiling walang hustisya ang mga biktima.

Matapos ang 30 taon, nananatili ang pundamental na tunggalian sa pagitan ng mga magsasaka at panginoong maylupa para sa lupa.

Nanatiling kalagayan

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), siyam sa 10 magsasaka ang walang lupang sinasaka, at nananatiling monopolyo ng mga panginoong maylupa. Di kailanman nawala sa mga Cojuangco-Aquino, Araneta, Enrile, Roxas, Escudero ang mga iba’t ibang hacienda sa Pilipinas. Nariyan ang Hacienda Luisita, Hacienda Yulo, Hacienda Looc, at mga asyenda sa Negros.

Sa Mindanao naman, patuloy ang operayson ng malawakang mga plantasyon ng multi-nasyunal na mga kompanya para taniman ang lupain dito ng saging, pinya, at maging palm oil. Pinagtatrabaho sila bilang manggagawang bukid na mababa ang sahod at limitado ang araw na paggawa. Sa Bukidnon, P290 kada araw lang ang sahod ng mga manggagawang bukid ng palm oil. Higit na malala sa Bohol na tumatanggap lang ng P50-P200 kada buwan ang mga magsasaka ng palm oil.

Nang mag-aklas ang mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong 2004, nanawagan ang mga ito ng dagdag-sahod at dagdag araw-paggawa dahil sa P9.50 lang kada linggo ang kanilang natatanggap. Nob. 16, 2004 binuwag ang kanilang piketline at minasaker ang pito sa kanila.

Sa ilalim naman ng rehimeng Aquino, 283 magsasaka ang pinaslang at 23 ang desaparecido ang naitala ng Karapatan mula Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2015 — ang may pinakamaraming bilang ng biktima sa lipunan.

Patuloy din ang land use conversion o pagpapalit-gamit sa lupa upang gawing komersiyal na establisimyento o di kaya’y mga subdivision na nagtataboy sa mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka at naitutulak sa mga lungsod gaya ng Maynila upang makipagsapalaran.

Bago ang eleksiyong 2016, nagprotesta ang 5,000 magsasaka sa Kidapawan upang igiit sa gobyerno na ilabas ang pondo para sa mga apektado ng matinding tag-init. Pinaputukan sila ng mga pulis noong Abril 1 na ikinasawi ng isang magsasaka at ikinasugat ng marami.

Pangako at atake

Sa pag-upo ni Pangulong Duterte, nangako siya ng pagbabago sa mga magsasaka.

Kaya naman sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, pinili niyang maging kalihim ng Department of Agrarian Reform si Rafael Mariano ng KMP na nasa hanay ng magsasaka at may mahabang track record sa paglaban para sa tunay na repormang agraryo at interes ng mga magsasaka.

Pero higit pa ang kailangang tugunan sa problema ng mga magsasaka. Nagpapatuloy pa rin ang atake sa kanilang hanay sa kasalukuyan. Sa Tagum City, pinagbabaril ang mga magsasaka sa plantasyon ng saging na mga miyembro ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Inc, Mag-uuma Alang Sa Tinood Nga Repormang Agraryo at iba pang grupo. Siyam ang naitalang sugatan nang pagbabarilin sila ng mga guwardiya ng Lapanday Foods Corporation.

Hangga’t di natutugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa at nananatili ang pyudalismo at paghahari ng panginoong may lupa at nananatiling busabos at pinagsasamantalahan ang mga magsasaka, tiyak na hindi na lamang magiging tagasuporta ang mga magsasaka ng New People’s Army (NPA) na nagsusulong ng rebolusyong agraryo.

Ayon nga sa Melito Glor Command ng NPA sa Southern Tagalog, ang mga magsasaka ang nananatiling balon ng mga pulang mandirigma.