Magsasaka, tutol sa pag-import ng 4.5M toneladang bigas
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, imbis na mag-angkat ng bigas, dapat magbigay ang gobyerno ng direktang suporta sa mga magsasakang nasalanta ng El Niño at sunod-sunod na bagyo.
Tinutulan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang plano ng gobyerno na dagdagan ang aangkating bigas ng bansa bilang tugon sa pinsala ng mga sunod-sunod na bagyo sa sektor ng agrikultura.
Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-iimport ang gobyerno ng higit 4.5 milyon metriko toneladang (MT) bigas sa briefing ng Malacanang kaugnay ng Bagyong Pepito nitong Nob. 15.
“Hindi makatarungang itong panibagong bugso ng importasyon ng bigas. Ang pagdepende sa mga imported na bigas ay pagtataksil sa lokal na agrikultura,” sabi ni KMP chairperson Danilo Ramos.
Umabot sa P5.75 bilyon ang pinsala sa agrikultura ng Bagyong Kristine, ayon sa Department of Agriculture (DA). Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P8.6 milyon naman ang pinsala sa sektor ng mga Bagyong Nika, Ofel at Pepito.
Sa lalawigan ng Cagayan, umabot sa P1.4 bilyon ang pinsala sa agrikultura ng apat na magkakasunod na bagyo.
Ayon sa KMP, imbis na mag-angkat ng bigas, dapat magbigay ang gobyerno ng direktang suporta sa mga nasalantang magsasaka.
“Dapat maglaan ang gobyerno ng sapat na pondo para sa direktang kompensasyon sa mga magsasaka, kabilang ang cash assistance, subsidyo para sa binhi, abono at irigasyon. Dapat mabilis ang ayudang ito at walang kaakibat na burukratikong red tape,” sabi ni Ramos.
Pilipinas pa rin ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo ayon sa United States Department of Agriculture (USDA).
Ngayong taon, umabot na sa 3.896 milyon MT ng bigas ang inangkat ng bansa, pinakamataas na naitalang pag-import sa kasaysayan, dahil sa pagbaba ng produksiyon dulot ng mga bagyo at pananalasa ng El Niño.
Tinataya ng USDA na aabot pa sa 5 milyon MT ang aangkating bigas ng Pilipinas ngayong taon.
Tantiya ng DA, bababa sa 19.41 milyon MT ang produksiyon ng palay ngayong taon, mas mababa ng 3.24% kumpara noong 2023 at pinakamababang tala ng produksiyon sa nakalipas na apat na taon.
Ayon sa KMP, hindi solusyon ang importasyon sa kakulangan ng suplay. Mas dapat anilang tutukan ng gobyerno ang pagpapalakas ng lokal na produksiyon.
“Hindi naman bumaba ang presyo ng imported na bigas habang mataas pa rin ang gastos sa produksiyon ng lokal na bigas dahil sa kawalan ng suporta mula sa gobyerno,” ani Ramos.