FEATURED Komentaryo

US: Amo ni Marcos, gayundin ni Duterte?


Baybayin kung paano sinuportahan ng Kano ang nasirang diktador.

Hindi magtatagumpay si Ferdinand Marcos, ang kanyang pamilya at mga kroni nito sa kanilang pandarambong at panunupil sa bansa kung walang suportang nanggaling sa gobyerno ng Estados Unidos (US). Tumagal ang panunungkulan ni Marcos dahil nakaaalalay sa kanyang likuran ang makapangyarihang imperyalista.

Kapaki-pakinabang sa ekonomiya ng US at interes ng militar sa Pilipinas ang batas militar. Umabot ang suporta nito hanggang sa hindi na kapaki-pakinabang sa interes ng US ang pampulitika at pang-ekonomiyang krisis ng rehimen para sustentuhan pa ang tiraniya ni Marcos at korup nitong pamumuno. Ano ang mga interes ng US na pinagsilbihan ni Marcos at ng kanyang diktadura?

Noong panahong iyon, nasangkot ang US sa magastos na giyera sa Vietnam, isang proxy war sa pagitan ng US at ang dating Unyong Sobyet matapos ang Cold War. Nagsilbi ang Pilipinas, sa ilalim ni Marcos, sa giyera ng Amerika sa pamamagitan ng pagpapadala ng libu-libong tropa para tumulong sa mga tropang Amerikano. Bukod pa sa pagpapadala ng tropa, mas estratehiko pa para sa US ang pagmantine ng mga baseng militar tulad ng Subic Naval Base na ginagamit ng kanilang hukbong pandagat (US Seventh Fleet) para sa pagkukumpuni at muling pagdaragdag noong giyera sa Vietnam. Ganun din ang Clark Air Base na nagsisilbing susing logistics hub. Matapos ang kabiguan ng US sa Vietnam, naging mas lalong mahalaga ang Subic at Clark para sa US upang mapanatili ang kanilang presensiyang militar at operasyon sa Asya.

Kinatigan ng US ang pasistang rehimen kapalit ng pagtiyak ng diktador na ang Pilipinas ay magpapatuloy sa pagpayag na manatili ang mga base militar ng US. Ilang araw bago ideklara ang Proclamation 1081 na naglagay sa buong bansa sa ilalim ng batas militar, tinawagan ni Marcos ang noo’y pangulo ng US na si Richard Nixon para kunin ang kanyang suporta. Nang ipataw ni Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972, naglagay ang US ng 40,000 tropa sa Subic para “humarap sa anumang mangyari” dahil sa deklarasyon ng diktador.

Maliban sa adyendang militar, ginamit rin ng US ang diktadurang Marcos upang manatili ang prebilehiyadong posisyon nito sa ekonomiya ng Pilipinas at ang pandarambong sa likas na yaman. Ang Kasunduang Laurel-Langley ng 1955 na siyang nagbigay ng buong karapatan sa pagkakapantay-pantay para sa mga Amerikano at kanilang negosyo o kaya pantay na akses sa lokal na agrikultura, troso, mineral, pampublikong kagamitan, at pasong titulo ng lupa noong 1974. Pero sa kanyang kapangyarihang batas militar, naglabas si Marcos ng kautusan na epektibong mapapanatili ang neokolonyal na prebilehiyong pang-ekonomya ng US tulad ng pagbaluktot sa desisyon ng korte na nagbabawal sa US na magmay-ari ng mga lupain sa bansa.

Pinahina rin ng US ang paghanap ng mga Pilipino sa hustisya upang panagutin ang mga Marcos sa kanilang krimen. Ayon sa pahayagang The Guardian noong Mayo 2016, alam ng US Central Intelligence Agency (CIA) na nangulimbat ng US$10-Bilyon si Marcos pero pinili nitong ilihim ang kanilang nalalaman sa Philippine Commission on Good Government (PCGG).

Sa kasalukuyan, malaking papel ang ginagampanan ng rehimeng Duterte sa pagbaluktot ng kasaysayan ng batas militar at sa rehabilitasyong pampulitika ng mga Marcos. Susuportahan ba ng US si Duterte at makikipagkuntsabahan sa kanyang rehimen tulad ng ginawa sa diktadurang Marcos? Sa kabila ng mga kontra-US na pahayag ng presidente at sa kabila ng pagmamabutihan nito sa China, ang rehimeng ito’y nagpatuloy pa rin na pinayayaman ang relasyon sa imperyalistang amo nito.

Pinaigsing salin ni Abie Alino