Star player ng droga sa pulisya?
Para kay Albayalde, sapat na ang paggamit ng terminal leave para umiwas sa hagupit ng isyu ng “ninja cops” at makakubra pa rin ng benepisyong milyon piso sa pagreretiro.
Iba talaga ang mundong ginagalawan ng karaniwang mga manggagawa at ng mga nakaluklok sa poder ni Hen. Oscar Albayalde. Sa mga manggagawa, tamang timpla pa lang ng pagdududa at paninisi, sibak na sa trabaho. Suwerte mo pa kung wala kang kailangan bayaran sa employer.
Para kay Albayalde, sapat na ang paggamit ng terminal leave para umiwas sa hagupit ng isyu ng “ninja cops” at makakubra pa rin ng benepisyong milyon piso sa pagreretiro. Kahit nabanggit niya na binitawan na niya ang pagiging Philippine National Police chief, wala pang ibang pupuwedeng kumuha ng titulo hanggang sa mismong retirement date niya sa Nobyembre dahil nga sa paggamit ng terminal leave. Mahiya naman tayong milyong posporo sa tulad niyang bituin.
Nasa usapin na rin ng bituin, kasindak-sindak na tanong ang muli nating kinakaharap sa pagkakadawit ng isang four-star PNP general sa isyu ng droga: gaano ba kasinsin at kaepektibo ang giyera kontra droga kung napakahirap maningil ng hustisya sa institusyong inaaasahan (at pinopondohan) ng bayan para protektahan ito?
Sa muling pagbubukas ng kaso laban sa mga pulis sa Pampanga na sangkot sa pagre-recycle ng kumpiskadong droga noong 2013 habang Pampanga Police Chief pa lang si Albayalde, lumalabas na hindi lang problema ng administrasyong ito ang paglutas sa pagkalat ng ilegal na droga. Luma na itong tugtugin. Kasing luma marahil ng pagkakaroon ng mga miyembro ng pulis na nangungunsinti at nagbebenepisyo pa nga sa ilegal na gawain. Nasolusyonan ba ito ng pagkakapatay sa libu-libong Pilipino, kasama na ang mga bata? Alam natin ang tugon nina Pangulong Duterte at Albayalde, at ang tugon naman ng katotohanan.
Halos hindi magkandaugaga at nauulol sa pinamamarali nitong giyera kontra-droga, gustong paniwalain ng rehimeng Duterte na walang bahid ng anomalya at korupsiyon ang mga nangunguna sa nasabing kampanya. Pero sa sarili nitong bakod, umaalingasaw ang kabuktutan. Mismong pinuno at tagapagtaguyod nito, dawit sa matitinding akusasyon mula mismo sa mga kapwa pulis nito.
Ang pagbubukas ng Department of Justice sa kasong ito, kasabay ang pagsisiyasat ng Napolcom ang dalawang opisyon na maaaring panggalingan ng inaasam na katotohanan. Ayon sa ilang senador, hindi basta-basta makakalusot si Albayalde sa kabila ng kanyang paglisan. Kailangan itong bantayan.
Mas mahirap man napanagot sa timbangan ng hustisya si Albayalde, patuloy na maniningil ang mga Pilipino. Kayang mahigitan ng milyon ang napapakong mga pangako ng iilan. Ngayon, sina Albayalde. Sa susunod, sina Duterte.