Kalayaan sa kaarawan ni Cumpio, ipinanawagan


Pinangunahan ng AlterMidya ang protesta sa harap ng Department of Justice sa Maynila para ipanawagan na palayain ang kanilang kapwa alternatibong mamamahayag.

Nagtipon ang iba’t ibang grupo ng midya nitong Ene. 23 sa ika-25 kaarawan ni Frenchie Mae Cumpio, isang mamamahayag pangkomunidad na kasalukuyang nakakulong sa Tacloban City Jail.

Inaresto si Cumpio sa Tacloban noong Peb. 7, 2020 sa mga gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives at terrorist financing. Mag-aapat na taon na rin siyang nakakulong at patuloy na pinagkakaitan ng hustisya.

Pinangunahan ng AlterMidya ang protesta sa harap ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila para ipanawagan na palayain ang kanilang kapwa alternatibong mamamahayag.

Bitbit ang mga maliliit na kalembang na sumisimbolo sa programa sa radyong “Lingganay Han Kamatuoran (Bells of Truth)” na pinangasiwaan ni Cumpio, nag-ingay ang mga mamamahayag para iparating sa DOJ ang agarang pagbasura sa mga gawa-gawang kasong isinampa laban kay Cumpio.

Hinihiling din nilang hindi na abutin pa ng panglimang kaarawan sa kulungan si Cumpio. Ani Raymund Villanueva, tagapangulo ng AlterMidya, walang katotohanan ang mga kasong isinampa kay Cumpio.

“Personal mong pakinggan ang report kung paano ginagamit ang iyong ahensiya para mang-api,” wika ni Villanueva para kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay ng imbestigasyon ni United Nations Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan.

Sa kaarawan ni Cumpio din ang unang araw ng opisyal na pagbisita ni Khan sa bansa para imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag. Patunay umano ang pagkakapiit ni Cumpio na hindi ligtas ang mga mamamahayag sa Pilipinas.

“Anong uri ng hinaharap ang naghihintay sa mga mag-aaral ng communication kung sa kasalukuyan, inilalantad sa amin ang masalimuot at makipot na daan na tinatahak sa larangan ng propesyong ito?” ani June Angeline Tadia, isang student journalist sa Polytechnic University of the Philippines.

Sa pagdalaw ni Khan sa bansa, ipinapanawagan ng mga grupo na suriin ang mga kaso ng mga paglabag sa kalayaan sa pagpapahayag. Inaasahan din nilang magbibigay si Khan ng mga makabuluhang rekomendasyon para maresolba ang mga kaso ng paglabag.