Bentahe at disbentahe ng face shields


Walang pag-aaral ang makapagpapatunay na kayang mapigilan ng face shield ang pagkalat ng Covid-19. Gayumpaman, makatutulong ito para mabawasan ang tsansa ng paghahawahan.

Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa na nasa mahigit 200,000 na — sa pagkakasulat ng artikulong ito. Maraming dahilan ang itinuturo kung bakit patuloy ang paglaki ng bilang nito sa ating bansa kumpara sa iba pang karatig-bansa na naging epektibo ang pagsugpo sa Covid-19.

Dahil sa walang malinaw na plano ang gobyerno upang tugunan ang pandemya, sari-saring pamamaraan ang ginagawa upang mapigilan ang pagkalat nito.

Mula sa pagsusuot ng face masks, ginagawa na ring mandatoryo ngayon ang pagsusuot ng face shields sa pampublikong mga transportasyon at iba’t ibang establisimyento.

Anu-ano nga ba ang mga bentahe at disbentahe sa paggamit ng face shields?

Hindi katulad ng face masks, ang face shield ay kayang takpan ang buong mukha na nagreresulta sa pagpigil sa nagsusuot nito na mahawakan ang kanyang mata o palagiang mahawakan ang face masks nito.

Ayon sa isang epidemiologist at eksperto sa mga nakakahawang sakit na si Dr. Robert Kim-Farley mula sa University of California in Los Angeles (UC-LA) Fielding School of Public Health, maaaring ma-katulong ang face shield sa mga taong laging may nakakasalamuha sa araw-araw. Halimbawa rito ang mga cashier at iba pang katulad na laging may nakakasalamuhang tao.

Dahil karaniwan itong gawa sa plastik, kaya hindi makatatagos ang anumang virus sa face shield. Madali rin itong malinis o mai-disinfect kaya magagamit itong muli kumpara sa face masks.

Walang pag-aaral ang makapagpapatunay na kayang mapigilan ng face shield ang pagkalat ng Covid-19.

Gayumpaman, makatutulong ito para mabawasan ang tsansa ng paghahawahan. Bagamat nasasakop ng face shield ang buong mukha ng nagsusuot nito, maaari pa ring dumaan ang Covid-19 sa gilid, itaas, at ilalim nito (depende sa disenyo) at pumasok sa katawan ng tao mula sa mata, sa ilong, o sa bibig.

Para naman sa mga nagmamaneho sa motorsiklo at sa mga nagbibisikleta, nagiging abala din ito kapag hinangin nang malakas na maaaring maging sanhi ng aksidente