Sahod kahit nasa quarantine iginigiit


Kailangan pa ring kumita para sa pamilya ang manggagawa, kahit nagkasakit o nadikitan ng may Covid.

Ikinatuwa ng progresibong mga manggagawa ang House Bill 7909 sa Kamara ng blokeng Makabayan. Sa naturang bill, kailangang bigyang kompensasyon ng mga employer ang mga manggagawang nagkakasakit at naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Pero kahit sa panahong wala nang Covid-19 sa hinaharap, maaaring tumindig pa rin ang naturang panukalang batas bilang proteksiyon sa sahod ng mga manggagawa kung muling pumutok ang bagong pandemya.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), mahalagang maproteksiyunan sa batas ang karapatan ng mga manggagawa sa sahod kahit na nagkakasakit ng Covid-19. Nakakatanggap sila ng mga ulat ng mga manggagawang nawawalan ng sahod dahil nagkakasakit o kinakailangang magkuwarantina dahil na-expose sa isang maysakit.

Karamihan din kasi ng mga manggagawa ay pinupuwersang mag-leave ng mga employer nang “no work, no pay”.

“Kailangang-kailangan talaga ‘yan ng mga manggagawa. Mas magiging panatag sila na pumaloob at sumunod sa health protocols na kailangan para mapigilan ang pagkalat ng virus.” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Sa naturang panukalang batas na prinsipal na sinulat ni Gabriela Rep. Arlene Brosas at kasamang nilagdaan ng iba pang kongresista ng makabayan, may kompensasyon ang mga manggagawa sa minimum na 14-araw na quarantine. Ang naturang kompensasyon ay 80 porsiyento ng buong sahod. Kung kaya makakakuha ang isang regular na minimum wage worker ng di-bababa sa P11,000 sa isang buwan.

Layunin din ng naturang panukalang batas na protektahan ang mga benepisyong natatanggap nila katulad ng sick leave at iba pa. Kukunin nito ang pondo na ire-reimburse ng mga employer mula sa savings na maitatabi sa pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Social Security System (SSS).

“Di na kailangan mamili ng manggagawa kung kalusugan o kabuhayan ang uunahin dahil pinatunayan ng makabayang representante na puwedeng tiyakin at tugunan nang sabay ang dalawa,” ani Labog.

Pero kakasumite pa lang ng naturang panukalang batas. Hindi pa ito nasasalang sa mga debate at pagdinig. Kung kaya nananawagan ang KMU sa mga unyon, asosasyon ng mga manggagawa at iba pang organisasyon na palakasin ang panawagan para sa paid pandemic leave at ipaglaban ang pagpasa nito bilang batas sa Kongreso.