Editoryal

Pambansang Kamao vs Du30?

July 6, 2021

Sa pagsisiwalat ni Pacquiao sa mga katiwalian sa rehimeng matagal niyang sinuportahan, posibleng mabaling siya sa oposisyon. Pero tatanggapin ba siya ng oposisyon?

Sa dinami-dami ng nangyari nitong nakaraang dalawang linggo – mula sa pagkamatay ni dating pangulong Noynoy Aquino hanggang pagbagsak ng C-130 na siyang pinakamalupit na aksidente sa ere sa kasaysayan ng Armed Forces of the Philippines – tila natabunan na ang dalawang malaking pangyayari. Una, ang pagsabi ni Pangulong Duterte na tatakbo siyang bise-presidente. Pangalawa, ang tila pagbaklas na ni Sen. Manny Pacquiao sa kampo ni Duterte.

Ang una, nakakagulat pa rin nang sinabi niya. Sa kabila ito ng pagkalat ng tsismis na itinutulak nga siya ng mga kapartido sa PDP-Laban na tumakbong bise para sa tambalang Duterte-Duterte. Tulad ng pagtakbo niyang bise-alkade sa Davao noong 2010, tinatarget na humalili sa kanyang puwesto ngayon ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte. 

Ang ikalawa, posibleng may kinalaman sa nauna. Noong Mayo, mistulang binastos si Pacquiao ng partidong dapat ay pinamumuan niya. Nagtipon ang konseho ng PDP-Laban sa patawag ng pangalawang tagapangulo nitong si Energy Sec. Alfonso Cusi. Binasbasan naman ni Duterte ang naturang pagtitipon. 

Bago umalis ng bansa para sa kanyang susunod na laban sa boksing, nagpatawag ng press conference si Pacquiao. Nauna na niyang binatikos ang administrasyon sa paglaganap umano ng korupsiyon sa kabila ng mga pangako ni Duterte noong tumatakbo pa lang ito. Sinagot ito ni Duterte sa kanyang lingguhang public appearance, at sinabing kung hindi mapapatunayan ni Pacquiao ang mga alegasyon ay mangangampanya siya laban sa boksingerong senador sa 2022. Pero tinanggap ng People’s Champ ang hamon: nagtukoy siya ng mga ahensiyang may mga alegasyon ng korupsiyon, tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, at iba pang ahensiya.

(UPDATE: Nitong Hulyo 9, dineklara ng kampo ni Paquiao na pinatalsik na nito si Cusi sa PDP-Laban dahil sa pag-endorso sa tambalang Duterte-Duterte sa 2022. -Ed.)

Tila kumakalas na nga si Pacquiao kay Duterte, sa kabila ng mga sinasabi niyang suportado pa niya ito. Hindi naman kaila sa publiko ang mga plano ng boksingerong pulitiko. Gusto niyang tumakbo sa mas mataas na puwesto sa 2022. Dalawa lang ito, siyempre, presidente o bise. At lumalabas ding kinokopo na muli ng mga Duterte ang dalawang posisyon bilang kandidato ng PDP-Laban. 

Malinaw na isa sa mga gameplan ng mga Duterte ang manatili sa poder sa kabila ng posibilidad na makasuhan o makulong ang matandang Duterte kung kalabang presidente ang sumunod sa kanya. Posibleng pinag-aalala rin nito ang imbestigasyon ng International Criminal Court sa pananagutan ng Pangulo sa malawakang pamamaslang sa ngalan ng giyera kontra droga.

 Paano ngayon lulugar si Pacquiao at ang mga ambisyon niya? Marahil, ang tingin sa kanya ng mga kakampo ni Duterte, hindi maaasahang mapoprotektahan sila kung mananalo ang boksingero sa pagkapangulo sa 2022. Hindi garantiyang magpapatuloy ang paghahari ng pangkating Duterte sa isang administrasyong pamumunuan ng isang presidenteng popular sa masa at hindi umasa sa poder para yumaman (Isa si Pacquiao sa pinakamayaman sa Kongreso, malinaw dahil sa pagboksing niya). 

Sa pagsisiwalat ni Pacquiao sa mga katiwalian sa rehimeng matagal niyang sinuportahan, posibleng mabaling siya sa oposisyon. Pero hindi rin tiyak, kundi malabo pa nga, ang puwesto niya sa isang oposisyon na naglalayong wakasan na ang paghahari ni Duterte. Ang problema lang ng oposisyon, wala itong malinaw na kakalaban sa nakaupong naghahari-harian sa 2022. Kung paniniwalaan ang pinakahuling mga sarbey, nangunguna si Sara Duterte sa pagkapangulo. Pero pumapangalawa at pumapangatlo sina Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno. Kapwa hindi malinaw na oposisyon ang dalawa.

Problemado ang oposisyon dahil ang pinakatanyag na mukha nito ay si Bise Pres. Leni Robredo, na kung paniniwalaan ang mga sarbey ay malayo pa sa ngayong manalo. Malayo rin si Sen. Grace Poe, na nagpahayag nang di na raw siya tatakbo. 

Matapos ang mga pagsiwalat ni Pacquiao sa korupsiyon sa administrasyong Duterte, agad na sumegunda ang mga progresibong oposisyon sa kanya. Tama lang na sinabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan na nasa tamang landas ang Pambansang Kamao sa pagsalita laban sa katiwalian sa gobyerno. Tamang hatakin ito patungo sa oposisyon. Posibleng mapagtanto rin ni Pacquiao na hindi siya dapat tumakbo sa mas mataas na katungkulan, at suportahan na lang ang kung sino man ang lumabas na kandidato ng oposisyon.

Kung mangyayari ito, tiyak na lalakas ang tsansa ng oposisyon na mawakasan na ang paghahari ng mga Duterte. Para sa mga progresibo, ito nga naman ang unang adyenda sa susunod na mga araw at buwan: ang palakasin ang hanay ng oposisyon para mapigilan ang pananatili ni Duterte sa poder at mapanagot na siya sa mga kasalanan niya sa mga mamamayan. 

PW Staff