Editoryal

Na-lockdown sa pagpapataw


Lagpas 500 araw nang naka-lockdown ang buong bansa ngunit hindi pa rin makaalpas-alpas sa pandemya. Klasipikasyon lang ng kuwarantina ang na-enhance, hindi ang tugon nito sa pandemya.

Isasailalim na naman ang kalakhan ng bansa sa mas mahigpit na kategorya ng lockdown.

“Circuit breaker” kung tawagin, ipapataw ang enhanced community quarantine mula Agosto 6 hanggang 20 sa Kamaynilaan at iba pang kalapit na mga probinsya. Ito, ayon sa mga eksperto na nagmungkahi sa anti-Covid-19 taskforce, ay upang maampat umano ang papataas na naman umanong bilang ng mga lokal na kaso ng Covid at ang community transmission ng Delta variant ng naturang virus.

Sa datos ng Department of Health, nasa 216 na ang tukoy na kaso sa bansa ng Delta variant. Nadiskubre ang naturang uri ng Covid-19 sa India at nananalasa na sa Indonesia, Thailand at Malaysia. Nagpatupad muli ng apat na linggong mahigpit na lockdown ang Australia mula Hulyo 28 hanggang Agosto 28 bunsod ng pagdami ng kaso sa kanilang bansa ng Delta variant.

Totoo ang banta ng Delta variant ng Covid-19 – mas mabilis makahawa ng ilang beses sa Alpha at Beta, halos walang litaw na sintomas ang nagtataglay nito, at higit na nakakapaminsala sa mga sistemang pangkalusugan ng tao lalo na sa mga hindi pa kumpleto ang bakuna kontra-Covid. Hindi natin ito dapat balewalain.

Subalit higit na totoo ang kainutilan ng kasalukuyang mga nagpapatakbo ng pamahalaan.

Lagpas 500 araw nang naka-lockdown ang buong bansa ngunit hindi pa rin makaalpas-alpas sa pandemya. Klasipikasyon lang ng kuwarantina ang na-enhance, hindi ang tugon nito sa pandemya.

Tila mala-roleta ang paraan sa pagpili ng anti-Covid taskforce sa kung ano ang ipapataw na kuwalipikasyon ng lockdown. Sa loob ng isa’t kalahating taon ng pandemya, hindi na kauna-unawa na sa tuwing tataas (o bababa) ang mga kaso ng Covid, ay papalit-palit lang ng kuwalipikasyon lang ang nagiging tugon – na hindi epektibo dahil sa kakulangan sa pagpapabilis ng pagbabakuna sa mamamayan, kawalan ng ayuda, mass testing at contact tracing.

Kung pagbabatayan ang Covid-19 Tracker ng Reuters, 19,359,927 ang nabakunahan (kasama sa bilang ang 1 beses pa lang nabakunahan). Lumalabas na 9% pa lamang ng kabuuang populasyon ng bansa ang nababakunahan kontra-Covid matapos ang anim na buwan. Tinatayang nasa 339,500 lang kada araw ang naibibigay na bakuna sa nakaraang linggo. Sa ganitong tantos, aabot pa ng lagpas 2 buwan bago maging 10% ng populasyon ang maging bakunado.

Sinabi mismo ni NEDA Sec. Karl Kua na sa bawat linggo ng ipinatupad na ECQ sa Kamaynilaan, tataas ng 177,000 ang bilang ng mahihirap at 444,000 naman ang mawawalan ng trabaho. Subalit hanggang ngayon ay salat na salat pa rin ang ayuda ng gobyerno sa mamamayan – lalo na sa mga manggagawa at ibang may kabuhayan – na naapektuhan ng pandemya.

Maaaring makatulong ang lockdown upang arestuhin ang pagkalat ng Covid-19. Subalit dapat malinaw na hindi nito masusugpo ang naturang virus.

Ilang beses nang sinasabi – mula pa noong unang buwan ng lockdown – mass testing, contact tracing at ayuda ang mga pangunahing tugon dapat ng gobyerno laban sa pandemya. Ngayon may bakuna na, ang pagpapabilis na mabakunahan ang mayorya ng populasyon. Ganoon lang sana kasimple kung aatupagin at gugustuhin ito ng administrasyong Duterte.

Katangahan ang katawagan kapag nakikita nang hindi epektibo ang mga pamamaraan para maresolbahan ang isang suliranin ngunit inuulit pa rin. Ngunit kapag inuulit-ulit ng mulat ang naturang katangahan, iyon ay kainutilan na. Ganito maisasalarawan ang mga nagpapatakbo ng anti-covid response sa pamahalaan.

Sagad sa kukote’t kaluluwa ang kanilang kainutilan dahil mas gusto nila kumita at gumanansya mula sa pondo kontra-Covid bilang paghahanda sa nalalapit na eleksiyon sa 2022 kaysa tiyakin ang pagpapalawak ng naaabot ng bakuna, pagbibigay ng tunay na nakasasapat na ayuda sa mamamayan at pagtitiyak ng maayos na sistemang pangkalusugan ng bansa.