Gintong taon ng pakikibaka


Bilang paggunita sa ika-limampung taon ng deklarasyon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., inilunsad ng mga biktima ng diktadura ang ML50 (Martial Law 50), isang kilusan para sa pampublikong impormasyon, edukasyon at pangkultura na magsisilbi ding ugnayan ng mga grupo at indibidwal laban sa disimpormasyon at pambabaluktot ng kasaysayan.

Gintong taon ng pakikibaka

Bilang paggunita sa ika-limampung taon ng deklarasyon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., inilunsad ng mga biktima ng diktadura ang ML50 (Martial Law 50), isang kilusan para sa pampublikong impormasyon, edukasyon at pangkultura na magsisilbi ding ugnayan ng mga grupo at indibidwal laban sa disimpormasyon at pambabaluktot ng kasaysayan.

Layunin ng kilusang ito na ipagpatuloy ang pagtinding at paglaban sa rebisa ng kasaysayan, labanan ang karahasan at diktadura, pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. 

Mula Hulyo hanggang Setyembre 2022, maglulunsad ang ML50 ng mga talakayan ng bayan, webinar, pagpapalabas ng pelikula, pagtatanghal ng sining at teatro, paglabas ng iba pang mga gamit para sa paglaban sa pagkalat ng maling impormasyon, at pag-alala, pagpapa-intindi at pagpapalawak ng pag-unawa sa kasaysayan at sa Martial Law.

Pinangunahan ang ML50 ng mga organisasyong pangkarapatang pantao at ng mga kilalang personalidad at biktima at lumaban sa Martial Law kabilang sina Bonifacio Ilagan, dating Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo, direktor Joel Lamangan, at dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo.

Larawan mula kay Gabo Pancho

“Ang pagmamarka ng ML50 ay hindi lamang revisiting the past. Ang pinaka mahalaga ay ang patuloy na pagtindig at paglaban, Labanan ang historical denialism, labanan ng historical deception, at ang kawalan ng accountability,” ani Taguiwalo sa paglulunsad ng ML50 sa Quezon City Sports Complex noong Hulyo 21.

Bukod sa mga beterano ng Martial Law, convenor rin ng ML50 si Propesor Francis Gealogo ng Advocates for Truth and History. Aniya, ang ML50 ay pagkilala rin sa “higit limampung taong kasaysayan ng kabayanihan ng pakikibaka ng maraming mamamayan na lumalaban sa mga batayang karapatan [ng mga mamamayan] laban sa awtoritaryanismo at diktadura.”

Para naman sa  human rights lawyer at convenor ng Manlaban sa EJK na si Atty. Edre Olalia, “Many do not know what really happened, we need to  educate and inform people. There’s a lot to undo and push back to prevent atrocities.”

Sa datos ng Human Rights Victims’ Claims Board, may mahigit 11,103 ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng diktadurang Marcos mula 1972 hanggang 1986.

“Ang aking pangarap na lamang  ay hindi dumating, ang panahon sa mga susunod na taon na atin na namang gunitain ang isa na namang limampung taon na paghahayop sa ating karapatan. Mangyayari lamang ‘yon kung lahat  tayo ay titindig sa katotohanan,” ani Lamangan.

Ibinahagi rin ng batikang direktor ang ang kahalagahan ng sining sa pagmumulat. Saksi siya sa “kawalangyaan ng diktadurang Marcos” at nakita niya sa panahon ng Batas Militar kung paano sinasalamin ng sining ang lahat ng “katarantaduhan ginawa ng rehimeng Marcos.”

“Dapat mamulat at magmulat ang lahat ng nasa sektor ng sining, literatura, dulaan at pelikula. Dapat magsilbi ang mga ito sa interes ng mga mamamayan at huwag makisali sa mga nagtatakip ng katotohanan,” ani Lamangan. 

Nababahala ang mga survivors ng Batas Militar, na maulit ang mga nangyari limampung taon na ang nakaraan at masayang ang lahat ng pinaghirapan sa pakikibaka, kaya hinihikayat ng mga ito na tumindig at lumaban ang bawat isa.

Mga larawan mula kay Gabo Pancho