Protestor hold placard calling for a living wage

2022 World Day for Decent Work: Gobyernong Marcos, hinamon sa ILO Decent Work Agenda

October 13, 2022

Nagsanib-puwersa ang Federation of Free Workers (FFW), Kilusang Mayo Uno (KMU) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa panawagan ng ILO Decent Work Agenda.

Suportado ni Bryan Balco,  ILO Country Office Project Manager sa Manila, ang panawagan ng mga manggagawa sa gobyernong Marcos para sa nakakabuhay na sahod, katiyakan sa trabaho at paggalang sa mga karapatan.

Ipinahayag ito sa pagtitipon ng tatlong malalaking sentro sa paggawa noong Oktubre 7, World Day for Decent Work, sa pambansang katedral ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa Maynila.

Nagsanib-puwersa ang Federation of Free Workers (FFW), Kilusang Mayo Uno (KMU) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa panawagan ng ILO Decent Work Agenda.

Ipinaliwanag ni Atty. Sonny Matula, pambansang tagapangulo ng FFW, ang pangangailangan ng family living wage para sa mga manggagawa. Sinipi niya ang datos ng National Economic Development Authority (NEDA) na kailangan ng limang-katao na pamilya ang di-bababa sa P42,000 kada buwan para mabuhay.

Idiniin naman ni Rep. Raymond Mendoza, kinatawan ng TUCP at Deputy Speaker ng House of Representatives, ang pagsasabatas ng Security of Tenure (SOT) Bill para sa mga manggagawa. Matatandang ibinasura ni dating Pangulong Duterte ang SOT Bill sa kabila ng pangakong wawakasan ang “Endo” o kontraktuwalisasyon.

Hamon ngayon sa gobyernong Marcos ang panawagan sa living wage na pambansang minimum na sahod, pagwawakas sa kontraktuwalisasyon, at paggalang sa mga karapatang manggagawa.

Tinukoy ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, ang mararahas na pagpatay at pag-atake sa mga lider-unyon at samahang manggagawa. 

Malinaw aniya ang mga paglabag sa ILO Convention 87 (Freedom of Association and Protection of the Right to Organise) at ILO Convention 98 (Right to Organise and Collective Bargaining).

Samantala, positibo ang pagtugon ng kinatawan ng ILO sa bansa sa pagkilala sa mga “informal workers” na inihapag ni Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Sang-ayon din ang ILO sa pagbibigay ng proteksyon sa mga migranteng manggagawa. Tugon ito sa batikos ni Arman Hernando, chairperson ng Migrante Philippines, sa nagpapatuloy na labor export ng Department of Migrant Workers ng administrasyong Marcos.

Nagsagawa ng protestang-rali sa tapat ng IFI sa Taft Ave., Manila ang mga nagtipong manggagawa pagkatapos ng talakayan.

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.