Hustisya para kay Jemboy


Umuwi ako at bumalik sa huling araw ng burol, Agosto 15. Isang humahagulgol na Lola Lisa ang sumalubong sa akin dahil umano hindi maayos na nakasuhan ang mga pulis na sangkot. Ipinaabot pa raw ‘di umano ng kanilang abogado na nakalaya na ang anim na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy.

Walang ibang nais ang pamilya ni Jherode “Jemboy” Baltazar kundi katarungan para sa sinapit ng 17 anyos na binata.

Namatay ang menor de edad sa kamay ng anim na pulis na walang habas siyang pinagbabaril habang nangingisda sa ilog ng Tullahan malapit sa kalsada ng Babanse sa Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas. Ayon sa ulat, inakala ng mga pulis na suspek sa isang krimen si Jemboy pero napag-alaman ding hindi talaga siya ang kanilang pakay.

Sa unang bisita ng Pinoy Weekly noong Agosto 12, Sabado, bakas pa ang pighati ng mga pamilyang naroon. Agad kong hinanap ang mga kamag-anak ni Jemboy para magpaabot ng pakikiramay at pagpapaalam ng trabaho ko bilang media.

Doon ko na nakilala ang ina ng biktima na si Rodalisa Baltazar, mga kapatid na sina Jessa at Geraldine at ang lola na si Lisa Tolentino. Agad kong nakilala si Jemboy sa kani-kanilang kuwento ng mga masasayang alaala at pait noong nalaman nila ang sinapit ng binata.

Ayon sa kanila, na siyang pinatotohanan rin ng mga nakausap kong kapitbahay, tahimik at seryoso si Jemboy. Nais niyang tumulong sa pamilya kaya nangingisda rin katulad ng kanyang ama na si Jessie. Pinangarap niya ring maging seaman at libutin ang mundo. Sayang lang at maagang tinapos ng mga pulis ang pangarap niyang iyon para sa sarili at sa pamilya.

Banta sa seguridad

Naikuwento pa ng pamilya ni Jemboy na may ilang kaanak ang mga pulis na sinusubukan silang bayaran kapalit ang pag-urong ng kaso sa anim na pulis.

“Kahit isang milyong piso pa po ilapag ninyo sa harap namin, ‘di po namin tatanggapin iyan hangga’t ‘di nabibigyan ng hustisya ang nangyari sa anak ko,” diin ni Rodalisa.

Napasandal na lamang si Rodalisa sa balikat ng kanyang ama matapos ang balitang hindi pa matibay ang kanilang kaso laban sa mga pulis na bumaril sa kanyang anak na si Jemboy, matapos dumalo sa pinakaunang hearing noong Agosto 15. Larawan ni Axell Swen Lumiguen.

Umuwi ako at bumalik sa huling araw ng burol, Agosto 15. Isang humahagulgol na Lola Lisa ang sumalubong sa akin dahil umano hindi maayos na nakasuhan ang mga pulis na sangkot. Ipinaabot pa raw ‘di umano ng kanilang abogado na nakalaya na ang anim na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy. Mababakas din sa mukha ni Rodalisa ang pagkadismaya at takot para sa kanilang seguridad.

Nilinaw naman ni Navotas Police Chief Allan Umipig at Brig. Gen. Rizalito Gapas, kasama ang ilang miyembro ng pulisya, na nakakulong pa rin ang mga ito matapos silang personal na pumunta sa parehong araw.

Maraming ipinagtapat si Rodalisa noong gabing iyon. Sa naunang ulat, nabanggit na tatlong oras na nakalubog si Jemboy sa ilog habang siya ay nasa ilalim ng bangka. Pinagbawalan pa umano ng mga pulis ang sinuman na makatungtong sa ilog. Ngunit kuwento ni Rodalisa, may isang kahina-hinalang lalaki na pinapasok sa crime scene at sinubukang taniman umano ng droga ang binata. Mabuti na lamang at napansin daw agad ito ng pamilya ni Jemboy kaya napaalis. 

Pamamaalam

Kinabukasan nito, Agosto 16—kasabay ng ikaanim na anibersaryo ng pagkamatay ng isa pang biktima ng extrajudicial killing (EJK) na si Kian delos Santos—nakatakda nang ihatid sa kanyang huling hantungan sa La Loma Cemetery sa Caloocan City ang mga labi ni Jemboy. Nagkaroon ng misa sa San Lorenzo Ruiz Parish Church sa Navotas kung saan inalala at ipinagdasal ng mga kamag-anak ang hustisyang nararapat para sa binata.

“Mga pulis, hindi kayo ang batas. Alagad lang kayo ng batas,” sabi ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David. Sinariwa rin ni David ang mga kabaluktutang ginawa ng pulisya sa ilalim ng administrasyong Duterte, sa pamamagitan ng Oplan Tokhang at giyera kontra-droga na kumitil sa tinatayang 12,000 buhay.

Idiniin din ni David na hindi ito isang kaso ng “reckless imprudence resulting to homicide” na naunang nakalagay sa dokumento ng kaso, kundi isang murder. Ito rin ang iginigiit ni Rodalisa at ng kanyang pamilya.

Sa paghahatid sa mga labi ni Jemboy sa La Loma Cemetery sa Caloocan City, tulong-tulong sa pagbuhat ng kabaong ni Jemboy ang pamilya at ilang mga kalalakihang dumalo sa kanyang libing sa La Loma Cemetery. Larawan ni Axell Swen Lumiguen.

Binagtas ng karo na lulan ang ataul ni Jemboy, mga sasakyan at ibang mga nakikiramay ang kahabaan ng C3 Road na nagdudugtong sa Navotas at Caloocan upang makarating sa La Loma. Natatanaw ko sa paglalakad na tumatangis si Rodalisa, at mabigat naman ang bawat hakbang ng ibang mga kaibigan ni Jemboy na sumama.

Tumanggi nang makipag-usap sa media ang pamilya pagkatapos. Habang nakasakay na ang ibang mga kamag-anak, isang umiiyak ni Lola Lisa ang pinakahuling umalis sa tabi ng masikip na nitso na pinaglagakan ng kabaong ni Jemboy.

“Bakit natin iniwan si Jemboy d’on mag-isa,” wika ni Lola Lisa habang pinapatahan ng ilan pa nilang mga kamag-anak.

Pagpapanagot

Sa kabila ng poot na dinulot ng kamatayan ni Jemboy, panggigipit ng ilang mga nasa kapangyarihan at panunuhol ng pamilya ng mga pulis, determinado ang pamilya Tolentino-Baltazar na mapanagot sa batas ang mga pulis na sangkot sa insidente.

Anim na taon na ang nakararaan, sa parehong buwan ng Agosto, laman ng balita ang pagpaslang ng pulisya kina Kian delos Santos, 17; Carl Arnaiz, 19; at Reynaldo “Kulot” de Guzman, 14.

Wala pa ring hustisya sa nangyaring pagpaslang kay Kian, habang hinatulan na ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang pulis na sangkot sa pagpatay sa magkaibigang Arnaiz at de Guzman. Ngayon, para sa pamilyang Tolentino-Baltazar, kasabay ng pangungulila kay Jemboy, tuloy-tuloy silang lalaban para sa hustisya.