Main Story

Dalawang taong pahirap ni Marcos Jr.


Nalalapit na ang ikatlong SONA ni Marcos Jr. Tiyak na marami na namang siyang ipagmamalaking nagawa kuno at mga huwad na pangakong sasabihin, ngunit mas kapansin-pansin at ramdam ng mga Pilipino ang pagpapatuloy ng pahirap niyang rehimen sa nagdaang dalawang taon.

Nakatakda na namang maglahad ng kanyang State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Hul. 22, habang patuloy ang mga kontra-mahirap, sakim at makadayuhang patakaran at programa ng kanyang administrasyon matapos ang ikalawang taon sa termino.

Nananatili ang mga kuwestiyonableng batas at patakaran. Sa mismong paghahanda pa lang sa kanyang SONA, tumataginting na P20 milyon agad ang gagastusin para lang ibida ang mga kasinungalingan, pangakong napako at dalawang taong pagpapahirap sa sambayanan.

Walang pagsulong na nakamit matapos ang ikalawang taon ni Marcos Jr. Litaw pa rin ang kapabayaan ng kanyang administrasyon sa pagresolba ng krisis sa pagkain, mababang sahod at mataas na presyo ng mga bilihin. Nananatiling subsob ang ating pambansang industriya na bakas sa pagdepende sa importasyon. 

Nakita rin ang unti-unting pagkapunit ng UniTeam na patunay ng pagkaganid ni Marcos Jr. at ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte sa kapangyarihan. Idagdag pa ang patuloy na pagkiling ni Marcos Jr. sa United States (US), ni Duterte sa China, at ang panganib na dala ng pangangayupapa ng Pilipinas sa dalawang imperyalistang bansa.

Bilang pagbabalik-tanaw bago ang kanyang ikatlong SONA, sinuri ng Pinoy Weekly ang mga isyu at patakarang pinairal ng gobyernong Marcos Jr. sa nagdaang dalawang taon.

ni Trisha Anne Nabor

Pinapairal pa rin ng gobyerno ang Rice Tariffication Law (RTL) na nagpalawak sa importasyon sa bigas sa kabila ng panawagan ng mga magsasaka at iba pang manggagawa sa agrikultura para sa pagpapalawig ng suporta sa lokal na produksiyon. Sa ikalawang sunod na taon, walang P20 kada kilo ng bigas na nakita taliwas sa ipinangako ni Marcos Jr. noong kampanya.

Sa halip, nakapako pa rin sa P51 kada kilo ang karaniwang presyo ng bigas, ayon sa datos ng Department of Agriculture nitong Hunyo.

Aabot na sa 4.7 milyong metriko tonelada ang inaasahang iaangkat na bigas mula sa 3.1 milyong metriko tonelada noong 2019, ayon sa US Department of Agriculture (USDA). Pinalala pa ito ng Executive Order 62 na nagpababa sa taripa ng bigas sa 15% mula 35%.

Sa taya ng independent think tank na Ibon Foundation, nasa 7 milyong Pilipino ang walang trabaho nitong Abril. Nasa 20 milyon naman ang mga self-employed, magsasaka, nagtatrabaho sa negosyo ng mga pamilya at namamasukan bilang katulong.

Gaya sa taktika niya noong nakaraang SONA kung saan itinaas niya ang minimum na sahod ng P40 mula P570 patungong P610, muling isinapubliko ang panibago pero insultong P35 dagdag-sahod na mag-aangat nito sa P645 para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region.

Sa ikalimang taon ng Rice Tariffication Law noong Peb. 14, 2024, kinondena ng mga magbubukid ang pahirap na hatid nito sa mga magsasaka ng palay at konsyumer dahil sa patuloy na pambabarat sa presyo ng lokal na bigas at mataas na presyo ng bigas sa merkado. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Malayo pa rin ito sa hiling ng mga obrero na gawing P750 ang minimum na sahod at halos dalawang beses na mas mababa sa tinaya ng Ibon na nakabubuhay na sahod na P1,190 nitong Hunyo.

Dulot ng implasyon ang nasabing mababang halaga ng sahod. Bagaman bumaba ang tantos ng implasyon sa bansa ng 3.58% mula sa 5.98% ng nakaraang taon, muli namang nagbabalik ang pagbagal ng produksiyon sa bansa.

Nasa 5.7% ang paglago ng gross domestic product sa unang kuwarto ng 2024. Mababa ito kung ikukumpara sa 8.1% ng unang kuwarto ng 2022 at 6.4% noong 2023.

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis na nagpapahirap lalo sa mga tsuper. Tumaas ng P9.30 kada litro ang presyo ng gasolina, P7.60 ang itinaas ng diesel at P6.10 sa kerosene matapos ang isang taon mula ng ikalawang SONA ni Marcos Jr.

Pinipilit pa rin ni Marcos Jr. ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa kabila ng mariing pagtutol ng mga opereytor, tsuper at komyuter. Unti-unting inaalis sa mga lansangan ang mga tradisyonal na jeepney at pinapapalitan ng mga modernong yunit ang mga sumailalim sa konsolidasyon.

Sa nakaraang konsultasyon ng Tanggal Pasada Network, sinabi ng mga tsuper na nababaon ngayon sa utang ang mga nagpakonsolida. Nasa P2 milyon hanggang P3 milyon ang hinihinging kapital para sa modernong yunit ng jeepney.

Ilan lang ang RTL at PUVMP sa mga programa ng rehimeng Marcos Jr. para kuno sa mga mamamayan. Ngunit kung tutuusin, tanging mga oligarko at negosyante lang ang nakikinabang sa mga ito habang patuloy na nahihirapan ang mga mamamayang Pilipino.

ni Christine Guardiano

Nasa pinakamasahol ang pampolitikang kalagayan ang bansa sa ilalim ng ikalawang taon ng administrasyong Marcos Jr., mas masahol pa sa tiranikong pamumuno ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.

Ayon sa Ibon, tatak Marcos ang pagpapatuloy ni Marcos Jr. sa bihis ng nagkukunwari at kaiga-igayang anak ng diktador at pamilya ng magnanakaw. May pagtatangka rin ang dalawang dinastiya na magpakita ng pagkakaisa hanggang sa tuluyang mabuwag ito.

Magkaiba man ang sagot nina Marcos Jr. at Sara Duterte kapag tinatanong tungkol sa estado ng kanilang UniTeam, malinaw na tuluyan na ang biyakan. Ayon sa Ibon, nabuwag ang pagkakaisang ito dahil magkasing-sahol sila.

Patunay sa lamat ang lantarang palitan ng paratang nina dating Pangulong Duterte at Marcos Jr. sa harap ng publiko tungkol sa paggamit ng droga. 

Tila nagsimula ang hidwaan nang magpahiwatig si Marcos Jr. noong nakaraang taon na bubuksan ang bansa para sa patuloy na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity ni Duterte kaugnay ng giyera kontra dorga.

Agad ding binawi ito ni Marcos Jr. nang magbukas ang taon at sinabing hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.

Sa kabilang banda, malaya na ang kritiko ng nakaraang administrasyon at ng giyera kontra droga ni Duterte na si Leila de Lima at nangako ng kooperasyon sa patuloy na imbestigasyon ng ICC.

Pangunahing tampok sa pagkilos ng mamamayan sa anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA noong Peb. 25, 2024 ang pagtutol sa Charter change na lalong magbubukas sa ekomomiya sa mga dayuhan at pagpapanatili sa poder ng pangkating Marcos. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Patuloy naman ang pagtugis sa lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy, na siya ring may-ari ng media outfit na maka-Duterte na SMNI dahil sa kaso ng human trafficking at sexual at child abuse. Sinabi rin ng nakatatandang Duterte na alam niya kung nasaan ang kaibigan pero hindi niya umano sasabihin.

Malinaw naman ang pagtutol ni Sara sa Charter change (Cha-cha) ni Marcos Jr. na magbibigay sa junior ng diktador ng term extension.

“Lantad naman kasi na term extension at pangungunyapit sa poder lang ang totoong intensyon ng kampo ni [Marcos Jr.] sa pagsusulong ng Cha-cha,” suri ng Ibon.

Sa dulo, nagbitiw si Sara bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at kalihim ng Department of Education (DepEd). Sa pag-alis niya sa gabinete, itinalaga siya ng kanyang mga kaalyado bilang lider umano ng oposisyon.

Sa nalalapit na eleksiyon sa 2025, tatlong Duterte na ang nag-anunsiyo ng pagtakbo nila sa Senado, kahit itinaggi ito ng nakatatandang Duterte. Handa na rin ang kampo ng Marcos-Romualdez sa alyansa sa pagitan ng Patrido Federal ng Pilipinas at Lakas-Christian Muslim Democrats.

Ayon kay Romualdez, isa sa konsiderasyon ng alyansa sa mga tatakbo sa halalan sa 2025 ang pagpabor ng kandidato sa Cha-cha.

“Maraming konsiderasyon pero iniiwan na namin ito sa kolektibong karunungan ng alyansa. Isa ‘yan sa konsiderasyon [na pabor sa Cha-cha],” sabi ni Romualdez.

Ayon sa Ibon, nasa modang eleksiyon man ang mga naghaharing paksyon, hindi pa rin nabubura sa isip ng mga mamamayan ang mga naranasan noong eleksiyong 2022 na dumulo sa pagkakaluklok muli ng isa pang Marcos sa Malacañang. 

“Malawakang dayaan, nakawan at bilihan ng boto, disimpormasyon at panlilinlang, pagtanggal ng karapatang bumoto, paglabag sa karapatang pantao, at marami pang kahindik-hindik na karanasan,” pag-iisa-isa ng Ibon.

ni Michael Beltran

Nitong Araw ng Kalayaan, sumabay ang paglabas ng ulat ng Reuters na nagpakawala ang US ng isang sikretong kampanya sa social media noong Covid-19 lockdown para siraan ang China at ang kanilang bakuna.

Sa kahit anong bayan sa daigdig, maaaring ituring ito bilang isang lantarang hakbang ng agresyon, o masahol pa, aksiyong dudulo sa giyera. Pero sa gobyernong Marcos Jr., tila hindi malaking usapin. Walang imbestigasyon sa Kongreso o anumang ahensiya at walang sinumang opisyal ng administrasyon ang nagpahiwatig man lang ng gulat o pagkondena.

Sa mahabang panahon, madalas itinuturing ng mga opisyal ng Pilipinas ang US bilang alyado. Pero tila mas malaki namang ganansiya ang nakukuha ng Amerika sa atin, kaysa tayo sa kanila. Kaibigan nga ba ang tumitira habang tayo’y nakatalikod?

Sa parehong araw, sinabi ni Marcos Jr. na “ang ating ugnayang panlabas ay nakabatay sa nagpapatuloy na pagkamit ng kalayaan at pambansang interes.”

Sa pagtingin ng Center for People’s Empowerment in Governance (Cenpeg), “Sinasadyang itago ang panghihimasok at pagdidikta ng Amerika sa polisiya ng Pilipinas sa loob ng pamahalaan.”

Panay meeting sa Washington, panibagong kasunduan sa kalakalan, military exercises at pagpaparami ng base ng Amerika sa Pilipinas ang nagmarka sa unang hati ng taon ni Marcos Jr. sa poder.

(Mula sa kaliwa) Sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., US President Joe Biden at Japan Prime Minister Fumio Kishida sa isang trlateral meeting sa White House noong Abril 11, 2024 para pag-usapan ang lalong militarisasyon ng Asya-Pasipiko. White House

Kakampi umano ng Pilipino, pero postura ng Washington ang napansin ng marami sa kamakailang talumpati ng pangulo sa Shangri-la Dialogue sa Singapore. Sa harapan ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa daigdig, sinabi niyang susi raw ang US sa “kapayapaan sa rehiyon.”

Ayon kay Scott Ritter, eksperto sa kasaysayang pangmilitar ng US, “isang kasangkapan lamang” ang Pilipinas para sa gobyerno ng Amerika. At kapag kapag wala nang silbi, itatapon na lang basta-basta.

Dagdag pa niya, nasa pagitan ng kung “sino ang pinakamaraming maloloko” ang kompetisyon ng daigdig. Ang US, madalas na sinisisi ang China dito, kahit parehas lang naman silang may sala.

May mahabang kasaysayan ng pagiging kaibigan at tagasunod ang pamilyang Marcos sa US. Noong mapalayas si Marcos Sr. noong EDSA People Power, sa Hawaii pinatuloy ang buong pamilya. Noong nanalo si Marcos Jr., pinawalambisa ang mga iba pang krimen ng pamilya sa US.

Ayon kay Propesor Michael Pante, eksperto sa kasaysayan, noong Martial Law, “patay malisya ang US sa lahat ng paglabag sa karapatang pantao at pangungurakot.” At kay Marcos Jr. naman, mukhang walang nagbago.

Amerika ang may gusto ng giyera, at kung iyon ang gusto nila, magiging masugid na tagasunod naman raw itong si Marcos Jr., dagdag ni Pante.

Sa sarbey ng Octa Research na lumabas ngayong buwan, lumalabas na 76% ng mga Pilipino ang naniniwalang China ang pangunahing banta sa bansa.

Banta man ang China, ano pa ang Amerika kung siya’y pasikterong nanghihimasok sa bansa, amo ng pangulo at ang mas maraming armas na nilalagak sa mga kampo?

Para sa Cenpeg, para makaiwas sa giyera, dapat huwag sundan ang payo ng US. Hindi giyera ang solusyon. 

“Marami pang ‘di nasusubukang mga daan sa diplomasya, mga mapanlikhang paraan para ibaba ang tensiyon habang naglalatag ng pangmatagalang solusyon na sadyang likas na kumakain ng maraming panahon. Hindi simpleng bagay ang pagtatagpo ng politika ng dalawang bayan.”