Sa ngalan ng paghahanap


Tanghali na ng araw na iyon nang mataggap ng pamilya Lariosa ang balitang dinukot si William sa tinutuluyang bahay sa Bukidnon. Bago iyon, nakatanggap pa ang panganay na anak na si Marklen ng text mula sa ama: “Nak, kumusta? Tatawag ako mamaya.”

Hindi naman talaga gumagamit ng cellphone si Rosiele Lariosa. Natural, hindi rin naman niya kailangan. Doon sa kanila sa Monkayo, Davao de Oro, magkakatabi lang ang tirahan ng kanyang mga kamag-anak. Puwedeng katukin ang pinto ng bahay ng kanyang kapatid, tiyuhin, tiyahin at pinsan kung sakaling may sadya. 

Hindi na rin niya kailangan ng iba pang libangan. Abala na siya sa kanilang karinderya at pag-aasikaso sa kanyang tatlong anak, lalo sa bunsong nasa huling taon na sa kolehiyo.

Tahimik at matiwasay, kung hindi pa pagmamalabis, puwedeng sabihin na kaiga-igaya ang buhay nila sa Davao de Oro.

Pero noon ‘yon. Ngayon, may smartphone na ang 53 taong gulang at tila palaging may hinihintay na tawag, text o kung anumang balita.

“Nag-cellphone lang naman ako dahil sa mga pangyayari kay William,” sabi ni Rosiele.

Tinutukoy niya ang asawang si William Lariosa, isang beteranong organisador ng mga manggagawa na dinukot ng 48th Infantry Batallion ng Philippine Army (IBPA) noong Abril 10 at hanggang ngayo’y hindi pa rin inililitaw.

Umaasa si Rosiele na anumang oras ngayon makatatanggap siya ng impormasyong makapagtuturo sa kinaroroonan ng asawa.

Organisador na si Undo, palayaw ni William, bago pa sila magkakilala ni Rosiele. Nakatutok siya sa programang pangkalusugan sa rehiyon ng non-government organization na Center for Community Health Services.

Kahit ikinasal noong 1993 at nagkaroon ng sariling pamilya kalaunan, nagpatuloy pa rin siya sa pagkilos para sa interes ng mamamayan. Higit lalo noong lumipat sa Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) noong 1996.

Ani Rosiele, buong puso niyang tinanggap ang trabaho ni William. Bilang dati ring organisador ng mga magbubukid sa ilalim ng progresibong grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, naiintindihan niya ang mga prinsipyong mahigpit na pinaghahawakan ng asawa.

Halos ganito rin ang pahayag ni Marklen Lariosa, panganay nina William at Rosiele. Hinahangaan niya umano ang ama sa seryosong paglilingkod sa bayan, partikular sa sektor ng mga manggagawa. Kaya nang magtapos sa kolehiyo, sinundan niya ang tinahak ng ama sa pagtuturo sa mga paaralang Lumad.

“Sa kasamaang palad, naging target [ang mga eskuwelahang Lumad] ng mga elemento ng estado o mismong estado talaga ang nagpahinto sa mga paaralan. Kaya after na mawala ‘yong Lumad schools, ako rin nahinto sa pagserbisyo,” kuwento ni Marklen na ngayo’y pana-panahong gumagampan ng mga gawain sa KMU-SMR.

Para naman kay Reny Boy Baliguat, kasama ni William sa organisasyon, masipag sa pag-oorganisa si William. Kakaiba raw ang pokus nito kapag organisasyon at kapakanan ng mga manggagawa na ang napag-uusapan. 

Hindi kataka-taka, kung gayon, bakit pinuntirya ng mga militar ang batikang organisador.

“Kung ikaw ay isang indibidwal na nagsusulong ng interes ng manggagawa, ire-red-tag ka talaga so subject to abduction, patayin ka. ‘Yon naman ang kasalukuyang nangyayari sa lipunan,” sabi ni Marklen.

Bago pa damputin ng 48th IBPA si William, makailang ulit nang binabalik-balikan ng nagpapakilalang mga miyembro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang pamilyang Lariosa.

Isang hapon noong Hunyo 2022, may Toyota Hiace ang pumarada malapit sa kanilang bahay. Apat na taong nakasibilyan ang lumabas sa van. Ang isa, nagpakilala pang dating miyembro ng New People’s Army (NPA). Sabi nito, at pinagpipilitan pa, miyembro rin daw ng makakaliwang armadong grupo si William. Matagal na nilang hinahanap ito at kung makita ay dadakpin o papatayin.

Giit naman ni Rosiele, absurdo ang naturang paratang. Masigasig na organisador ang kanyang asawa at hindi armado. Kapag umuuwi ito sa kanila, bag at pasalubong na pagkain o damit ang bitbit nito at hindi baril.

Patuloy ang paghahanap nina Marklen, panganay na anak, at Rosiele, asawa, sa nawawala nilang mahal sa buhay na si William Lariosa na dinukot sa Bukidnon noong Abril 10, 2024. Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

“Sabi pa nga [ng NTF-Elcac], araw-gabi [ay] may taong nagmo-monitor sa mga kilos namin sa bahay namin para lang daw makuha ‘yong Papa ko,” sabi ni Marklen. 

Noong Oktubre at Nobyembre 2023, bumalik ang mga elemento ng estado sa bahay ng mga Lariosa. Hinahanap pa rin si William. Inatasan silang pamilya na kumbinsihin ang haligi ng kanilang ng tahanan na sumuko sa mga awtoridad, kung hindi pati sila’y madadamay.

Hindi na nakakauwi sa sariling bahay si William simula noon. Nagpalipat-lipat siya ng tinutuluyan habang patuloy na nag-oorganisa sa mga manggagawang pinagkakaitan ng nakabubuhay na sahod, trabaho at karapatan.

Sa mga kuwentong narinig ni Marklen mula sa ama at kasamahan nito, walang puknat din umano ang paniniktik at harassment ng mga elemento ng estado sa mga organisador sa rehiyon. May pagkakataong nakituloy si William sa bahay ng kanyang kaibigan pero napilitan ding umalis matapos ang ilang buwan dahil sa banta sa seguridad.

Kalaunan, nakahanap ng santuwaryo si William sa Brgy. Butong sa bayan ng Quezon, Bukidnon. Naglagi siya roon, sa piling ng mga manggagawa ng tubuhan at pinyahan.

Umaga ng Abril 10, niyayang mangisda si William ng kanyang kaibigan na may-ari rin ng tinutuluyang bahay sa Bukidnon. 

“Uban ta? (Sama ka sa’kin?)” tanong ng kaibigan ni William. Humindi ang batikang organisador at nagpaiwan sa bahay.

Sa umaga rin ng araw na iyon, sa kabilang komunidad, may engkuwentro umano sa pagitan ng NPA at mga pinagsamang puwersa ng 48th IBPA, 1003rd Infantry Brigade at Quezon Municipal Police (QMP). Matapos ang putukan, nagbahay-bahay at ginambala ng mga naturang pinagsamang puwersa ang kalapit na mga komunidad.

Ayon sa mga kapitbahay ni William, pinalibutan agad ng mga sundalo at sibilyang nakasuot ng full head cover mask ang bahay ng lider-manggagawa nang malamang nandoon siya.

Apat na tao raw ang pumasok sa loob ng bahay. Tinakpan ng mga ito ang ulo ni William gamit ang jacket at ang isa’y inipit pa ang ulo ni William gamit ang braso.

“Nandito ka pala. Matagal ka na naminig hinahanap,” sabi ng mga dumukot sa Binisaya, ayon sa kuwento ng mga kapitbahay.

Isinakay si William sa puting Toyota Innova na walang license plate number. Para sa mga kapitbahay, kaduda-duda iyon gayong naroon din ang sasakyan ng mga sundalo.

Samantala, tanghali na ng araw na iyon nang mataggap ng pamilya Lariosa ang balitang dinukot si William. Bago iyon, nakatanggap pa si Marklen ng text mula sa ama: “Nak, kumusta? Tatawag ako mamaya.”

Bantay-sarado ng militar ang erya kung saan dinukot si William. Bigong makapasok dito kinabukasan ang pamilya ng lider-manggagawa at ang quick response team na binuo para inisyal na mag-imbestiga sa pangyayari.

Pero sa sumunod na mga linggo at buwan, nagpunta sa iba’t ibang kampo at istasyon ang pamilyang Lariosa at tagasuporta nila para hanapin si William.

Kabilang sa mga pinuntahan nila ang mga kampo ng 48th IBPA sa Maramag, Bukidnon; 1003rd IB sa Malagos, Davao City; Eastern Mindanao Command sa Palacan, Davao City; at himpilan ng QMP sa Quezon, Bukidnon. Iisa ang tugon sa kanila ng mga militar: Wala roon si William.

Sinadya ng mga tanggol-karapatan at iba pang grupo ang kampo ng 48th Infantry Battalion sa Maramag, Bukidnon para hanapin ang nawawalang beteranong organisador na si William Lariosa. Surface William Lariosa/Facebook

Tinakot din sila sa loob ng mga kampo at istasyon. Ang dami pang paligoy ng mga sundalo at pulis bago sagutan ang anti-desaparecido form na bitbit ng mga naghahanap. Umaabot ng mahigit isang oras ang paliwanagan para sa mumunting dokumento.

“Sabi namin, ‘Sige, kung wala man dito, magpirma na lang kayo sa form. Kung nandito rin sa inyo, pirmahan niyo ‘to,’” ani Rosiele.

Naghain din ng petisyon para sa writ of habeas corpus ang pamilya ni William. Pero tinanggihan ito ng Bukidnon Regional Trial Court Branch 8 sa Malaybalay City dahil kulang umano sa ebidensiya.

Ang writ of habeas corpus ay isang legal na paraan para maiharap sa korte ang sinumang nawawala o pinaghihinalaang dinukot o inaresto nang walang warrant.

Naghain naman sila kalaunan ng petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data sa Court of Appeals sa Cagayan de Oro City pero binasura ulit dahil sa kakulangan pa rin ng ebidensiya sa kabila ng mga testimonya ng mga saksi at iba pang nagpapatunay sa pagdukot.

Magbibigay sana ng proteksiyon at karampatang impormasyon sa pamilya ang mga writ of amparo at habeas data.

“Masama ‘yong loob namin [sa desisyon]. Pinagmukha pang kami ‘yong may kakulangan,” ani Marklen. 

Maglilimang buwan na simula nang sapilitang iwinala si William. Sa kabila nito, tigib ng pag-asa ang kanyang pamilya at tagasuporta na mahahanap siya. Malakas ang kampanya ng sambayanan para kanyang paglitaw at magpapatuloy pa rin ang legal na laban sa mas mataas na korte.

Sa Davao Region, minamarkahan bilang araw ng protesta ang ika-10 ng bawat buwan simula noong dinukot si William. Dinadala rin ng sentrong unyon ng KMU ang kampanya sa mas malalaking entablado sa loob at labas ng bansa tulad sa komperensiya kamaikailan ng International Labour Organization.

Sabi ni Reny Boy, dapat itigil na ang ganitong karahasan sa hanay ng mga organisador dahil malinaw na paglabag ito sa kalayaan at karapatan ng mga manggagawa. Nakatala umano sa Labor Code ng bansa at iba pang pandaigdigang pamantayan na dapat malayang nakapag-uunyon at nakapag-oorganisa ang mga manggagawa.

“Sana hindi [na ito] mangyari sa iba pa na patuloy pa ngayong kumikilos katulad ni William,” sabi ni Rosiele, may halong galit at pag-aalala, sa gitna ng paghihintay ng kung anumang mensahe sa cellphone.