Talasalitaan

Kasunduang militar


Bakit nais ng Amerika ang mga kasunduang militar sa Pilipinas?

Kasunduang militar – Isang tratado o kasunduan upang panatilihin ng isang imperyalistang bansa ang kanilang presensiyang militar sa isang malakolonyang bansa para tiyakin ang interes at impluwensiya nito sa politika at ekonomiya.

Pumasok ang Pilipinas sa maraming kasunduan sa imperyalistang United States (US) tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong 2014 para umano palakasin ang seguridad ng relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa ilalim ng EDCA, pinahintulutan ng gobyerno ng Pilipinas ang militar ng US na magtayo ng kanilang sariling mga estruktura sa mga napagkasunduang lokasyon sa loob ng mga kampo militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinapayagan din ang mas madalas na mga ehersisyong militar, pagdaong ng hukbong dagat ng US at iba pang mga operasyon, at pagbibigay sa tropa ng US ng tuwirang superbisyon sa espesyal na puwersang pulis sa pagsasagawa ng operasyon.

Ang EDCA din ay para sa pananatili ng dagdag na bilang ng mga sundalong Amerikano, pag-iimbak at pagpuwesto (pre-positioning) ng mga kagamitang pandigma.

Ito ang kauna-unahang kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas matapos palayasin ng mamamayang Pilipino ang mga baseng militar ng mga Amerkano sa Subic at Olongapo noong 1992.

Maliban sa EDCA, nariyan din ang 1947 Military Assistance Agreement na nagtakda sa kontrol ng US sa lokal na AFP sa pamamagitan ng Joint US Military Group o JUSMAG. Ang JUSMAG ang tagapayo at tagapagsanay sa AFP.

Pinalawig naman ng 1951 Mutual Defense Treaty ang legal na karapatan ng imperyalistang US na arbitraryong makapanghimasok sa mga usaping panloob ng Pilipinas.

Nagbibigay-laya ang 1992 Acquisition and Cross-Servicing Agreement sa mga tropang Amerikano na pumasok at gumamit ng anumang pasilidad saan mang dako ng kapuluan at kailanman nila naisin.

Pinahihintulutan ng 1998 Visiting Forces Agreement (VFA) ang mga puwersang militar ng US, gaano man kalaki, na gumamit ng anumang bahagi at pasilidad, pagkukunan ng suplay anumang oras at gaano man katagal, nang hindi sinasaklaw ng hurisdiksyon ng mga korte sa Pilipinas.

Tinitiyak din sa VFA ang pagsasanay militar sa pagitan ng mga tropa ng AFP ang katapatan sa mga interes ng US at pagpapatibay ng mga estratehiyang kontra-insurhensya.

Pinahihintulutan ng 2002 Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) ang US na gamitin at magtiyak na maseserbisyuhan sa lahat ng ating daungan ang kanilang mga barkong pandigma, eroplano, armoured personnel carrier, submarino, trak at iba pa at mga pasilidad militar sa buong bansa para sa mga hayag at lihim na aktibidad gaya ng mga pagsasanay at ehersisyong militar, operasyon at pagpapadala ng tropa.

Bakit nais ng Amerika ang mga kasunduang militar sa Pilipinas?

Bilang naghaharing imperyalistang bansa sa mundo, kailangang panatilihin at palawakin ng US ang kanyang teritoryo sa buong mundo upang ang kanyang mga monoplyo kapitalista’y higit pang makapagkamal ng yaman at kapangyarihan.

Sa pamamagitan ng malakas na presensiyang militar, layunin din ng US na protektahan at isulong ang kanyang mga negosyo, manghimasok sa ibang bansa para buksan ang mga merkado at pakinabangan ang likas-yaman at murang lakas-paggawa, at maibenta ang kanyang mga produktong armas at gamit pandigma.

Sa kabuuan, nakakiling sa mga dayuhan ang mga benepisyo at ganansiya ng mga hindi pantay na kasunduan tulad ng EDCA. Kapalit nito ang pananamantala sa rekurso, komunidad at mamamayang Pilipino.

Sa VFA, lumilitaw na sistematikong pananamantala at panghihimasok ng US, partikular sa kanilang paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Kasama na dito ang pagpatay kay Jennifer Laude ng sundalong Amerikanong si Joseph Scott Pemberton noong 2014 at panggagahasa kay alyas Nicole ng tatlong sundalong Amerikanong sina Dominic Duplantis, Keith Silkwood, and Daniel Smith noong 2005.

Noong nakaraang taon, pinahintulutan ni Marcos Jr. ang pagkakaroon ng akses ang US sa karagdagang apat na base militar ng Pilipinas. Pumasok sa hindi pantay na tratado ang ating pamahalaan upang maisulong ang kanilang pansariling interes at makatanggap ng milyong dolyar na military assistance mula sa Amerika.

Tahasang isinuko ng Pilipinas ang ating teritoryo sa Amerika at pinahintulutan na gamitin ang buong bansa bilang base militar at gawing lunsaran ng giyera ng US. 

Sa mga tratadong ito lalo pang lumulubha ang katayuan ng Pilipinas bilang bansang malakolonya ng US na walang tunay na kalayaan at kasarinlan.

Ngunit hindi dapat nananatiling sunud-sunuran ang ating bansa sa mga pang-aabuso at karahasan ng US. Ang pagkakaroon ng tratado tulad ng EDCA, VFA at iba pa’y patuloy na nanghahamak sa ating soberenya. 

Direkta rin makikialam ang tropang militar ng US sa pagsugpo ng mga kilusang makabayan at anti-imperyalista sa buong rehiyon. Titindi rin ang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao lalo na sa mga lugar kung saan may aktibong paglaban sa imperyalistang pandarambong sa ating likas-yaman.

Walang puwang ang mga kasunduan sa US kung tayo’y kinukubabawan ng mga pang-aabuso, pagsasamantala at pagpapayaman ng mga dayuhang monopolyo kapitalista na magpapahirap sa masang Pilipino.