Karapatang Pantao

Lahat nakaturo kay Duterte

Sa imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara sa mga patayan noong panahon ni Rodrigo Duterte sa poder, sinariwa ang nangyari sa mga biktima ng pamamaslang kaugnay ng ilegal na droga at politika.

“Taong 2020 iyon, four years ago, pero ni isang imbestigasyon, walang ginawa ang mga pulis,” hinaing ni Lean Porquia, anak ng martial law survivor, Bayan Muna Partylist-Iloilo City coordinator at biktima ng pamamaslang na si Jory Porquia, sa kawalang aksiyon ng mga awtoridad sa kaso ng ama.

Kasagsagan ng pandemya noon. Mapayapang nag-aasikaso sa kanilang community kitchen sa Iloilo City si Jory, sampu ng iba niyang mga kasamahang aktibista.

Pero habang nagkakape bandang alas-singko ng umaga ng Abril 30, 2020 sa harap ng kanilang bahay sa distrito ng Villa de Arevalo, pinaulanan siya ng 14 na bala ayon sa autopsy ng kanyang mga labi.

Pinaratangan pa ng mga awtoridad ang pamilya na walang interes na mapaimbestigahan ang kaso ng kanilang ama na mariin nilang pinabulaanan.

“Kami na ‘yong biktima, kami pa ba ‘yong magmamakaawa sa inyo na tulungan kami, o dahil pulis kayo, kayo dapat ang lumapit para asikasuhin ‘yong kaso,” sabi ni Lean.

Ganito rin ang hinaing ni Salvacion Ramos, ina ni Cristeta Ramos, isang biktima ng giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pinatay noong Peb. 18, 2017.

Kuwento niya, kasama sa drug watchlist ang anak at sumuko rin ito sa operasyong Tokhang, isang bahagi ng Oplan Double Barrel, upang ituwid ang buhay nitong sinukol ng droga.

Ngunit apat na lalaking nakamaskara ang kumaladkad palabas sa anak niya mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay upang barilin ng tatlong beses sa ulo. Matapos ang insidente, nakahandusay sa sahig at may tanim na droga na sa tabi ng labi ng 34 anyos na anak ni Salvacion.

Ang pagpatay kina Jory at Cristeta, nangyari habang nasa kapangyarihan si Duterte, kasama ang mga alipores niyang nagpairal ng sistematikong patayan sa giyera kontra droga na nagresulta sa mahabang listahan ng extrajudicial killing (EJK)

Sa mga talumpati ni Duterte bago pa man siya maupo noong 2016, malinaw ang kanyang hangarin: linisin ang problema sa droga, kahit gamitan pa ng dahas. “Patayin na ‘yang mga adik na ‘yan,” aniya sa isang pahayag.

Sa imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara sa mga patayan noong panahon ni Duterte sa poder, sinariwa ang nangyari sa mga biktima ng pamamaslang kaugnay ng ilegal na droga at politika. Tinatayang aabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang mga biktima ayon sa tala ng human rights watchdog na Karapatan.

Binubuo ang Quad Committee ng apat na regular na komite ng Kamara: Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights at Public Accounts.

Sa pinakahuling pagdining ng Quad Committee noong Okt. 22, hindi sumipot si Duterte dahil umano masama ang pakiramdam kahit pinaabutan nang maagang imbitasyon.

Sa kabila nito, may naisiwalat pa rin mula sa imbestigasyon mula sa pagsasalita ng dating Cebu City Police Chief na si Royina Garma.

Ayon sa abogado ng mga biktima ng EJK na si Kristina Conti ng National Union of People’s Lawyers-National Capital Region, malaking bagay ang naging pag-amin ni Garma dahil “mahirap buuin ng kuwento ng isang krimen kung ikaw ang biktima. Talagang kailangan mo na ‘yong mga gumawa o ‘yong mga may kasalanan ang magkuwento para mabuo ‘yong istorya.”

Sa matrix na ipinakita sa pagdinig, ipinakita ang planadong pagpuwesto at paglalagay ng mga tao sa bawat posisyon upang mabuo ang sistema sa malawakang patayan.

Sa isang forum nitong Okt. 24 na nilahukan ng mga pamilya ng biktima ng EJK, tinalakay ang mga nangyari sa mga pagdinig ng Quad Committee at kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas. Nagkaroon din ng pagkakataon na maglabas ng hinaing ang mga naulila sa isang round table discussion.

Batay sa mga salaysay sa mga pagdinig ng Quad Committee, pinaniniwalaan na ang retiradong pulis na si Edilberto Leonardo ang nagpapatakbo ng reward system kung saan sinasabing P20,000 ang halaga ng buhay ng bawat indibidwal na mapapatay ng mga pulis noong kasagsagan ng Oplan Double Barrel.

Ang kapangyarihan at kontrol ni Duterte sa pamahalaan ang nagsilbi niyang pananggalang kontra sa pananagutan sa mga nangyaring pamamaslang.

Dahil rito, idinulog sa International Criminal Court (ICC) ang mga kaso ng pagpatay sa Pilipinas. Dahil sa paglawak ng naging abuso sa giyera kontra droga, nakuha nito ang atensiyon ng mga internasyonal na grupo sa karapatang pantao upang alamin ang kalagayan at igiit ang pagtigil sa mga pagpatay.

Binigyang-diin ni Conti ang papel ng mga kaalyado ni Duterte sa Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP) at National Police Commission na dalawang ahensiya ng pamahalaang sumbungan sana ng mga patayang gawa ng pulisya.

Dahil rito, “imposible ang pagsasampa ng crimes against humanity kay Duterte dito sa Pilipinas dahil sa pakikisapakat nito sa iba pang mga matataas na opisyales sa gobyerno,” dagdag ni Conti.

Gaya ng nangyari sa mga Porquia, ipinapasa ang pasanin ng pag-iimbestiga sa mga pamilya ng biktima ng EJK.

“Wala kaming means o resources to investigate yung mga nangyaring pagpatay dahil nasa pulis lahat ng resources at means para mag-imbestiga, pero hindi nila ginagawa at alam naming hindi nila gagawin,” sabi ni Lean. 

Sa panayam kay Conti sa Teka Teka, sinabi niyang mga salaysay lang ng mga pamilya ng biktima ang hawak nila at naging pagkakataon ang mga pagdinig ng Quad Committee para malaman kung paano isinagawa ng pulisya ang mga pagpaslang na inutos mismo ni Duterte.

Maaari umanong makatulong sa kaso sa ICC ang mga salaysay ng iba’t ibang opisyal ng PNP sa mga pagdinig ng komite para mas lalong idiin si Duterte at iba pa niyang kasabwat sa mga patayan tulad ni Sen. Bato dela Rosa na dating hepe ng PNP na nagpatupad ng Oplan Double Barrel at Oplan Double Barrel Reloaded.

Para kay Salvacion at sa iba pang mga kaanak na naulila ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga, titindig at patuloy silang kikilos para sa inaasam na hustisya.