Main Story

OFWs sa Lebanon: Umiilag sa bomba ng Israel, usad-pagong ang DFA, DMW


Habang nakikiusap at nananawagan ang mga kababayan natin na makauwi nang ligtas at may suporta mula sa pamahalaan, pinupuna rin nila ang kawalang aksiyon ng Department of Foreign Affairs at administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. 

“Sana po ma-rescue at matulungan na po kami, hindi totoo ang sinasabi ng gobyerno na ayaw naming umuwi,” panawagan ni Rachel Quiocho, isang nail technician sa Beirut, kabisera ng bansang Lebanon sa Gitnang Silangan.

Sa unang araw ng buwang ito sinimulan ng Israel ang pananakop at pambobomba sa Lebanon sa hilaga. Ginagawa ang pagsalakay bilang parusa umano sa pagsuporta ng Lebanon at ng paramilitar na grupong Hezbollah sa mamamayan sa Gaza na isang taon nang biktima ng henosidyo ng Israel. 

Sa pinakahuling tala, nasa 2,300 na ang casualty dahil sa walang tigil na pambobomba at pag-atake ng puwersang Israeli sa mamamayan, kabilang ang mga sibilyan, ng Lebanon.

Sa mga unang araw ng Oktubre, may dalawang serye ng pambobomba sa distrito ng Dahieh, timog na bahagi ng Beirut kung saan nakatira at nagtatrabaho si Quiocho.

“Biglang umalis ang employer ko. ‘Di kami sinecure. Parang bahala ka na sa buhay mo. Mabuti may kumupkop sa akin na Lebanese family. Safe naman sa ngayon. Pero ‘di ko po alam hanggang kailan,” kuwento ni Quiocho. 

May humigit-kumulang 11,000 na Pilipino sa Lebanon, bansang madalas na destinasyon ng mga migranteng manggagawa. Habang nakikiusap at nananawagan ang mga kababayan natin na makauwi nang ligtas at may suporta mula sa pamahalaan, pinupuna rin nila ang kawalang aksiyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. 

“Sobrang lapit na ng mga bomba at sundalo ng Israel sa ating mga OFW (overseas Filipino worker) sa Lebanon. Hihintayin pa ba ng DFA na may mga patayin ng [United States (US) at Israel] bago pa sila magpauwi ng mga kababayan?” ani Josie Pingkihan, deputy secretary general ng Migrante International.

Sagot naman ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega, ang mga OFW naman raw ang tumatangging magpa-rescue sa gobyerno.

Sabi ni de Vega sa media, “So far it’s not going to happen yet, not right now, partly because the Filipino community and their leaders are still very hesitant to leave. This is a sign that they are still relatively safe in Lebanon.”

Kasinungalingan daw ang pagiging “safe” ng mga kababayan natin sa Lebanon, buwelta ng Migrante International. Sa gitna ng giyera, bakit daw nagpapalusot ang ahensiya samantalang noong nakaraang taon, dali-daling gumawa ng paraan at ayuda para sa lahat ng OFW sa Israel.

Inulit pa ni de Vega ang kanyang posisyon nitong nagdaang linggo. Aniya “sa 11,000 na [Pilipino], siguro 500 to 600 lang ang gustong umuwi. Ayaw nilang bumalik kasi kapag bumalik baka hindi na sila makabalik at nandoon ang trabaho nila.”

“Bakit parang kasalanan pa ng mga OFW iyung kawalan ng trabaho?” tanong ni Pingkihan.

Sa katunayan, ilang buwan nang inaasahang puputok ang bakbakan sa Lebanon. Ngayong 2024, papatindi ang girian ng dalawang bansa, gayong may matagal na rin silang tunggalian. Ang Israel, umaakto bilang kamay ng Kanluran sa rehiyon at ang Lebanon na pumapalag sa lantarang pang-aagaw ng teritoryo.

Gayunpaman, noong Okt. 2, nagsabi ang Malacañang na naghahanap pa raw ng mga magagamit na eroplanong maaaring maghatid. May nauna naman na daw na 500 na nakauwi sa nakaraang taon, pero mula noong nagsimula ang pananakop ng Israel, wala pang 20 na Pilipino ang napauwi.

“Hindi bago ang mga krisis sa Middle East para sa mga migrante. Pero kahit ipinagyayabang ng gobyerno ng Pilipinas na may malasakit sila sa OFW, nahuli silang hindi handa sa giyera kung saan buhay din ng mga Pilipino ang nakataya,” paliwanag ni Pingkihan.

Isang taon nang nasa Alert Level 3 ang Philippine Embassy sa Beirut. Pero nagtataka ang Migrante International, bakit mula noong bumagsak ang mga bomba, hindi itinaas sa Alert Level 4, kung saan magiging mandatory na repatriation o pagpapauwi sa lahat ng OFW?

Ayon sa gobyerno, may 1,721 na application para sa repatriation. Mula dito, 511 na ang umuwi at 171 ang naghahanda.

Pero sa isang diyalogo, inamin ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernado Olalia, walang sasakyan ang embahada ng Pilipinas sa Beirut kaya walang kapasidad ito na sagipin at sunduin ang mga kababayan nating walang pamasahe at umiiwas sa bomba.

“Sa laki ng pondo ni Marcos Jr. para sa DFA at DMW, bakit pa nagkukulang sa tao at rekurso ang mga opisina nila sa Beirut?” buwelta ni Pingkihan.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr., papaliit ang pondo para sa kapakanan ng migrante, pero papalaki ang badyet sa pagpapadala ng manggagawa sa ibayong dagat. 

Makakatanggap ng 132% na pagtaas ng pondo sa susunod na taon ang Labor Migration Policy at International Cooperation Program ng DMW, samantalang kakaltasan ng 35% ang pondo para sa Overseas Employment and Welfare Program

Gayunpaman, mayroon pa ring P15.3 bilyon para sa Emergency Repatriation Program (ERP) sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hindi napapakinabangan.

Sa ngayon, pinangakuan ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang may 500 OFW mula Lebanon ng P150,000 pinansiyal na tulong at serbisyong psychosocial mula sa DMW at OWWA alinsunod sa direktiba ni Marcos Jr.

Nasa 192 OFW din umano ang pansamantalang nanunuluyan sa mga shelter ng gobyerno ng Pilipinas sa Lebanon na tinutulungan ng mga social worker at medical worker.

Ayon naman sa Migrante International, kailangang ayusin at pabilisin ng DFA at DMW ang proseso ng repatriation sa mga OFW sa Lebanon.

Kasalukyan umanong napakabagal ng pagpoproseso sa mga papeles ng mga migranteng mangggagawang nais umuwi sa Pilipinas dahil sa kaguluhang hatid ng pananalakay at pananakop ng Israel sa Lebanon.

“Puro requirements at burukrasya pinaiiral [ng DMW],” wika ng beteranong mambabatas at tanggol-migranteng si Liza Maza.

Nakatanggap din ang grupo ng mga reklamo mula sa mga Pilipino sa Lebanon na hindi handa ang Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Beirut para tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa gitna ng krisis.

“Put your act together, DMW. Naiipit na sila sa sigalot doon [sa Lebanon]. Marapat na kumilos na ang gobyerno ng Pilipinas para pabilisin ang pagpapauwi sa ating mga kababayang nanganganib ang buhay,” giit ni Maza.

Ayon sa mga naiwang pamilya ng mga OFW na nasa Lebanon, hindi sapat ang mabagal na tugon ng gobyerno para tiyakin na ligtas ang kanilang mga mahal sa buhay.

“Huwag nilang hahayaan na may mabuwis na buhay para matulungan kami,” wika ng isang OFW sa gitna ng desperasyon ng mga Pinoy na naiiipit sa pananalakay ng Israel sa Lebanon. 

Dati nang may rekord ang pamahalaang Marcos Jr. na umiiwas magpauwi ng Pilipino mula sa Gitnang Silangan kahit pa sila’y nasa peligro na. 

Nagkalat ang nasa 2.16 milyong OFW sa buong mundo, nasa 84% sa kanila’y nasa Gitnang Silangan o mga bansang Saudi Arabia, Syria, Lebanon, at iba pa. Nasa top four din ang Pilipinas sa may pinakamalaking remittance na natatanggap. Kaya nga “bagong bayani” raw ang mga migrante sapagkat kundi dahil sa kanila, matagal nang tuluyang lumubog ang ekonomiya. 

Alam ng administrasyon ito. Kung kaya todo ang panghihikayat nito sa mga manggagawang Pilipino na lumipad sa Gitnang Silangan para magtrabaho para sa “building boom” sa rehiyon.

Sa isang talumpati noong 2023, nagpasalamat pa si Marcos Jr. sa mga OFW dahil sa “tuloy-tuloy na pagpapadala ng napakataas at makasaysayang remittance, bilang pagpapatibay ng kanilang papel sa transpormasyon ng ekonomiya.”

Pero may hatid na panganib ang maramihang pagpapadala ng mga manggagawa sa Gitnang Silangan. Maya’t maya nababalitaan ang brutal na pagpaslang at pang-aabuso sa mga OFW. At kadalasang pag-aalangan ang pinapakita ng gobyerno ng Pilipinas para mamagitan at sumuporta. 

Noong Hunyo 2023, nagpatupad ng entry ban ang Kuwait dahil sa ni-rescue ng Pilipinas ang ilang inabusong mga kababayan natin. 

Pero nag-alangan si Marcos Jr. na salubungin ito ng deployment ban mula sa Pilipinas, at tila nagkukumahog na ayusin ang gusot sa Kuwait.

“They say we violated their rules, but we don’t see it that way. I don’t want to burn any bridges. Maaring magbago ang sitwasyon. Makakapagpadala tayo ng manggagawa ulit,” ani Marcos Jr.

Nitong nakaraang linggo, kinumpirma ng DFA na may isang OFW na binitay sa Saudi Arabia dahil sa kasong murder, matapos ang matagal na pang-aabuso sa manggagawang Pilipino.

“Walang tapang ang administrasyong Marcos Jr. Panay intindi lang sa pagpapadala ng mga kababayan natin sa ibayong dagat para sa marumi, peligroso at walang dangal na trabaho. Dahil diyan, hinayaan niyang nakawin ang dignidad ng OFW na nasawi,” wika ni Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International.