Kompensasyon at rehabilitasyon, hindi makanegosyong proyekto 

,

Panawagan ng mga nasalanta ng bagyo, panagutin ang mga may sala sa tumitinding epekto ng pagbabago ng klima sa bansa at bigyang kompensasyon ang mga biktima para makabangon muli.

Kalmado pa ang buhos ng ulan kahit Signal No. 1 na sa Camarines Sur noong umaga ng Okt. 22. Hindi inakala ni Cath Barandon, 22 taong gulang na estudyante, na malulubog sa bahang dulot ng Bagyong Kristine ang kanilang bahay sa Brgy. San Nicolas sa bayan ng Baao.

Kakatapos lang nilang mananghalian nang mapansing pinasok na ng tubig baha ang kanilang bahay. Ilang saglit pa, umabot na hanggang baywang ang baha.

Wika ni Cath, “Hindi naman siya sobrang nakakatakot kaysa sa ibang bagyo. Parang natakot na lang kami dahil sa pagtaas na ng tubig, pagtaas ng baha.”

Lumikas sila ng kanyang kapatid sa bahay ng kamag-anak. Laptop at ilang pirasong damit lang ang naisalba nila. Nalubog at nasira na ng baha ang appliances at iba pang gamit nila sa bahay.

Kabilang sina Cath sa higit 2 milyong pamilya o 7.95 milyong indibidwal na naapektuhan ng Bagyong Kristine at sumunod na Bagyong Leon sa buong bansa ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council noong Nob. 1.

Umabot na sa 150 ang naiulat na namatay dahil sa pananalasa ng bagyo. Higit 122 naman ang sugatan habang 30 pa ang nawawala. Tinatayang higit P6.8 bilyon na ang halaga ng nasirang imprastraktura sa kabuuan batay pa rin sa naturang ahensiya.

Sa tala ng Department of Agriculture noong Okt. 31, umabot sa P4.85 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura. Mahigit 120,000 ng mangingisda at magsasaka sa 105,166 ektarya na may kabuuang pagkugi sa produksiyon 580,367 metric tons sa mga rehiyon ng Cordillera, Ilocos, Lambak ng Cagayan, Gitnang Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bikol, Kanluran at Silangang Visayas, Soccsksargen at Caraga.

Winasak ng bagyo ang mahigit 124,000 kabahayan. Umabot na sa higit 761,000 ang nawalan ng bahay at tumutuloy ngayon sa 2,780 evacuation centers. 

Nagdeklara ng state of calamity ang 209 munisipalidad at siyudad sa mga apektadong rehiyon.

“Ang mapaminsalang epekto ng Bagyong Kristine, lalo na sa [Bikol at maraming bahagi ng] Luzon, ay nagpakita ng kakulangan ng gobyerno sa paghahanda at pagtugon sa sakuna. Hindi ito ang unang malakas na bagyo ngayong taon, ngunit pauli-ulit nakikita ang mga trahedyang sana’y naiwasan: pagbaha, hirap na rescue teams, at mga na-stranded na komunidad,” pahayag ng Agham Advocates of Science and Technology for the People.

Isa sa nakikitang dahilan ng matinding pinsala ng pagbaha ang kapalpakan ng pamahalaan sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad.

Patunay na lang nito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya’y “little helpless” o walang magagawa sa pananalasa ng bagyo sa Kabikolan. 

Wika ni Marcos Jr., “Ang tanging magagawa lang natin ay umupo nang mahigpit, maghintay, umasa, manalangin na hindi masyadong malaki ang pinsala, na walang mga nasawi, at makapasok [ang tulong] sa lalong madaling panahon at sa pinakamabilis na paraan.” 

Umani ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa mga grupo tulad ng Anakbayan na nanawagan sa pagpapahinto ng pagmimina, quarrying at iba pang aktibidad na nakasisira sa kalikasan na pinahihintulutan ng pamahalaan.

“Helpless? Baka useless. Pinabayaan ng administrasyong Marcos [Jr.] ang mandato nito dahil ang priyoridad mo ay ang kita sa mga korporasyon. Pinapayagan ng gobyerno ang libo-libong mapaminsalang pagmimina, pagku-quarry at reclamation,” ani Anakbayan deputy spokesperson Mhing Gomez.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), ang pangulo ay lider na inuuna ang pasismo at paggamit sa pondo ng bayan hindi para pagaanin ang buhay ng tao kundi mas pahirapan pa. 

“Ang ating mga buwis ay dapat pondohan ang tunay na solusyon sa klima at pagtugon sa mga sakuna—hindi militarisasyon, itim na propaganda o mga korap at greenwashed na proyekto,” sabi ng Kalikasan PNE.

Pinuna naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na patuloy pa rin ang pagbaha kahit may higit 5,500 flood control project na nagkakahalagang P244 bilyon na ibinida ang pangulo sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo.

“Kailangan nating tanungin: Nasaan napunta ang pondo ng mga proyektong ito?” wika ni Brosas.

Ayon sa People Surge National Alliance of Disaster Survivors, ang lumalaganap na quarrying ay nagdudulot ng pagkawasak at panganib sa mga komunidad, tulad sa Albay kung saan may 369 mining permits na inaprubahan ang Department of Environment and Natural Resources noong 2019.

Ilan sa mga proyektong itinuturong dahilan ng pagkasira ng kalikasan at matinding pagbaha ang mga minahan sa islang lalawigan ng Palawan at Tampakan sa South Cotabato, reklamasyon sa Manila Bay at iba pang baybayin sa bansa, at pagtatayo ng mga dam katulad ng Kaliwa-Kanan Dam sa Sierra Madre, Chico River Dam sa Kalinga at Jalaur Mega Dam sa Iloilo.

Sa ulat ng Climate Change Commission nitong Marso, may tinatayang 7.22 milyong ektaryang forest cover o 24.07% ng kalupaan ng bansa ayon sa 2022 Philippine Forestry Statistics. Ayon sa ahensiya, lubhang nakalbo ang mga kagubatan sa bansa kumpara sa 17.8 milyong ektaryang forest cover noong 1943.

Patuloy na kinakalbo ng pamahalaan ang mga kagubatan ng bansa para sa pagtatayo ng mga dambuhalang proyektong hindi lang sisira sa kalikasan kundi pati sa kabuhayan at panirahan ng maraming Pilipino.

Sa kabilang banda, unti-unti ring nasisira ang mangroves na nagsisilbing proteksiyon sa baybayin ng Manila Bay dahil sa mga proyektong reklamasyon.

“Ang reklamasyon ay sinisira ang likas na bakawan na proteksyon ng komunidad sa malalakas na alon,” ani Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas vice chairperson Ronnel Arambulo.

Itinuturong dahilan ng matinding pagbaha sa Bulacan at iba pang bahagi ng Gitnang Luzon ang reklamasyon sa bayan ng Bulakan, Bulacan para sa bagong paliparang itinatayo ng San Miguel Corp.

Matapos makalikas, nakatanggap sina Cath ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development at pamahalaang lokal. Kahit kulang, pinilit nilang pagkasyahin ang limang kilong bigas.

“Hindi dapat gamitin ang resiliency para pagtakpan ang kapabayaan ng mga nanunungkulan sa mga biktima ng kalamidad,” sabi ni Arambulo.

Aniya, kahit totoong matatag at umaangkop ang mga Pilipino, pero hindi ito nangangahulugan na walang pananagutan ang pamahalaan at ang mga salarin sa pagkasira ng kalikasan.

Apektado ang mga palayan, pamumuhay ng mangingisda at magsasaka dahil sa kakulangan ng paghahanda ng gobyerno. Nangangailangan ng agarang pinansyal na tulong para makabangon, lalo na sa mga magsasakang nasira ang pananim at mangingisda na hindi makapalaot dahil sa bagyo.

Ayon kay Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women, nanawagan ang mga kababaihang magsasaka ng kongkretong aksiyon at agarang suporta mula sa pamahalaan upang makabangon mula sa epekto ng mga nagdaang kalamidad sa Bikol.

Malaking tulong umano ang kompensasyon para sa muling pagtatanim at pag-aayos ng mga kagamitan. Para sa mga mangingisda, mailalaan ang salapi sa pagkumpuni ng bangka, lambat at iba pang kagamitan. 

Para naman kay Cath, “Bumalik na rin iyong sa kuryente, naglilinis na [rin] sa bahay namin. Unti-unti talaga ang proseso ng paglilinis at pag-aayos. Tapos kami ngayon unti-unti talagang bumabangon.”