Sigaw ng mga naulila: Duterte, ikulong!
Humarap sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa giyera kontra droga. Walang bagong impormasyon, ngunit patuloy ang mga kaanak ng biktima ng pamamaslang sa pagigiit ng katarungan.
“Nakikita ko na po ‘yong liwanag. Noon, nakikibaka kami sa kalsada tuwing may panawagan. Nadinig naman ngayon, kaya nagpapasalamat ako,” ani Isabelita Espinosa.
Malaking bagay para sa kanya ang naging pagdinig ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o Blue Ribbon Committee sa madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagkaroon siya ng pag-asa na makakamit pa ang hustisya para sa anak niyang si Sonny Espinosa, 16.
Noong Dis. 28, 2016, habang nagluluto si Isabelita ng hapunan bandang alas-otso ng gabi, pinuntahan siya ng kapitbahay at sinabihang may barilan sa kabilang kanto. Nagmadali siyang pumunta. Inutusan niya lang daw lumabas ang anak na si Sonny para patayin ang tubig sa kuntador ngunit hindi na ito bumalik.
Huli na nang mapag-alaman niyang dumiretso pala ito sa kanto para bumili sa tindahan at doon nakita si Jonel Segovia,15, kaibigan ni Sonny na isa rin sa napaslang. Nagkayayaan ang dalawa na tumambay muna sa pampang ng ilog na malapit naman sa bahay ng sinasabing target talaga ng mga vigilante.
“Pagtingin ko [sa] bungad pa lang, nasa pinto nakalaylay na ‘yong ulo ng anak ko,” sabi ni Isabelita.
Itinuturing na “collateral damage” ni Duterte sina Sonny at Jonel sa kanyang brutal na programa.
Sa datos ng iba’t ibang human rights group sa loob at labas ng Pilipinas, tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000 ang biktima ng giyera kontra droga. Lubhang mas mataas kaysa sa idineklara ng gobyerno na nasa 6,000.
Sirkus sa Senado
Nitong Okt. 28, dumalo si Duterte sa pagdinig sa Senado kung saan inamin niya na totoong may Davao Death Squad noong siya’y alkalde ng Davao City. Dagdag pa niya, may pitong miyembro ito na binubuo umano ng mayayamang negosyante at “gangsters” na gustong pumatay ng tao.
Patuloy na nilalaglag ni Duterte ang sarili nang ilahad niya na nagbigay siya ng utos sa mga pulis na hikayatin ang mga “kriminal” na lumaban nang sa gayo’y maging legal ang pagpatay at hindi sila makulong.
Dagdag pa, binibigyan niya ng pera ang mga ito “panggasolina” sa tuwing may papatayin sila.
“Bigyan ko sila [ng P50,000 panggasolina]. Pagdating mo doon, patayin mo. Bigyan mo ng panahong lumaban. Kasi instructor ako ng criminal law—the only way na hindi kayo makulong, to justify the killing, bigyan mo ng panahon na lumaban,” aniya.
Dahil dito, naging pangunahing palusot ng mga pulis ang “nanlaban” para pagtakpan ang pagpatay nila.
Gaya na lang ng kaso ni Kian delos Santos, edad 17, na walang habas na pinatay ng mga pulis noog 2017. Sinubukan nilang gamitin ang alibi na “nanlaban” dahil may dala umanong baril at tinangkang tumakas ng biktima. Pero napatunayan na kasinungalingan ito sapagkat nakuhanan sa CCTV na kinakaladkad siya ng dalawang pulis bago barilin.
Isiniwalat naman ni Police Col. Jovie Espenido sa Quad Committee ng Kamara na may quota ang mga pulis kada araw. Kinakailangan nilang pumunta sa bahay ng 50 hanggang 100 na pinaghihinalaang gumagamit o nagbebenta ng ilegal na droga.
Binibigyan din umano ng pabuyang pera ang makapapatay sa mga taong nasa watchlist.
“Alam ng mga pulis lahat ‘yon na patayin, may reward kung [mapapatay] ‘yong nasa watchlist. May kasalanan man iyon o wala. Totoong na-buybust man o [hindi],” wika ni Espenido.
Dagdag niya, galing umano sa intelligence fund, Small Town Lottery at Philippine Offshore Gaming Operator ang perang ginagamit sa pabuya kung saan kaugnayan umano si Sen. Christopher “Bong” Go sa fund channel.
Sa kabila ng sinumpaang affidavit sa Karama na sangkot si Go, sinabi ni Espenido sa pagdinig sa Senado na tsismis lang umano ang pagkakadawit kay Go.
Pinatotohanan din sa Quad Committee hearing ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager at dating Police Col. Royina Garma, na bigong dumalo sa Senado, ang reward system at sinabing nakatanggap din siya nito.
Ayon sa kanya, may nakalaan ding badyet na 5,000 sa bawat operasyon ng pulis para sa expenses gaya ng buy-bust cash, pagkain, at gasolina.
Sa kabila nito, hustisya pa rin ang panawagan ni Isabelita. Ayon sa kanya, makakamit lang ito nang tuluyan kapag napalagot na ang lahat ng sangkot sa marahas na giyera kontra droga ng berdugong si Duterte.
“Kapag nakulong na si Duterte, pati lahat ng may kinalaman at utak ng mga pagpaslang, kapag [nanagot] na sila, mula puno, bunga at dahon, matatahimik na siguro ang kaluluwa ng libo-libong namatay,” aniya.
Usad pagong na hustisya
Sa pag-usad ng usapin sa Senado, makikita ang tindi ng impluwensiya ni Duterte. Imbis na mag-imbestiga, nagpakita lang sina Go, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Robinhood Padilla ng suporta nila kay Duterte.
Kamakailan lang, nabanggit din ni dela Rosa na nais niyang maging chairperson sa idadaos na imbestigasyon sa giyera kontra droga ni Duterte.
Napakalaki ng ginampanang papel ni dela Rosa sa brutal na giyera kontra droga kung saan pinamunuan niya ang Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ang Oplan Double Barrel at Oplan Double Barrel Reloaded bilang hepe. Malaking kalokohan ang hiling niya na pangunahan ang imbestigasyon dito.
“Hindi dapat dumalo bilang mga interpellator [sa pagdining ng Senate Blue Ribbon Committee] kundi bilang mga resource person sina dating PNP chief Bato dela Rosa at dating presidential assistant Bong Go,” sabi ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa isang paskil sa social media sa wikang Ingles.
Habang nasa pagdinig sina dela Rosa, Go at Padilla bilang mga interpellator, may posibilidad na walang signipikanteng impormasyon ang makukuha sa pagdinig.
Ayon sa mga abogado ng mga biktima ng pamamaslang, dapat ikonsidera na ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Duterte at sa iba pang sangkot sa mga pagpatay sa mga hukuman sa pangunguna ng Department of Justice (DOJ).
Pagharap sa hamon ng katarungan
Komprehensibong imbestigasyon ang hiling ng mga pamilya ng mga naulila ng extrajudicial killing (EJK). Hiling ng nakararami ang pakikipagtulungan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kaso.
Sa kasalukuyan, hindi makausad ang imbestigasyon sa crimes against humanity na isinampa ng mga pamilya ng biktima ng EJK laban kay Duterte sa ICC sa The Hague, Switzerland dahil sa kawalan ng kooperasyon ng kasalukuyang administrasyon.
“Panahon na upang arestuhin ng pamahalaang Marcos Jr. si Duterte kasama ang kanyang mga kaalyansa tulad nina Debold Sinas at Royina Garma. Kung hindi niya kaya, mas mainam na payagan na ang ICC ang humawak dito,” sabi ni Sandugo co-chairperson Amirah Lidasan.
Matapos ang unang pagdinig sa Senado, nagkaroon ng pag-asa ang mga pamilya ng mga biktima na makamit ang katarungan. Subalit, nabigyan din ng entablado sina Duterte, dela Rosa at Go upang baluktutin at ipagtanggol ang krimen nila.
“Sabi ni Duterte, ginawa niya lang kung ano ang kailangan niyang gawin? Wala lang sa katinuan ang mag-iisip ng ganon. Sino ba ang nagsabi na kailangan niyang pumatay ng libo-libo para solusyunan ang problema natin sa droga?” sabi ni dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño.
Matapos ang mga pag-amin ni Duterte, hindi pa rin nagpapakita ng kahit na anong inisyatiba ang DOJ sa pagsampa ng kaso laban sa kanya.
Bagaman ginamit ni Duterte ang Senado bilang pagkakataon para madepensahan ang kanyang laban kontra droga, marami pa rin siyang nabanggit na maaaring gamitin laban sa kanya para sa pag-usad ng kaso.
“Kung hindi pa rin kikilos ang gobyerno sa kabila ng harapang ebidensiya at rebelasyon, mainam na ibigay sa ICC ang mga transcript at testimonya ng witnesses para makatulong na tapusin ang imbestigasyon at nararapat na mag issue sila ng warrant of arrest”, sabi ni Neri Colmenares, isa sa mga abogado ng kaso sa ICC.
Ayon naman kay Maria Kristina Conti ng National Union of People’s Lawyers (NUPL)-National Capital Region, walang bagong impormasyon na lumabas sa unang pagdinig dahil inamin na ni Duterte noon ang lahat ng nabanggit niya.
“May gains, mayroon din negative. Kung pabor ka kay Duterte, baka matuwa ka. Nagkaro’n ng pagkakataon magsalita ang mga inaakusahan. On the other hand, sa mga biktima, walang bago kasi narinig na natin dati yan,” ani Conti.
Subalit, binigyang-diin niya na hindi na maaaring gawing palusot ng kampo ni Duterte na biro lang ang mga inamin niya sa Senado.
“Hindi puwede, under oath ito. Then serious e, sa Senate pa. Kaya ‘di pwede maging excuse ‘yong joke lang ‘yon. Sa legal, puwede bang may interpreter ka sa korte? Kung ano ang ordinary meaning ng sinasabi mo, ayan ang iintindihin ng korte,” sabi ni Conti.
“Modus operandi ang mga inamin niya e, para ‘di malagot ‘yong pulis. Ang pag-amin dito sa nanlaban scenario ay pag-amin sa krimen dahil hindi responsibilidad ng pulis na pumatay. Nakumpleto niya lahat ng elemento sa isang upuan kaya lumalabas talaga siya na diin na diin siya sa crime against humanity,” dagdag pa ni Conti.
Ayon din sa kanya, patuloy nilang ididiin na dapat makipagtulungan ang administrasyong Marcos Jr. sa ICC para sa imbestigasyon nito dahil ito ang panawagan ng taumbayan para sa hustisya.
Panawagan ng mga pamilyang naulila ang tulong mula sa gobyerno upang makapaghain na sila ng kaso laban kay Duterte.
“Baka po puwedeng tingnan ng DOJ [at ng] NBI (National Bureau of Investigation) [ang kaso namin]. Sila ‘yong mas may poder para tingnan po ang mga kasong ito at balikan at maibigay ‘yong katarungan sa mga pamilya,” sabi ni Randy delos Santos, tiyuhin ni Kian delos Santos.
Iisa ang panawagan ng pamilya ng mga biktima—muling pabalikin ang Pilipinas sa ICC. Sa bagal ng pag-usad ng mga lokal na korte, ito ang nakikita nilang solusyon para sa patas at mabilis na imbestigasyon. Nang sa gayon, mas lumaki ang posibilidad na makamtan ang katarungang matagal ipinagkait sa tulad nina Isabelita at Randy.
“Panawagan ko lang [sa] pangulo natin, pirmahan na niya, ‘yong [pagbabalik ng Pilipinas] sa ICC. Para sa akin, mas magiging maayos ang sistema natin ‘pag may ICC,” paluhang sabi ni Isabelita.