Makakalikasang grupo, dismayado sa COP29
Naninindigan ang mga makakalikasang grupo na hindi sapat ang pondo para sa climate reparations na inilaan ng mga bansang industriyal para tugunan ang krisis sa klima sa pagtatapos ng negosasyon sa Baku, Azerbaijan.

Bigo pa ring masolusyunan ang nagpapatuloy at lumalalang krisis sa klima.
Sa pagtatapos ng 29th Conference of Parties (COP29) ng United Nations Climate Change nitong Nob. 22 sa Baku, Azerbaijan, hindi nakamit ang maraming hangarin para sa paglalaan ng makaturungang pondo para sa mga epekto ng climate change at pagbabawas hanggang sa pagpapatigil ng paggamit ng fossil fuels.
Nagkasundo ang mayayamang bansa na $300 bilyon lang ang ilalaang pondo sa mahihirap na bansa kada taon simula 2035. Tatlong beses na mas mataas ito sa kasalukuyang $100 bilyong kasunduan pero napakalayo pa rin sa $1 trilyong target na kailangan para sa maayos na transisyon tungo sa low-carbon economy at paghahanda ng mahihirap na bansa para sa mga epekto ng climate change.
Tinalikuran din ng mga kinatawan ng mayayamang bansa ang naunang pagkilala ng COP28 sa kahalagahan ng pag-phase out ng paggamit sa fossil fuels o mga produktong petrolyo na nagbubuga ng carbon at iba pang greenhouse gas sa atmospera na nagdudulot ng pag-init ng daigdig at pagbabago ng klima.
Sa mga talakayan at burador na binuo, hindi nila inulit ang mga panawagan sa pag-iwas ng paggamit ng fossil fuels.
Sa paunang talumpati pa lang ni Azerbaijan President Ilham Aliyev, sinabi na niyang “biyaya mula sa Diyos” ang mga mapagkukunan ng fossil fuels.
Kinondena ng mga militante’t makakalikasang grupo ang mga kinalabasan ng kumperensiya at ang tindig ng delegasyon ng Pilipinas sa mga ito.
Ayon sa Peoples Rising for Climate Justice (PRCJ), wala pa ring agarang aksiyon para tugunan ang krisis sa klima sa kabila ng mga diskusyon at pangangalampag ng mamamayan.
“Kahit may delegasyon ang Pilipinas sa COP29, tila hindi nila nakikita ang pangangailangan para sa kagyat na aksiyon. Nakontento sila sa barya-baryang pangako ng malalaking bansa para sa climate finance at loss and damage. Suportado nila ang kasinungalingan ng carbon market, na nagbibigay-permiso sa malalaking bansa na tuloy-tuloy ang kanilang pagbuga ng carbon dioxide,” sabi ng PRCJ.
Para naman sa Youth Advocates for Climate Action Philippines (Yacap), tahasang binalewala ng mga negosasyon sa COP29 ang pangangailangan ng mamamayan habang patuloy na nararanasan ng bansa ang matinding epekto ng krisis sa klima.
Maaalalang hinugupit kamakailan ng anim na sunod-sunod na bagyo ang Pilipinas sa loob lang ng apat na linggo.
“Hindi na natin kailangang ipaalala ang bilyon-bilyong halaga ng pinsala at ang milyon-milyong Pilipino na apektado ng bagyong Kristine, Leon, Marse, Nica, Ofel at Pepito habang nanghihilakbot pa rin sa mga pinsala ang mga komunidad,” pahayag ng Yacap.
“Hindi rin natin maaasahan ang administrasyong Marcos Jr. para sa tunay na mga solusyon sa klima dahil pumapasok sila sa carbon markets para ibenta ang ating mga lupain at katubigan,” dagdag pa ng grupo.
Nananawagan ang PRCJ at Yacap na tupdin ng mayayaman at industriyal na bansa, partikular ng United States na may malaking kontribusyon sa global emissions, ang kanilang mga obligasyon sa climate reparations o pagbabayad sa pinsalang dulot ng climate change.
Hinikayat din nila ang mamamayang Pilipino na sumama sa mga pagkilos para singilin ang kapalpakan at kainutilan ng administrasyong Marcos Jr. sa mga sakuna at para sa tunay na solusyon sa krisis sa klima.