P50B kaltas sa 4Ps, 2 milyong pamilya mawawalan ng ayuda


Sa pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 General Appropriations Act o pambansang badyet nitong Dis. 30, aprupado din ang iba’t ibang kaltas sa serbisyong panlipunan.

Sa pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 General Appropriations Act (GAA) o pambansang badyet nitong Dis. 30, aprupado din ang iba’t ibang kaltas sa serbisyong panlipunan.

Kabilang dito ang P50 bilyong pagbabawas sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Noong nakaraang mga buwan, mayroon pang panukalang P114 bilyon para sa 4Ps. Pero nitong Disyembre, tinabla at binabaan ito ng bicameral conference sa P64 bilyon.

Para kay Mimi Doringo, Makabayan senatorial candidate at secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), lalong malulugmok sa kahirapan ang matagal nang naghihikahos na maralitang Pilipino.

May P106 bilyong pondo ang 4Ps para sa 4.4 pamilya ngayong 2024. Para sa papasok na taon, lumalabas na may halos 40% na pagbabawas sa pondo ng 4Ps. Tinatayang magdudulot ito ng pagkawala ng ayuda sa halos 2 milyong maralitang Pilipino.

“Pinagkaitan ni Marcos Jr. ang mahihirap ng benepisyo para gagawing papogi ng mga kakampi ng administrasyon bago ang halalan sa Mayo,” bira ni Doringo.

Masahol pa, ani Doringo, panay mga proyekto ng mga alyadong mambabatas ng administrasyon ang mabibiyayaan ng mas malaking pondo. Sa aprubadong badyet, binigyan ng P26 bilyon pondo ang mga mambabatas para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at P19.8 bilyon pondo sa imprastruktura sa parehong kapulungan ng Kongreso

Umaga ng Dis. 30, nagprotesta ang iba’t ibang progresibong grupo sa Mendiola, Maynila para batikusin ang pagpasa ng panibagong badyet na batbat ng kaltas sa kalusugan, edukasyon, ayuda at iba pang serbisyong panlipunan.

Kamakailan, sinabi ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno na “ito na ata ang pinakakorap na badyet sa history ng Pilipinas.”

Kapansin-pansin ang zero subsidy para sa Philhealth, halos P12 bilyon kaltas sa Department of Education at mahigit P25 bilyon na kaltas sa Department of Health.

Samantala, may karagdagang P289 bilyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan may P1 bilyon sa Senado at P18.8 bilyon sa Kamara.

“Pagpipiyestahan ng mga kurakot,” ani Doringo tungkol sa pinalobong pondo ng supermajority ni Marcos Jr. sa Kongreso.

Paliwanag naman ni Propesor Emmanuel Leyco, ekonomista mula sa Center for People’s Empowerment in Governance, nasa P200 bilyon ang halaga ng mga ‘di natupad na proyekto ng DPWH sa nakaraang taon.

Nag-aalala si Leyco na masayang lang ang dagdag pondo at ‘di naman ito talaga mapapakinabangan ng taumbayan, sapagkat sa panibagong paglobo ng rekurso ng ahensiya, “baka madoble lang ang ‘di nila kaya ipatupad.”